Aral sa Aresto


Hindi imposible ang makulong. Para sa mga aktibista, katotohanan ito ng makauring digma.

Sa sosyolohiya, pinag-aaralan ang tinatawag na conflict theory ni Karl Marx kung saan walang hanggan ang pagtutunggalian ng mga inaapi at mapang-api dahil sa limitadong rekurso sa ekonomiya man o politika. Sa tunggaliang ito, esensyal ang paglalabanan ng mga pwersang gahum* at kontra-gahum na laban sa o para sa panlipunang transformasyon.

Sa daloy ng tunggaliang ito, hindi na bago ang karahasan sa magkabilang-panig. Subalit mas marahas ang estado na nais panatilihin ang namamayaning kaayusan. Kinaya nilang patayin sina Chad Booc at Kerima Tariman, ikulong sina Leila de Lima at Reina Mae Nasino, at ngayon ay arestuhin sina Kara Taggaoa at Larry Valbuena. Para saan? Dahil sa kanilang paglaban.

Sa kabilang panig, militansya ang sagot ng mga inaapi sa ganitong karahasan. Maaaring sa porma ng armadong pagrerebolusyon sa mga lugar na naging muog ng pakikibaka sa kanayunan. Maaari rin namang sa mga legal-demokratiko at mapayapang paraan gaya ng pag-oorganisa sa masa, pagtatayo ng unyon, paglahok sa eleksyon at iba pa.

Mula sa sandamakmak na anekdotang lumitaw sa internet nang hulihin si Kara, maaari nating masilip kung anong klase ang pagkatao niya. Ayon sa kanyang ama, ang pagiging (basahin: hindi armadong) aktibista niya ang isang dahilan sa mga pagbabagong panlipunan. Patunay naman ng kanyang mga kasama, maangas si Kara nang turuan niya pa ang mga pulis kung paano igalang ang karapatan ng mga akusado. Sa mata ng estado, siya ay isang kaaway at magnanakaw—mga bagay na ipinagkaiba nilang dalawa ni Bongbong Marcos.

Ika nga ni Erving Goffman, araw-araw nating iprinepresenta ang ating sarili sa lipunan. Para kay Kara, iyon ay ang matibay na paninindigang pinanday ng katuwiran ng kanyang ipinaglalaban. Pinalago iyon ng pag-intindi sa lipunang layuning baguhin ito, turo nga ni Marx. Pero hindi laging tapang ang front stage ng mga aktibista; may panahon din ng takot, pangamba, at pag-atras. Na, sa katunayan, ay buwelo lamang para lumakas, magtiwala, at sumulong muli.

Sa mga tunggaliang ito, sa antas man ng sarili o lipunan, nagaganap din ang mga rebolusyon. Marahas ito, katotohanan iyan. Marahas ito dahil kabalikat ng bawat pagwasak ang pagbubuong-muli. Sa mga tunggaliang ito, binabago natin ang mga sarili habang sinusubukang baguhin ang lipunan. Doon, sa pagitan ng tunggalian, natututuhan natin ang posisyon at relasyon ng sarili at lipunan—at ang mga kontradiksyon nila.

Hindi lang si Kara ang humaharap sa ganitong mga sangandaan at pagpili. Lahat tayo. Kung papasok ba o tatambay na lang, kung iibig o matotorpe, kung mang-aapi o magbabalikwas. Ang pundamental na tanong sa lahat ng karahasan ay para kanino? Para kanino ba naglilingkod ang karahasan at para saan iyon—sa dominasyon o liberasyon?

Kaya hindi natin maihihiwalay ang sarili sa lipunan. Dapat nga raw ay magkaroon tayo ng sociological imagination na kayang gagapin ang ugnayan ng personal troublesat public issues sabi ni C. Wright Mills. Wasto nga ito. Sa panahong mas nakakaengganyo ang magpakalango sa inuman kaysa makipamuhay sa mga manggagawa at magsasaka, panahon na rin ata para sa malalimang imbestigasyon sa papel ng edukasyon sa panlipunang transformasyon.

Ayon kay Freire, ang edukasyon ay maaring maging instrumento ng pagpapasunod o pagpapalaya. Kung gayon, ang edukasyong nakakulong sa mundo ng teorya ay baog dahil nauuwi lang ito sa salsalan ng sinabi ng kung sino-sino. Bulag naman ang praktikang walang teorya dahil walang direksyong pinatutunguhan nito, at maaari pang makaligaw. Kaya nga ang panukala ni Freire ay edukasyong nagtatanong ukol sa problema (problem-posing education) kung saan nagsasalimbayan at nagtatagpo ang tanong at sagot—ang teorya at praktika.

Ito ang sosyolohiya, ang pag-aaral sa lipunan, na pinag-aaralan ni Kara. 

Isang sosyolohiya na naiintindihan ang conflict theory ni Marx sa paglahok sa mga piket at strike, nakita sa malapitan ang monopolyo ng lehitimong karahasan ng estado ayon kay Weber, natuklasan ang pagiging social fact,ayon kay Durkheim, ng mga batas na tagibang sa interes ng burgesya at ang pagiging instrumento ng makauring diktadura ng burges na estado at ang pangangailangang buwagin ito ani Lenin. Ibinabalik ni Kara ang isang sosyolohiya na hindi nahulog sa patibong ng relatibismo kundi naniniwala sa materyal na realidad habang may puwang sa agency ng indibidwal at organisadong hanay ng mga uri at kilusang panlipunan.

Ang sosyolohiyang ito ang aral sa aresto nina Kara at Ka Larry. Ang akademya ay hindi na toreng garing, malayang palengke, o kulungan. Dapat ang akademya ay sityo ng pakikipagtunggali sa namamayaning kaayusan at gahum ng estado. Ang unibersidad, ani nga ni Bertolt Brecht, ay mga manggagawa at magsasaka ang kaguruan at ang mga kagaya nating kabataang gitnang-uri ay dapat bumitaw sa fantasya at yakapin ang realidad ng pag-aalsa.

Marahil iyon din ang realidad na pumukaw sa serye ng mga pandaigdigang protesta ng mga estudyante noong 1968. Ang panawagan nila: be realistic, demand the impossible. 

Makatotohanan nga ang aktibismong iniluluwal ng paghahangad sa imposible. Nag-aanak ito ng tunggalian sa iba-ibang sityo ng makauring digma sa lipunan. At ang mga imposible—tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, pambansang soberanya, kinabukasan— ay nagiging posible sa paggigiit ng ating mga pangarap. Realistiko iyon hanggang may nakikibaka.

Posible ang panlipunang pagbabago hangga’t may mga rebolusyonaryong gaya ni Kara.

*Gahum — salin sa Filipino ng konseptong hegemonyni Antonio Gramsci na tumutukoy sa panlipunang dominasyon ng isang uring panlipunan gamit ang represyon at pagpapakalat ng mga ideyang common senseupang mapapayag ang mga inaapi sa kanilang pamumuno sa estado

Featured image courtesy of Kilusang Mayo Uno

“Repression on right to dissent and organize”

“Tuloy ang laban!”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *