Makabayan, pinaaalis ang VAT sa ilang batayang bilihin


Inihain ng mga mambabatas ng Makabayan noong Oktubre 12, Huwebes, sa Kamara ang House Bill No. 5504 na naglalayong tanggalin ang patong na 12% value-added tax (VAT) sa ilang pangunahing bilihin.

Kung maisasabatas, aamyendahan nito ang Tax Reform Act of 1997 upang isama ang ilang mga tinukoy ng panukala na pangunahing bilihin sa listahan ng “exempt transactions” sa ilalim ng Section 109.

Kabilang doon ang pagbebenta at importasyon ng mga pangunahing pangangailangan, partikular ang asin; de latang baboy, baka, isda, at iba pang produkto mula sa dagat; detergents; instant noodles; kandila; mantika; panggatong at uling; raw at refined na asukal; sabong panlaba;  tinapay; at mga gamot na kinikilalang “essential” ng Department of Health (DOH). 

Panukala nina Gabriela Rep. Arlene Brosas, Kabataan Rep. Raoul Manuel, at ACT Teachers Rep. France Castro na alisin ang VAT para matulungan ang mga Pilipino na naghihirap dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kawalan ng trabaho sa ilalim ni Marcos Jr.

Lubusang inilugmok ang mga mamamayan buhat ng “all-time high” na implasyon nitong Setyembre na nasa 6.9%, pagtaas mula sa naunang 6.3% na nitala nitong Agosto. Habang umabot na sa 9.71 milyon ang bilang ng mga Pinoy na wala o kulang ang trabaho.

Nakaapekto rin sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang paglakas ng dolyar kontra puso sa palitang P59=$1. Dagdag dito, ayon sa pagsusuri ng ilang mga grupo, ang P100, bilang nominal na halaga, ay katumbas na lamang ng P93 ngayon. 

“Removing the 12% VAT on basic goods consumed by poor families on a regular basis will dramatically ease their economic suffering amid skyrocketing prices, massive joblessness, and depressed wages,” paninindigan ni Brosas

“Kung P100 ang presyo ng kada kilo ng refined sugar halimbawa, P12 agad ang mababawas sa presyo nito [kung maipasa ang House Bill No. 5504],” paglilinaw niya.

Partikular sa mga bilihing pagkain, tumaas sa 7.7% ang national inflation rate noong Setyembre 2022 mula 6.5% noong Agosto 2022.

Payo ng gubyerno ay magtipid na muna sa pagkain habang pinag-aaralang magdagdag pa ng ibang buwis. Kinontra naman ito ng IBON Foundation na nagsabing hindi sapat ang P570 minimum wage sa Maynila sa panukalang higit P1100 para sa disenteng pamumuhay araw-araw ayon sa family living wage.

Ipinanukala rin ng Makabayan Bloc ang isang National Minimum Wage Bill batay sa family living wage upang itaas ang sahod ng mga manggagawa sa bansa kasabay ng taas presyo sa mga bilihin.

Buwelta pa ni Brosas, “Instead of asking consumers to control their purchases, it is the government’s responsibility to provide concrete solutions to address high prices. Ito dapat ang gawing prayoridad sa halip na iratsada ang mga panukalang walang kinalaman sa pagkalam ng sikmura ng mga mahihirap.”

Batid ni Brosas na mababawasan ang kikitain sana ng gubyerno mula sa VAT kung maipasa ang kanilang panukalang batas subalit giit niya na dapat at maaari itong bawiin sa pamamagitan ng pagpapataw ng “super rich tax” sa mga pinakamayayamang Pilipino.

Naunan nang inihaing-muli ng Makabayan Bloc ngayong ika-19 Kongreso ang House Bill 258 o Super-Rich Tax Bill na naglalayong patawan ng 1% tax ang yamang higit sa isang bilyong piso, 2% tax sa yamang higit sa dalawang bilyong piso, at 3% tax ang yamang higit sa tatlong bilyong piso at sobra pa.

Sa pagtataya nila, sa 50 pinakamayayamang Pilipino, maaaring kumita ang pamahalaan ng P237 bilyon kaysa kunin pa ito sa VAT sa mga produktong inaasahan ng mga pangkaraniwan mamamayan, lalo na ang mga pinakamahihirap.

Featured image courtesy of Niño Jesus Orbeta

A Department of Injustice

Numero uno para kanino?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *