Makaraang idinaos ang ikalawang face-to-face (F2F) Technical Committee Meeting noong Nobyembre 4, iginiit ng mga estudyante ng kolehiyo ang ligtas na pagbabalik-kampus sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (CSSP) sa susunod na semestre.
Noong nakaraang buwan, inanunsyo ng administrasyon ng Unibersidad ng Pilipinas ang pagpayag nito sa 100% F2F na kondukta ng klase sa parating na ikalawang semestre bagaman wala pang malinaw na guidelines ang inilalabas para sa nasabing polisiya.
BASAHIN: http://bitly.ws/wgEa
Sa antas ng kolehiyo, binubuo ang F2F Technical Committee ng mga facility managers, academic staff, at isang kinatawan ng mga mag-aaral mula sa CSSP Student Council (SC).
Maaalalang idinagdag ang mga representante ng mga mag-aaral sa kumite sa inilabas na pamantayan noong Agosto 2022 matapos na rin ang mga panawagan para sa mas representasyon ng mga estudyante sa pagbabalik-eskwela.
Kasama ng ibang miyembro ng kumite, gumagampan ang kinatawan ng mag-aaral sa pagpoproseso ng mga aplikasyon para sa F2F mula sa iba-ibang departamento, laluna ang pagsasagawa ng mga konsultasyon sa mga mag-aaral.
BASAHIN: http://bitly.ws/wgEF
Kampanyang #BalikPamantASan
Sa isinagawang pulong, ipinahayag ni CSSP Student Council Vice-Chairperson Cammy Consolacion ang mga panawagan at kahingian ng mga estudyante na nakapaloob sa kampanyang #BalikPamantASan ng konseho ng mga mag-aaral ng KAPP.
Maaalalang noong 53rd General Assembly of Student Councils (GASC), ipinasa ng ang panukalang resolusyon ng CSSP SC, kasama pa ang ibang mga konseho, na naglalayong bigyang-pansin din ang balik-eskwela sa mga kursong Humanities and Social Sciences.
Ngayong semestre, iilan lamang sa mga klase ng HUMMS ang mayroong F2F component at nanatili pa rin ang fully online set-up sa ilang mga klase sa kolehiyo.
Bilang tugon sa resolusyon, layon ng kampanyang #BalikPamantASan na kalampagin ang administrasyon ng CSSP ukol sa:
- pagkakaroon ng kinatawan ng mga mag-aaral sa pagbuo ng F2F roadmaps ng kolehiyo at mga departamento;
- buo at kumpletong F2F guidelines;
- konsultatibong townhall dialogues kasama ang mga mag-aaral;
- scholarship at tulong pinansyal sa mga HUMSS major; at
- sama-samang F2F roadmaps ng buong kolehiyo, kasama ang ilang partikular na panuntunan ng bawat departamento
BASAHIN: http://bitly.ws/wgKS
Kasama rin sa kampanya ang paggigiit ng mga academic spaces, pagbubukas sa mga org tambayan at opisina, paglilinaw sa mode of learning para sa susunod na semestre, at housing at financial assistance para sa mga estudyante ng CSSP.
Pagtatanaw sa pagbabalik-AS
Ayon sa panayam ng SINAG kay Consolacion, kinatawan ng mga mag-aaral sa kumite, tinatanaw nito ang pagkakaroon ng F2F component sa lahat ng mga klase sa KAPP.
Nakabatay ang schedule o frequency ng F2F component ng mga partikular na klase depende sa pagpaplano ng bawat departamento. Alinsunod dito, patuloy ang renovation at paghahanda ng mga pasilidad ng kolehiyo.
Ani Consolacion, “malapit na matapos ang mga ginagawang classrooms sa 1st at 2nd floor. Sa kasalukuyan ay mayroong limang smart rooms na hinahandang magamit sa paparating na semestre. Bukod pa dito, isasailalim sa inspeksyon at pag-apruba ang ilang classrooms at facilities gaya ng Health and Wellness Center at iba pang conference rooms.”
Bukod sa mga nabanggit, mayroon pa ring inaasikaso ang kumite tulad ng pagkakaroon ng maayos na ventilation sa mga silid, paglalagay ng mag signages ng health protocols, at pagsasaayos ng mga sistema upang masigurong ligtas at maayos na pagbabalik-AS.
Tinatanaw din na mabuksan ngayong semestre ang AS Lobby bilang study space ng mga mag-aaral ng KAPP na sarado pa rin, kasama ng reading hall, dahil umano sa kasalukuyang gawaing konstruksyon sa Bulwagang Palma.
Katuwang ng mga konseho at CSSP Office of Student Affairs (OSA), binabalak ding magkaroon ng “Kapihan” sa kolehiyo para sa paparating na finals. Nitong nakaraang Nobyembre 3 naman binuksan ang “Kapihan sa Diliman,” sa pangunguna ng UPD University Student Council, at magtatagal hanggang Nobyembre 10, Huwebes.
Ngayong semestre, mayroon na ring ilang klase, gaya ng sa Heograpiya, Sosyolohiya, at Sikolohiya, at Dalubbanwahan na ginaganap sa Bulwagang Lagmay at Bulwagang Palma habang nagkaroon ng field school sa Antropolohiya noong Midyear at inaasahang magbabalik-AS na ang lahat ng departamento sa Pebrero 2023.
Patuloy na pagkalampag
Ani Consolacion, sisiguraduhin ng konseho ang tuloy-tuloy at malapit na ugnayan sa mga mag-aaral at administrasyon ng CSSP, partikular na sa F2F technical committee, upang masigurong agarang maihatid ang mahahalagang updates lalo na ukol sa pagkakaroon ng malinaw na timeline ng mga plano at mas komprehensibong guidelines.
Titiyakin at pananatilihin din daw ng konseho ang pagiging konsultatibo sa mga isyu at pangangailangan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga pagpupulong at sensing forms.
“Sa pagpupulong kahapon, konsultatibo rin ang Technical Committee sa mga concerns o kahingian ng mga mag-aaral at nais din siguruhin na maging smooth ang transition natin sa F2F. Patuloy ang koordinasyon natin upang malaman kung paano natin epektibong matutulungan ang isa’t-isa. Bukas ang dalawang konseho—FSTC at SC—para sa mga student concerns, nakikipagugnayan din kami sa Admin para maaaring maitulong sa mga mag-aaral. ” pagtitiyak ni Consolacion.
Matapos alisin ng UP ngayong semestre, ikinakampanya rin ang institusyonalisasyon ng mga palising academic ease, lalo na at patuloy pa rin ang pandemya sa bansa.
BASAHIN: http://bitly.ws/wh2V
Paninindigan ni Consolacion, “[s]a pagbabalik-pamantasan ay madami tayong pagbabago na kakaharapin, madaming kailangan alamin muli. Kaya naman nararapat na maging mas maunawain sa isa’t-isa at magtulungan upang masiguro na walang estudyanteng maiiwan. Magkasama tayong #LumabanKAPP, para sa ligtas na pagbabalik pamantasan!”
#LigtasNaBalikEskwela
#BalikASUpdate