Patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin sa merkado kung kaya’t nagiging sanhi ito ng perwisyo sa mga tao. Umabot na sa 7.7% ang inflation rate noong Oktubre mula sa dating 6.9% ng Setyembre, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority. Tila isa itong kalbaryo.
Kasabay ng paglobo ng presyo ay ang pananatili ng mababang minimum wage mula P350 hanggang P470 sa CALABARZON at P570 sa Metro Manila, ang pinakamataas sa bansa. Dagdag pa, pumalo na sa P13.52 trilyon ang utang ng gubyerno.
Kung ganito katindi ang krisis sa ekonomya, sapat pa nga ba ang kinikita ng mga karaniwang tao sa kanilang araw-araw na pagtatrabaho? Mula sa bayan ng Imus, Cavite, silipin natin ang kalbaryo sa taas presyo na pasakit sa mga Pilipino.
Magkano na po ang kinikita niyo araw-araw?
“Maswerte na minsan na may P400, ‘pag maulan wala pa,” tugon ni Loro Vino, tindero ng mga bag at towel. Dahil hindi naman ramdam ni Loro ang gubyerno, hindi niya pa nasubukang humingi ng tulong. Nais niyang makahingi ng dagdag na panggastos lalo na’t may anak siya na may epilepsy.
Ano po ang epekto ng pagtaas ng bilihin sa inyo, tulad ng langis?
“Malaki talaga ang epekto niyan. Isipin mo sa halip na kikita kami ng P500 o P600, e magkano nalang yung inuuwi namin. Yun, at mahal na rin yung mga bilihin dahil diyan din binabase ng mga negosyante [yung presyo ng binibenta nila],” tugon ni Jun Olida, isang jeepney driver.
Ano po sa tingin niyo ang epekto ng pagtaas ng presyo ng mga produkto sa buhay ninyo at sa pamilya ninyo?
“Kailangan ng tiyaga, double time hanggang maghapon. Alas-tres pa kami ng umaga nagbubukas,” tugon ni Lagrimas Ferrer. Bunga ng kanyang maliit na kinikita, nahihirapan siya sa pagpapaaral ng kanyang dalawang anak. Gusto niyang madagdagan pa ang kanyang puhunan.
Mataas po ba ang kompetisyon sa paninda? Sa paanong paraan?
“Tiyagaan nalang para mabuhay ang pamilya. Kahit mataas kung araw-araw nagtitinda, makakabili rin ng pangangailangan sa bahay. Kahit na mataas, kung hindi ka magtitinda, mas lalong wala,” tugon ni Ferdinand Marcos, isang vendor ng mga manok. Aniya, humihingi na lamang siya ng tulong mula sa Panginoon upang magkaroon ng swerte sa pagtitinda sa halip na humingi ng tulong sa gubyernong pinamumunuan ng katukayo niya.
Ano ang panawagan ninyo sa gubyerno?
“Kasi magsasaka ang pamilya ko, ‘yung sa bentahan ng mga pananim, ‘pag nagbibenta mababa [ang tubo], mataas ‘yung presyo ng mga pataba’t krudo, talagang sa mga magsasaka lahat ng gastos. Kahit babaan lang yung presyo ng suplay para sa magsasaka,” tugon ni Vivian Abrera, isang magsasaka at nagtitinda ng bigas. “Taasan din dapat yung sweldo [minimum wage],” dagdag pa niya.
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin, nababawasan ang masa ng purchasing power — ang kakayahang bumili ng mga kinakailangang produkto — dahil nananatiling mababa ang sahod. Bunsod nito, umiiral ang isang siklong patuloy na nagpapahirap sa mahihirap. Maski paulit-ulit na nagbabago ang presyo ay hindi nagbabago ang kalbaryo ng mga Pilipino. Hangga’t walang aksyon ang pamahalaan, lalo lamang itong lalala.
Ngayon, ano na lamang ba ang maaasahan sa kasalukuyang gubyernong Marcos Jr. sa labis na pagtataas ng presyo, lalo na at sa nagdaang SWS self-rated poverty survey ay primaryang problema ito ng taumbayan kung saan 48% ng mga pamilyang Pilipino ay naghihirap at bagsak si Marcos Jr. sa pagresolba nito. Tikom pa rin ang bibig niya at ng mga economic advisers bagama’t matagal na tayong lugmok sa ekonomikong krisis sa gitna ng pandemya.
Sa isang lipunang nakatali sa dayuhan, isang sintomas nito ang patuloy na pagbagsak ng halaga ng piso laban sa dolyar na senyales ng kapalpakan ng kasalukuyang administrasyon. Dahil dito, nagsasanga-sanga ang iba’t ibang problema sa lipunan tulad ng kahirapan, kawalan ng trabaho, at kakulangan ng suplay ng pagkain o food shortage.
Kapos sa pera ang mga tao bunga ng kawalan ng disenteng trabaho at panlipunang serbisyo kaya mahihirapan silang makamit ang kanilang mga pangangailangan tulad na lamang ng pagkain, bahay, kuryente, tubig, at pamasahe. Ang mga magkakaugnay na relasyon ng mga problemang ito ay dapat suriin upang hindi lamang makapagsimula ng mga diskurso kundi pati na rin ng konkreto at inklusibong mga plano’t solusyon na nais waksan ang kalbaryo.
Sa ngayon, kapansin-pansing natutunan na lamang ng mga manininda na sabayan ang agos ng buhay. Naniniwala na lamang sila na magiging maayos lamang ang lahat kung magkakaroon sila ng tiyaga at kaunting swerte. Ipinapamukha rin ng mga pulitiko na umaasa lamang ang mga tao sa kanila subalit malayong-malayo ito sa totoong sitwasyon ng masa.
Hangga’t wala pa ring ginagawa ang gubyerno ni Marcos Jr. upang mabigyan ng sapat na atensyon ang problema ng inflation, patuloy pa ring masasadlak ang ating mga kababayan na pagtitiyaga o resiliency lamang ang sagot sa lahat ng kanila, o ating, mga problema.
Sabi nga nila, kapag may tiyaga ay may nilaga. Subalit sa panahon ngayon, hindi na sapat ang pawang tiyaga lamang para mabuhay nang masagana kung ang mga institusyong dapat tumulong sa’yo ang mismong nagpapahirap sa iyong sitwasyon. Kasabay ng papatapos na taong 2022, nawa’y matapos na rin ang problema sa pagtaas ng presyo ng mga produkto.
Mangyayari lamang ito kung ang krus na bitbit sa kalbaryo ng mga Pilipino ay magdudulot ng pagkakaisa tungo sa kaligtasan — isang lipunang sapat ang sahod at pagkain, makamasa ang panlipunang serbisyo, at mayabong ang agrikultura at industriya. Itong mga bagay na imposibleng makamtan sa pamumuno ng isa na namang Marcos, kundi sa ating unity lamang.
Mga larawan ni Jenelle Raganas