Si Ericson at ang Rebolusyon


“Bayani ka, bayani ka, hanggang huling patak.”
— Ericson Acosta, Hanggang Huling Patak (1995)

Sabi nila, ang nagtanim, may aanihin. Marahil, ganoon rin si Ericson. Tatlong dekada nang nagtatanim, mula sa kampus hanggang sa mga kanayunan, ng militanteng panulaan at radikal na politika upang ang lahat ng ninakaw sa atin ay maging atin na, balang araw.

Ericson Acosta. Kagaya ng asawa niyang si Kerima Lorena Tariman, animo’y alumni homecoming ang pagbabalik sa kampus ng balita. Noo’y sila ang editor ng mga ito; ngayon sila naman ang paksa. Habang inaaral bakit wala pa ring lupa silang kababata na ang punongkahoy sa Negros, Nobyembre 30, umalingawngaw ang balitang pinaslang si Ericson ng mga militar.

Bagaman may malubhang karamdaman, nagsisilbi noon si Ericson bilang isang peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at pinaghuhusay ang panukala nilang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) upang lutasin ang ugat ng kahirapan sa bansa. Mula noon, isa rin siyang makata, naging editor sa Kule at isa sa haligi ng Alay Sining. At kaila sa marami, nag-aral siya sa CSSP ng marahil pinakareaksyunaryong disiplina nito, Agham Pampolitika, ayon sa isang kasama niya.

BASAHIN: https://sinag.press/news/2021/08/23/ang-rima-sa-pakikibaka-ni-kerima/

Bayani ng sambayanan

Tanyag na makata si Ericson. Nanalo pa nga ng National Book Award ang libro niyang “Mula Tarima Hanggang” na kalakhan ng piyesa ay, bagaman naisulat sa kulungan, humuhugot sa malalim na balon ng kanyang karanasan ng paglilingkod sa sambayanan. Patok sa masa si Ericson, hindi dahil nanalo siya ng award, kundi dahil niyakap niya ang masa saanman.

Kung gayon, tungkol saan ang mga tula ni Ericson? Sa madaling sabi, tingin ko ay radikal na panitikan itong humahamon na ibagsak ang pinaniniwalaan niyang isang malakolonyal at malapyudal na lipunan. Gumuguhit sa mga tula niya ang paghamon sa mga aktibista at estudyante na ilaan ang sarili sa paglilingkod sa masa, buhay man ang ialay. Kaya naman, maisusuma ang kanyang panulaan, buhay, at kamartiran ng mga sumusunod na linya sa kanyang awit na laging kinakanta sa parangal ng mga namayapang bayani ng sambayanan:

“Pagkat ang ‘yong kabayanihan
Inaanak ng kahirapan
Inaruga ng kaapihan,
Bininyagan ng digmaang bayan”

Ika nga ni Mao Zedong sa Talks at the Yenan Forum, kailangang magpaunlad ng isang “mass style” na sining kung saan nagsasanib ang mga ideya at damdamin ng artista at masa sa pamamagitan ng buong-pusong pag-aaral sa wika ng masa. Kapos iyon sa mga kampus at pahayagan nito. Kaya, maski walang diploma, mataas ang pinag-aralan ni Ericson sa piling ng masang kanyang sinulat at sinulatan na nag-aruga sa mapagkalinga niyang mga tula.

Para sa masa, bayani siya. Para sa kaaway, terorista siya. Sa mga rebolusyonaryong makata gaya niya, paaralan ang mundo at ang masa ang kanyang guro at estudyante. Sa mga berdugong militar, walang halaga ang kanyang buhay kundi isang war trophy sa digmaang walang katapusan. Sa huling pagsusuri, ang bayan ang maghuhusga kung alin ang makatarungan; ang bayan ang magpapasya kung sino ang kanilang tunay na bayani.

At ang bayaning bininyagan ng digmang bayan ay ang siyang nakidigma kasama ng mga api.

Humanities at social sciences ng krisis at rebolusyon

Pagkat, kontradiksyon ang pangalan ng mundo, sa mga tula ni Ericson, nagtutunggalian rin ang kontradiksyon ng krisis at rebolusyon. Sa isang banda, malinaw ang pagbibigay-mukha sa labis na kahirapan. Sa kabilang banda, mapagkalinga ang paanyayang bumalikwas at baguhin ang mundo. Sa prosesong ito, nagpapakitang-gilas ang gilalas ni Ericson sa Marxismo at panlipunang realidad at pag-ikid ng dalawa. Sa pagitan nila, nagsasalarawan siya ng ngayon at bukas kung saan magsasama at magkasama hanggang hul silang mga nais ng pagbabago.

Ganoon naman ang proseso ng pagbabagong panlipunan: nagluluwal ang krisis ng mga rebolusyon. Batid niya ito dahil narating niya na ang larangan ng digma sa Hilagang Luzon, Samar, Albay, hanggang sa Negros. Bilanggong politikal man o tagapayo ng NDFP, lubos ang pananalig ni Ericson sa kawastuhan ng rebolusyon na matagal nang naipunla sa ating bayan.

Batid niyang totoo ang hitsura ng palagiang krisis sa “lupang pinag-alayan ng dugo,” sa “bayang ang tanging nais ang kaapihan ay mapatid,” sa “bayan kong inalipin,” “sampung taong gulang [na] si Luisita” at sa sakada at iskong iinaral niya. Ang buhay niya mismo ay lipos din ng krisis: pagkamatay ng asawa, pagkawalay sa anak, banta sa kanyang buhay, at iba pa. Ika niya nga, magkaugnay ang mga bagay-bagay at laging tiyak ang pagbabago kung isusulong ito.

Kaya marahil, ang pananalig sa kawastuhan ng rebolusyon sa kanyang mga tula ang patunay sa pagpapanibagong-hubog ni Ericson mula sa “babakla-baklang lasenggerong editor” ng Kule patungo sa isang militanteng makata at tagapayo ng mga rebolusyonaryo. May “change of feelings” kumbaga, ani nga ni Mao, na bunga ng pagiging kasama ng masa. Magsasama, magkasama hanggang huli nga raw, ani Ericson. Totoo nga na hanggang huli, kasama siya. 

Sa kamartiran ni Ericson, muling ikinakasal ang humanidades ng krisis sa agham panlipunan ng rebolusyon. Laging may pag-asa ang mga tula ni Ericson na pumapaksa sa paglutas sa mga kontradiksyon, pagsasama-sama, pamamanata sa kalayaan, paninindigan ng mga nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan, at balang-araw na walang panginoon ang lupa.

Doon buhay ang agham panlipunan na nakikipanig sa lipunang may pinapanigan ani nga ni Lenin. Batid niyang ang pag-aaral ng politika at lipunan ay wala sa monopolyo ng Bulwagang Palma kundi nasa potensyal ng mga walang kapangyarihan. Malay siya na ang mga sakadang inaapi, iskolar na pinagkakaitan ng edukasyon, at artistang dahas ay nagtataglay ng talinghagang higit pa sa tula: ang lakas ng mahihina at katuwiran ng mga minamangmang. Sa bagay, ang politika ay labanan para sa kapangyarihan, tunggalian ng buhay at kamatayan.

Marami pa tayong masasabi tungkol kay Ericson at sa kanyang mga tula ngunit ireserba na natin ito sa mga elehiya at protesta. Subalit, ang sumada ng humanidades at agham panlipunan sa kanyang mga tula ay minsan nang naisulat ni Marx—interpreting and changing the world. Interpretasyong makatao at pagbabagong siyentipiko na tanging sa siyensya ng rebolusyon, kung saan ang mga gaya ni Ericson na naglingkod sa masa, posible at higit na kinakailangan.

May leksyon ang kabayanihan ni Ericson: makatuwiran ang rebolusyon, hanggang huling patak!

Dibuho ng SAKA

BOR approves SocSci Productivity Scheme

Bagong Pangulo, Parehong Problema

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *