Hindi biro ang kinabukasang haharapin ng UP sa susunod na anim na taon, sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte. Kaya naman, buo ang aming kapasyahan na suportahan si Dr. Fidel Nemenzo bilang susunod na UP President alinsunod sa tatlong batayan.
Una, malinaw ang tindig ni Dr. Nemenzo sa iba-ibang isyung pambayan gaya ng kaltas-badyet, kalayaang akademiko, komersyalisasyon at kontraktwalisasyon, at libreng edukasyon. Pangalawa, kinikilala namin ang mga pagsisikap niya na paunlarin pa ang mga disiplina sa Agham Panlipunan. Pangatlo, nangako siyang aagapayan ang mga publikasyon sa kanilang kampanya sa pondo at kaligtasan. Naniniwala kami na ang mga ito ay sapat na batayan upang kilalaning siya ang UP President na may “ubos lakas na paninindigan” ayon sa aming editoryal.
BASAHIN: https://tinyurl.com/mrxp7taw
Una, tumitindig ang SINAG para sa makabuluhang alternative journalism na nagbibigay-halaga sa mga isyu at kampanya na inilulunsad ng iba-ibang sektor at grupo sa lipunan. Isa na rito ang kampanya upang ipagtanggol ang UP at kalayaang akademiko nito. Hindi na kaila sa amin ang mga atake ng estado, lalo’t niredtag na ang aming publikasyon at mga editor. Batid namin ang halaga ng pag-iinstitusyonalisa sa UP-DND Accord upang protektahan ang mga pampublikong diskurso sa pamantasan na magbubunsod ng panlipunang kritisismo at pakikisangkot.
Pangalawa, sa panayam sa Philippine Collegian, binanggit ni Dr. Nemenzo ang kanyang kagustuhan na magdagdag pa ng mga units sa General Education (GE) Program upang hubugin lalo ang kritikalidad ng mga Iskolar ng Bayan. Dagdag rito, sa termino niya ay inaprubahan ang UP Diliman Social Science Productivity System (SSPS) na naglalayong gawing mas produktibo at makabayan pa ang pananaliksik sa Agham Panlipunan. Balak niya rin umanong dagdagan ang grants at scholarships para rito. Tingin namin, malaki ang iaambag nito sa pagpapaunlad ng social sciencessa bansa at social science writing advocacynamin.
Pangatlo, sa isang forum, nangako si Dr. Nemenzo na titingnan ang posibilidad na maibigay na at mapataas pa ang pondo ng mga publikasyong pangkampus. Sa SINAG, nasasagkaan ng defunding ang epektibo at komprehensibong paggana ng publikasyon. Bagaman may koleksyong P30 kada estudyante kada semestre, hindi naman nakaaabot ito sa amin at hindi na nga rin ito nakasasapat sa ngayon. Kaya naman, umaasa kami na malaking pag-asdang ang magagawa ng UP President na kaisa namin sa laban para sa badyet at press freedom.
Subalit hindi rin ligtas sa kritisismo si Dr. Nemenzo bunsod ng mga kapuna-puna niyang kapasyahan lalo na sa mga usaping pang-mag-aaral. Mananatiling tagamasid ang SINAG at iba pang publikasyon upang tiyakin ang maka-estudyante at maka-mamamayang liderato kung siya ang mapiling mamuno sa atin. Subalit, ang higit lalong kailangan ngayon na buweltahan ay ang nominasyon ng isang lantarang anti-estudyanteng burukrata na si Dr. Fernando Sanchez.
Sinasalamin ng mga nagawa ni Sanchez ang kabaligtaran ng mga mithiin ng mga estudyante. Gaano man kabulaklak ang kanyang mga pangako at plano, hindi niya mapagtatakpan ang talaan ng kanyang mga kasalanan sa sangkaestudyantehan. Sa huling pagsusuri, lipas na ang panahon ng mga bulok na administrador at panahon na para sa mga bagong dugo ng pamamalakad na konsultatibo, progresibo, militante, at kumikilala sa mga estudyante ng UP.
Malaki ang hamon namin sa Lupon ng mga Rehente ng Unibersidad ng Pilipinas: daig ng 50,000 estudyante ang 11 gumagawa ng polisiya sa pamantasan. Ito ang panahon upang pakinggan nila ang kapasyahan ng komunidad na isinusuka si Sanchez at sinusuportahan si Nemenzo sapagkat ang buong komunidad ng mga mag-aaral, fakulti, kawani, at residente ang mapagpasya, hindi ang mga burukratang bilang sa daliri kung makasalamuha sa kampus.
Sa mga kapwa namin Konsensiya ng Bayan, ubos-lakas tayong sumama sa pagkilos bukas, 8 n.u, at igiit na ang ating UP President ay siyang mangunguna sa isang Unibersidad na Pangmasa, Unibersidad ng Pakikibaka, at Unibersidad na Pambansa, sa panahong haharapin natin ang nagbabadyang mga unos na dulot nina Marcos-Duterte at pakawala nila sa UP.
Featured image courtesy of SINAG