“Karapatan ng mamamayan, ipaglaban!”
Iyan ang sigaw ng mga nagprotesta noong Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao sa Maynila kahapon, Disyembre 10, upang igiit ang panawagan ng iba’t ibang sektor.
Para sa sektor ng manggagawa, ang karapatang pantao ay dapat nakasentro sa karapatan ng mahihirap. Sa bulok na sistema ng rehimen, ang mayaman ay lalong yumayaman habang ang mahihirap ay lalong humihirap.
Panawagan ng manggagawang magsasaka na tigilan ang pagkitil sa kanilang mga kasamang nagpapahayag ng kanilang kahilingan.
Ang karapatang pantao ay nangangahulugang karapatang mag-unyon, mag-organisa, at mag-welga. Hindi dapat pinaparatangan ng gawa-gawang kaso ang mga manggagawang lumalaban para sa mas mataas na sahod.
Para sa migrant workers, dapat ipaglaban ng gobyerno ang karapatang pantao ng mga OFW at lumikha ng mga trabaho at industriya sa loob ng bansa upang wala nang mag-OFW.
Ang mga miyembro ng komunidad ng LGBTQIA+ ay nararapat lamang din na matamasa ang karapatang pantao, dapat ipaglaban ang kanilang karapatan sa pagpapahayag ng kasarinlan.
Hindi makatarungan at hindi makatao ang pagredtag ng NTF-ELCAC sa mga aktibista at mga bilanggong politikal kaya panawagan nilang buwagin na ito.
Ang pagsasabatas ng Anti-Terror Law ay ang pinakamalaking atake sa karapatang pantao, isinabatas ang di makatarungang pag-atake at paniniktik ng estado sa mga mamamayang progresibo.
Kabilang sa karapatang pantao ang karapatan ng mga estudyante sa kalayaang pang-akademiko. Ang pagraratsada ng mga Mandatory ROTC at National Citizens Service Training na panukala ay pagsasabatas ng gobyerno sa pagpasok ng militar sa mga paaralan.
Mga larawan kuha ni Nathan Hong