Wala sa pang-masang linya ang prayoridad ng administrasyong Marcos sa sektor ng edukasyon. Pinagtibay ito ng mga konseho sa ginanap na ika-54 na General Assembly of Student Councils (GASC) sa UP Cebu nang kanilang ipasa ang Resolution no. 2023-006 na malawakang ikinakampanya ang pagtutol ng komunidad ng UP sa pagbabalik ng Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (MROTC).Â
Ito ay sa ilalim ng panulat ng UPD CSSP SC, UPB USC, UPD USC, UPM USC, UPM CPH SC, UPM CAS SC, AT UP Tacloban SC.
Mapanlinlang na adyenda ng MROTC
Nakaposturang pang-abante ng nasyonalismo ng mga kabataang estudyante, kinakatawan ng House Bill (HB) No. 6687 o ang National Citizens Service Training Program (NCSTP) ang hangarin ng administrasyong Marcos na gawing mandatory ang pagsasailalim sa pagsasanay militar ng kabataan.
Taong 2001 nang mapawalang bisa ang Republic Act (RA) no. 9163, ang naunang batas kaugnay ng ROTC matapos ang pagkakadawit ng programa sa isyung korapsyon at abuso. Ngunit, sa pag-upo nina Bongbong Marcos at Sara Duterte ay kanilang ginawang solido ang hangarin nilang ibalik ito. Anila, ang MROTC ay gagawing mas handa para sa anumang sakuna at mas magiging maka-Pilipino ang mga kabataan.
BASAHIN: https://tinyurl.com/false-nationalism
Agaran itong pinagtuunan ng pansin nina Duterte at Marcos, at niratsada pa ang pagpasa ng HB6687 bilang isa sa Top 10 priority bills ng ika-19 na Kongreso. Ito ay sa kabila ng kaliwa’t kanang isyung kinahaharap ng masa, kabilang na ang implasyon at krisis sa edukasyon. Ayon sa ilang mga mambabatas, mahalaga ang pagpapasa nito buhat ng kawalan ng mga estudyanteng kumukuha ng ROTC sa kanilang National Service Training Program (NSTP). Alinsunod dito, nakapaloob sa HB6687 na gawing mandatory ang pagsasanay-militar at pagpapataw ng karagdagang bayarin para sa pangangailangan sa pag-aaral.
Dagdag dito, ang mga mag-aaral ay awtomatiko nang reserba ng militar sa ilalim ng Citizen Armed Forces liban pa sa inseguridad na maaaring maging dulot nito sa kalayaang pang-akademiko sa mga pamantasan.
Malagim na kasaysayan at kahihinatnan ng MROTC
Patunay ang mga naitalang kaso ng abuso sa kabataan sa hindi pagiging epektibo ng MROTC. Noong taong 2001, isiniwalat ni Mark Welson Chua, mag-aaral mula sa University of Santo Tomas (UST), ang mga isyu kaugnay ng korapsyon, panunuhol, at abuso sa ilalim ng MROTC. Buhat nito, dinakip at natagpuang sawi si Chua sa isang ilog. Liban pa rito, may karagdagang lagpas 15 na kaso ng abuso na ang naitala mula 1995 hanggang 2017, ayon sa datos ng National Union of Students of the Philippines (NUSP).
Sa kabila nito, pursigido pa ring isinusulong ng administrasyong Marcos ang naturang bill sa tabing ng nasyonalismo. Sa katunayan, mababa sa alokasyon ng nasyunal na pondo ng administrasyong Marcos ang inilaan para sa edukasyon. Taliwas ito sa anilang pagpopokus ng MROTC para sa “capacity-building” at “disaster preparedness” ng mga mag-aaral, at sa pagpapalaganap ng tunay na maka-Pilipinong pagkatuto.
Pagtitibay ni Franchesca Duran mula sa UP College of Social Sciences and Philosophy Student Council (CSSP SC), dapat tutulan ang naturang pagbabalik ng MROTC dahil layon lamang nitong “magpalaganap ng kultura ng karahasan, diskriminasyon, at korapsyon.”
Dagdag pasakit lamang ito sa mga magulang at mag-aaral na humaharap din sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng bilihin at pagbaba ng kalidad ng pamumuhay sa bansa.
“Anti-student” at “anti-youth” na panukala
Malawakan ang inaning pagtutol ng pagraratsada ng NCSTP Bill. Pagsisiwalat ng mga kabataan, hindi nito mareresolba ang mga isyu sa edukasyon, makapagdidisiplina ng mga kabataan, o makapagsusulong ng tunay na nasyonalismo.
Sa katunayan, naitala ng pag-sensing ng UP Manila ang 97.6% na disapproval rate kaugnay ng nakaambang pagsasabatas nito. Dagdag dito, karamihan ng mga mag-aaral ay naghayag ng kani-kanilang kahirapan at suliranin kaugnay ng papalapit na pagbabalik-kampus. Kabilang dito ang matrikula, pamasahe, at karagdagan pang bayarin. May mga isyu rin kaugnay ng mga pasilidad na maaaring magamit para sa kondukta nito. Halimbawa, sa inihaing resolusyon ng mga konseho, isinalaysay doon ang pangangailangan ng mga mag-aaral mula UP Manila na ikasa ang pagkondukta ng ROTC sa UP Diliman para sa kanilang NSTP buhat ng kawalan ng karampatang pasilidad. Dagdag dito, ibayong paniniktik at panghihimasok ng mga militar ang maaaring danasin ng mga mag-aaral.
“Hindi ito solusyon sa maraming problema na kinakaharap nating mga kabataang estudyante, kagaya ng kahirapan sa learning set-up, malaking gastos, kakulangan sa suporta at kagamitan, isyung pangmental health, at iba pa. Bukod pa rito ay nagpupumilit ito ng maling konsepto ng nasyunalismo, at tinatanggalan tayo nito ng kalayaan na pumili sa itsura ng ating pag-aaral at paglilingkod sa bansa,” ani Duran.
Napatunayan na ito noong hearing kaugnay ng mga ROTC bills na niraratsada sa Senado. Walang naging tunay na kinatawan ang sektor ng kabataan buhat ng hindi pag-imbita ni Sen. Bato dela Rosa. Nang magkasa ng protesta, ito ay isinawalang bahala nina Sen. Francis Tolentino at pinagpilitang huwag pakinggan ang panawagan ng mga kabataan, habang tinuring ito ni dela Rosa bilang “trolling.”
Pagsisiwalat ng NUSP, takot lamang si dela Rosa na mabuking bilang “anti-student” at “anti-youth,” at hinamon ang senador na imbitahan ang kabataan sa susunod na hearing.
BASAHIN: https://bit.ly/3HMJ7Fb
Gampanin ng agham panlipunan
Ang MROTC ay magbibigay-karapatan sa mga militar na lalong palakasin ang pagtapak nito sa kalayaang makapagpahayag at pang-akademiko ng kabataang estudyante. Maaari nitong maihulma ang kabataan bilang mga di-kritikal na mga sunud-sunuran sa kumpas ng militar. Nakaambang manganib ang mga kabataan sa mas malalang panreredtag, paniniktik, at pang-aatake na lantad na rin naman sa kasalukuyang itsura ng administrasyong Marcos. Paghahayag ni Duran, ito ay dapat na tutulan sapagkat “walang lugar ang militar sa ating mga paaralan.”
Ayon pa sa Resolution no. 2023-006, mandatory man o hindi, hindi makataong paraan ang MROTC sa pagpapaabante ng damdaming nasyunalismo ng mga kabataan. Bagkus, anila, ito ay isa lamang iskema upang palawakin ng estado ang pamamasista nito sa mga paaralan. Hudyat nito, kanilang pinagtibay ang kolektibong pangangampanya laban sa pagbabalik ng MROTC, kasama ang pagmomobilisa ng iba’t ibang alyansa at organisasyon.Â
Sa kabilang banda, pinalawig ni Duran ang nananatiling hamon para sa mga Konsensiya ng Bayan sa gitna ng lumalalang atake sa mga demokratikong espasyo ng pamantasan. Aniya, mahalaga ang imbestigasyon at pagsisipat ng agham panlipunan sa kalagayan ng lipunan kung kaya “dapat ay kaisa tayo sa pagtindig” laban dito.
“Malaki ang hamon na gamitin ang agham panlipunan para sa tunay na nasyunalismo — sa hindi paglimot sa kasaysayan, sa pakikiisa sa batayang masa at sa mga komunidad, at sa paggamit ng iba’t ibang disiplina upang hindi lang kritikal na suriin ang lipunan kung hindi baguhin ito,” paghahayag ni Duran.
Larawan mula kay Johannes Hong