Sa pagpapatuloy ng ating Global Climate Strike ngayon, inaaalala natin kung para saan at para kanino ang pagpunta natin rito. Lupa, kabuhayan, karapatan, at kinabukasan ang ating patuloy na ipinaglalaban bilang mga iskolar ng bayan na nag-aaral ng agham panlipunan ngayon.
Ang krisis pang-klima ay usaping panlipunan na nangangailangan ng pagsasabuhay ng mga perspektibang makatao at makabayan!
Anthropology Department Representative Chito Arceo
On the Global Climate Strike and the need for social science students to demand climate justice
Giit ni Anthropology Department Representative Chito Arceo, dapat lamang manguna ang mga Konsensiya ng Bayan sa pakikibaka para sa hustisyang pangklima, pagtutol sa mapanamantalang pagmimina, at paniningil sa mga mapang-abusong mayayaman na bansa.
Nagsalita si Arceo bilang kinatawan ng Konseho ng mga Mag-aaral ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya sa pagkilos na pinangunahan ng Youth Advocates for Climate Action Philippines (YACAP) kanina, Marso 3, bilang pakikiisa sa Global Climate Strike.
“Sa pagpapatuloy ng ating Global Climate Strike ngayon, inaaalala natin kung para saan at para kanino ang pagpunta natin rito. Lupa, kabuhayan, karapatan, at kinabukasan ang ating patuloy na ipinaglalaban bilang mga iskolar ng bayan na nag-aaral ng agham panlipunan ngayon,” sinabi ni Arceo na miyembro din ng YACAP.
Ani Arceo na bilang mga Konsensiya ng Bayan, nararapat lamang na gamitin natin ang suri sa lipunan at sumanib sa pakikibaka para sa hustisyang pangklima.
“Ang krisis pang-klima ay usaping panlipunan na nangangailangan ng pagsasabuhay ng mga perspektibang makatao at makabayan!” dagdag ni Arceo
“Ipamana, huwag ipamina,”
Pangunahing panawagan din sa pagkilos kanina ang pagbasura sa Philippine Mining Act of 1995 dahil ngayon din ang ika-28 na anibersaryo ng pagsasabatas nito.
“Dalawampung walong taon pagkatapos isabatas ng Philippine Mining Act of 1995, naging pahirap ang pagmimina sa kabuhayan ng mga taong apektado nito dahil sa kasakiman ng mga kumpanyang dayuhang nag-iinvest upang ma-exploit ang minerals ng ating bansa,” sabi ni Arceo.
Dahil sa Philippine Mining Act, pinahintulutan ang 100% na pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga minahan sa Pilipinas, na nagbigay-daan sa lalong pananamantala sa likas na yaman ng bansa.
Para sa Konseho ng Mag-aaral ng Kolehiyo ng Agham, imposible ang pagmiminang makatao, makakalikasan, at makabayan hangga’t pinahihintulutan ito.
“For more than 20 years, P1.59 trillion of P1.69 trillion (93.4%) of our country’s extracted mineral resources have only been exported to other countries—leaving little of our natural resources for us which we need in the transition towards renewable energy and the needs of future generations.”
Maliban dito, kinundena din ni Arceo ang aniya’y kasakiman ng mga kumpanyahang dayuhan habang iniisa-isa ang pinsalang idinulot ng mga ito sa mga komunidad.
Nagbanggit si Arceo ng ilang halimbawa: ang Marcopper Mining Project noong 1996, ang Philex Padcal Spill noong 2012, Toledo Copper Mine noong 2020, at marami pang ibang nagdulot ng malawakang pinsala sa kalikasan at maging sa mismong mga tao sa mga lugar na iyon.
“Malinaw na hindi kailangan ang pagmimina upang magkaroon ng stable na pamumuhay ang mga Pilipino. Dagdag lamang ito sa dami ng problema na ating kinahaharap pagdating sa krisis pang-klima.”
Ngunit binigyang-diin din ni Arceo na hindi dito nagtatapos ang laban para sa hustisyang pangklima.
“Ngayon at magpakailanman, ipalaganap natin ang pagiging multisektoral at intersekyunal ng mga usapin ukol sa krisis-pangklima. At nawa, kaisa ang bawat isa sa atin ngayon upang ipaglaban ang hustisyang pang-klima na ating inaasam.”
Kaya naman para kay Arceo, dapat lang na gamitin ang agham panlipunan para isulong ang pakikibakang pangklima, at dapat ding manguna ang mga Konsensiya ng Bayan sa pagsulong na ito.
“Dapat lang na isinasabuhay natin yung mga larangan na pinag-aaralan natin. Dapat yung mga teorya ay inilalapat natin para magkaroon ng meaningful action na pro-people at pro-environment.”
Hinimok ni Arceo ang mga mag-aaral ng KAPP na patuloy na makiisa sa pakikibakang pangkalikasan.
“Nawa magamit natin ang kanya-kanya nating mga napag-aaralan upang mas maisulong natin ang laban natin para sa hustisyang pangklima. Lagi nating alalahanin na walang tao na dapat mapag-iwanan,” sabi niya.