Nagtaka ang mga Iskolar ng Bayan sa karaniwang paliwanag ng kapulisan na kinakailangan nilang labagin ang UP-DILG Accord para magpa-print sa kampus.
“Dami niyong pondo wala kayong printer?” tanong ni UP Diliman University Student Council Chairperson Latrell Felix dahil dalawang araw nang magkasunod na naiuulat ng mga Iskolar na nakakita ng kapulisan sa kampus ng UP Diliman para sa halos magkaparehong dahilan.
Kanina, Marso 16, ginamit ang paliwanag na ito ng tatlong pulis na nakasakay pa sa mismong kotse ng Quezon CIty Police Department malapit sa Vinzons Hall.
Kahapon naman, Marso 15, nakita ang dalawang pulis sa bandang Centennial Residential Hall na nagpapa-photocopy lamang daw.
Nagalit pa nga ang isa sa mga pulis na nakita kahapon nang tuluyan nang paalisin, at nagsabing “Ba’t, pagmamay-ari mo ba ang UP? Ba’t mo ako inuutusan na umalis?”
Nitong nakaraang mga buwan, ilang beses na ring nagamit ang mga paliwanag na ito para sa presensiya nila sa iba’t-ibang kampus ng UP, kasama ang iba pa katulad ng pagkain sa mga kainan sa loob at pagsama lamang sa ibang opisyales.
“Ayus-ayusin niyo alibi niyo, ang sabihin niyo tinitiktikan niyo ang mga estudyante lalo na sa espasyo kung saan tumatambay at nagtitipon ang mga mag-aaral,” ani Latrell Felix.
Hindi nga rin daw ito maayos na paliwanag para sa mga Iskolar ng Bayan dahil maaari namang mag-print sa maraming lugar na wala sa kampus.
“Sige, sabihin na nating wala silang printer kahit ang laki-laki ng badyet nila. Doble pa rin o higit pa ang layo ng Camp Karingal sa paprintan ng Vinzons Hall/SUB (3.2km), kumpara sa iba rito,” sabi ni UPD USC Safety and Security Councilor Neo Aison.
Gumawa pa nga si Aison ng listahan ng pitong paprintan na ito na may kasamang layo sa Camp Karingal.
https://tinyurl.com/PaprintanList
Maliban pa dito, iba’t-ibang ulat na ang natanggap ukol sa lumalalang presensiya ng kapulisan sa kampus, katulad ng mobil na diumano’y umiikot-ikot sa iba’t-ibang erya.
Presensiya ng kapulisan, nagdudulot ng pangamba
Hindi lamang umaalma ang mga Iskolar dahil sa paglabag ng batas; matinding pangamba din ang naidudulot ng presensiya ng kapulisan sa kampus.
Giit nila, nakakatakot ang dumaraming kaso ng pagpasok ng kapulisan sa kampus, lalo na at patuloy na tinatawag ng mga ahente ng estado na “pugad ng terorismo” ang pamantasan at binabansagang kaaway ng estado ang mga progresibo.
Higit pa ngang nakababahala, sabi nila, na ang huling dalawang kaso ay nasa mga lugar na may malaking presensiya ng mga estudyante: sa tabi ng Vinzons Hall at Student Union Building ang kaso ngayong araw, habang malapit naman sa dormitoryo ang kapulisan kahapon.
Maging si Student Regent Siegfred Severino mismo ay nabahala sa presensiya ng kapulisan.
“Yesterday, they are seen in Kamagong Centennial Dormitory, which is beside the dormitory I currently reside in. Today, they are seen near the SU Building, where the OSR office is situated,” sabi ni Severino.
Aniya, taliwas ang presensiya ng kapulisan sa pagtaguyod ng kalayaang akademiko ng pamantasan.
“I might be overthinking this but this is proof that police presence inside our schools posed a security threat and a chilling effect among the students who are very critical to the government,” dagdag niya.
Kailan lamang, nauwi sa pag-aresto kay Prop. Melania Flores ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ang presensiya ng pulis sa kampus, nang nagkunwari pang may dala na ayuda ang kapulisan para hulihin si Flores nang walang koordinasyon sa administrasyon ng UP.
READ: https://twitter.com/PahayagangKAPP/status/1622453301798408192?s=20
Salaysay din ni Flores, sinabi ng ilang pulis sa kanya na wala silang pakialam sa UP-DILG Accord, dahil sagabal daw ito sa paghuli nila sa ilang indibidwal na nasa listahang ipinakita pa nila kay Flores.
Dahil dito, patuloy na nangangampanya ang mga Iskolar ng Bayan para sa pagtaguyod sa UP-DILG Accord at pagsasabatas ng mga panukalang magpapasok ng UP-DND Accord sa mismong UP Charter.