Kakaibang pagdiriwang ang World Press Freedom Day, ngayong araw, Mayo 3—lalo na sa Pilipinas. Ano ba ang pinagbubunyi? Ano ang mapagbubunyi? Ano ang kabunyi-bunyi? Sa harap ng panunupil sa midya, pambubusal sa tinig, at pagtatapal ng baluktot na propaganda sa katotohanan, nasaan ang selebrasyon para sa kalayaan sa pamamahayag?
Patuloy na pag-atake
Nagsimula ang taon sa tagumpay nang ibasura noong Enero ang kasong tax evasion ni Maria Ressa — tagapagtatag ng Rappler at 2021 Nobel Peace Prize laureate para sa kanyang pamamahayag.
Gayunpaman, patong-patong na pag-atake sa mga mamamahayag ang sumunod sa tagumpay na ito, lalo na sa mga maliliit na pahayagan ng alternatibong midya na walang makasasalo na malalaking tagapagbigay ng donasyon.
Paglalagom ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), mula nang maupo si Marcos, Jr. sa Malacañang noong Hunyo 30, 2022 hanggang Abril 30 nitong taon, 60 ang naitalang kaso laban sa malayang pamamahayag.
19 dito ang pagmamatyag at berbal na harassment, 12 ang red-tagging, siyam ang pagdedemanda ng kasong cyberlibel o libel, anim ang pagbabanta sa buhay, dalawa ang pagpatay, at iba pa.
Binubuo ng mga media outfits ang 23% ng mga biktima. Samantala, mga indibidwal na peryodista ang nakararaming 72% sa mga ito.
Sa mga natunton na salarin, 21 ang mga indibidwal (trolls, anonymous online accounts, at mga pribadong indibidwal), 21 ang mga mula sa mga ahente ng estado, 11 ang mga pribadong organisasyon (social media platforms at ibang “media” organizations), at pito ang hindi pa nakikilala.
TINGNAN: http://bitly.ws/DUgb
Mas lalong nakababahala, institusyonal na ang mga paraan ng pag-atake sa pamamahayag.
Maliban sa naibasurang kaso laban kay Ressa at ang hindi mabilang na libel, institusyonalisado na rin sa ilalim ng Anti-Terror Law rin ang retorika ng red-tagging laban sa mga kritikal sa pamahalaan.
Kasinungalingan bilang retorika
Maaalala noong Hunyo 6, 2022, ipinag-utos ni National Security Adviser (NSA) Hermogenes Esperon sa National Telecommunications Commission (NTC) ang paghaharang sa akses ng mga websites ng mga alternatibong midya at mga progresibong organisasyon.
Kabilang sa mga biktima ang Pamalakaya Pilipinas—isang pambansang pederasyon ng mga grupo ng mga mangingisda sa bansa, Save Our Schools Network—isang kalipunan ng mga organisasyong naglalaban sa karapatan ng mga bata at mga bakwit schools (paaralan ng mga evacuees mula sa mga digmaan at gulo), Bulatlat at Pinoy Weekly—mga alternatibong pahayagang kritikal sa administrasyong Duterte, at iba pang mga sektoral na grupo.
Alinsunod umano ito sa Anti-Terrorism Council Resolution No. 12, 17, at 21 na kinikilala ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front CPP-NPA-NDF na isang ‘teroristang’ grupo.
Inaakusahang konektado sa mga kinikilalang “terorista” ang mga napabilang na kritikal na grupo, bagaman walang matibay na pruweba.
BASAHIN: http://bitly.ws/DUqr
Hindi pa rin maakses ang karamihan sa mga ito.
Ang iba naman, tulad ng Bulatlat, bagaman naiangat ang pagharang sa kanilang website, patuloy pa ring dinidinig ng korte ang utos. Samantala, napalitan naman ito ng pagtadtad ng cyber attacks at pag-report sa kanilang social media accounts.
Paglalantad ng Bulatlat, hinigpitan muli ng Meta ang akses sa Facebook page nito dahil umano sa “paglabag sa community standards.”
Hinaharap din ng mga publikasyon ng mga mag-aaral ang ganitong pag-atake.Maging sa mga pahayagang pang-kampus, lumalala rin ang mga pag-atake. Sa taong ito, nakapagtala ang UP Solidaridad ng 12 na pag-atake sa mga pahayagan sa UP.
Kailan lamang, matapos ilathala ng Tinig ng Plaridel, opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng UP Diliman College of Mass Communication, ang pagkadismaya ng komunidad ng Pamantasan sa resulta ng pagpili ng UP Board of Regents (BOR) sa ika-12 na Tsanselor ng UP Diliman, kinuyog ng mga trolls ang publikasyon sa pangunguna ng isang “blogger.”
Gayundin, nananatiling limitado ang akses sa Facebook page ng SINAG, opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng UP Diliman Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, matapos ding kuyugin ng mga trolls.
Maaalalang ni-redtag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sa pamumuno ni Lorraine Badoy, ang SINAG matapos iulat ang pambobomba ng militar sa komunidad ng mga Lumad sa Surigao del Sur noong Hulyo 2020.
Inulan din ng pananakot at pagbabanta sa buhay ang publikasyon at mga miyembro nito.
Sa isang imbestigasyon ng SINAG, napag-alamang umabot sa 250 na pages na pagtatala ng sundalo at pulis ang nagpakalat ng post ng NTF-ELCAC noong Agosto 3, 2020 na nangreredtag sa publikasyon.
BASAHIN: http://bitly.ws/zyTM
Noong Abril 12, 2023, naman inakusahan ng NTF-ELCAC sa isang bidyo sa Facebook na “fake news peddler” umano ang UPLB Perspective, ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng UP Los Baños.
Konektado ito sa paglalantad ng UPLB Perspective noong Abril 6 sa plano ng 80th Infantry Battalion na bombahin ang mga ang Sitio Lubog, Brgy. Mascap, Montalban, Rizal bilang pag-atake sa NPA bagaman, at dahil dito 250 na pamilya ang kinailangang umalis.
BASAHIN: http://bitly.ws/DUCi
Pagbabaluktot sa hustisya bilang panakot
Maliban sa paggamit ng disinpormasyon at misinpormasyon bilang retorika laban sa kalayaan ng mga mamamahayag, kapansin-pansing gamit-panakot din ang batas.
Ngayong araw, nagtipon sa UP Diliman ang iba’t-ibang indibidwal at grupo para igiit ang kalayaan sa pamamahayag at para ikalampag ang pagpapalaya kay Frenchie Mae Cumpio
Tatlong taon na noong idinitene si Cumpio, isang peryodista, sa Tacloban City noong Pebrero 2020 dahil sa allegasyong ilegal na pagmamay-ari ng baril at bomba.
Kasama rin si Marielle Domequil ng Rural Missionaries of the Philippines, inakusahan din ng NTF-ELCAC si Cumpio ng pagpopondo sa mga teroristang grupo.
Sumbalit giit ni Cumpio, para pangpondo ng kanyang radio show ang pera.
Hanggang ngayon, wala pa ring kongklusyon ang korte ang kanyang kaso.
Kapansin-pansing ginagamit ang burukratang kabagalan ng hustisya sa bansa at ang pagsasabatas ng pakubling panunupil sa kalaayan ng pamamahalag para patahimikin ang mga kritikal na boses.
Ligaya sa ligalig
Anong dapat gawin ngayong araw nila Cumpio? Ano ang dapat gawin ng Bulatlat, SINAG, Tinig ng Plaridel, UPLB Perspective, at iba pang alternatibong midya na pilit pinatatahimik ng mga galamay ng estado? May kabunyi-bunyi ba para sa mga ito?
Sa unang tingin, wala. Ngunit sa gitna ng walang humpay na pang-uusig, patuloy na ipinagdiriwang ng mga inaatakeng mamamahayag at pahayagan ang World Press Freedom Day – hindi dahil malayang-malaya na ang mga pahayagan, kundi dahil walang humpay din ang pagsusulat ng mga mamamahayag upang pandayin ang kalayaang ito.
“With the current erosion of civic spaces and shrinking democratic spaces due to proliferation of misinformation and disinformation, the campus publications vow to remain as pillar of alternative press and to be vanguards of truth. We will continue to resist,” sabi nga ng UP Solidaridad sa pahayag nila ngayong araw.
Kahit malayo pa ang kailangang bagtasin, napapanghahawakan ng mga alagad ng midya ang kahalagahan ng kanilang tungkulin. Gayundin, napanghahawakan nila na sa dulo, katotohanan ang magtatagumpay.
Dito, marahil, nahahanap ng mga alagad ng midya ang ligaya sa likod. Ngayong araw, at sa bawat World Press Freedom Day, ang patuloy na pagkapit na ito ang tunay na kabunyi-bunyi.
#DefendPressFreedom
#DefendTheCampusPress
Ang larawan ay mula kay Mark Saludez at sa Altermidya