Bagsak sa lahat ng aspekto ang unang taon ni Marcos. Wala siyang idinulot kundi pagpapahirap sa taumbayan at ginhawa para sa mga alipores niyang nasa kapangyarihan na naman. Subalit hindi dapat mag-alala ang aping sambayanan dahil ang Presidenteng bagsak, tiyak na babagsak!
Walang makabuluhang pagbabago sa unang taon ni Marcos. Sa katunayan, lumala lamang ang parehong mga problema na minana niya pa sa mga nagdaang administrasyon. Sa kaibuturan, nananalaytay sa rehimen ang kabulukan ng umiiral na sistema.
Noong nakaraang SONA, halimbawa, ipinangako ni Marcos na hindi niya ipauubaya ang kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas sa anumang bansa. Ngunit sa loob ng una niyang taon, walang ginawa si Marcos kundi magpakatuta sa dalawang dambuhalang imperyalistang pinag-aagawan ang bansa, ang US at Tsina. Hindi totoo ang sinasabi niyang kalaban ng wala, kaibigan ng lahat, dahil naging kaibigan man siya ng US at Tsina, hindi siya naging kaibigan ng sambayanang Pilipino.
Kitang-kita ang paggamit ng US kay Marcos para palawakin ang presensiyang militar nila sa West Philippine Sea at takutin ang Tsina. Noong Abril lamang, ipinadala ng US ang 12,000 na sundalo para sa pinakamalaking Balikatan Exercises sa kasaysayan. Napagkasunduan din ang pagtatayo ng lima pang base-militar alinsunod sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) – maliban pa sa mga naiuulat na lihim na ipinapatayo ng US sa iba’t ibang panig ng bansa. Pinapaypayan lamang nito ang lumalagablab na tensyon sa pagitan ng dalawang magkaribal.
Sa kabilang banda, kibit-balikat din naman ang rehimeng Marcos sa patuloy na agresyon ng China. Tahasang itinataboy ng mga sundalong Tsino ang mga mangingisdang Pilipino sa mga probinsyang malapit sa pinag-aagawang teritoryo, ngunit iginigiit pa rin ni Marcos na hindi natatapos sa usaping West Philippine Sea ang relasyon natin sa kanila. Nagbubulag-bulagan siya sa agresyong ito dahil nagkakandarapa siyang mamalimos ng pautang at pamumuhunang bubuhay sa ekonomyang inilugmok ng pamilya nila.
Mana sa kanyang ama, umaasa pa rin si Marcos sa ganitong dayuhang pamumuhunan dahil sa loob ng kanyang unang taon, wala naman siyang nagawa para ibangon ang ekonomya mula sa pandemya. Sa ilalim ni Marcos, halos P120 bilyon ang nadadagdag sa utang ng bansa kada buwan – di hamak na mas mataas kaysa sa mga naunang administrasyon – ngunit hindi naman ito napakikinabangan ng taumbayan.
Bagamat ipinagmamayabang ng rehimeng Marcos ang bahagyang pagbaba ng implasyon, ito pa rin ang pinakamataas sa Timog-Silangang Asya, at hindi pa rin naman sumasabay ang barya-baryang sweldo sa tumataas na presyo. Hindi tumaas ni minsan sa buong unang taon ni Marcos ang sweldo, at P40 lamang ang itataas ng sweldo ng mga manggagawa sa NCR – ni hindi pa nga sapat para sa isang kilo ng bigas.
Sa gitna ng krisis na ito, Charter Change at Maharlika Investment Fund lamang ang “solusyong” naihahapag ng administrasyon – pareho namang walang magagawa para maibsan ang krisis sa ekonomya. Sa Charter Change, iniaasa na naman ni Marcos sa pagbubukas ng ekonomya sa dayuhang pamumuhunan ang pagbangon ng ekonomya, kahit kawalan ng lokal na produksyon ang naglugmok nito. Sa Maharlika Investment Fund naman, isusugal lamang ang higit P500 bilyon na pera ng mga Pilipino kahit mga eksperto na mismo ang nagsasabing “taliwas sa mga batayang prinsipyo ng ekonomiks” ang MIF.
Kahit alam nina Marcos na walang magagawa ang dalawang “solusyong” ito, iniratsada pa rin ang parehong panukala sa kamara dahil sila-sila rin naman ang makikinabang. Sa likod ng mga probisyong magpapasigla raw ng ekonomya, itinutulak rin nina Marcos ang mga probisyong magpapahigpit lamang ng kapit nila sa kapangyarihan. Gayundin, sa likod ng mga pangakong gagawing pondong pangkaunlaran ang MIF, alam ng lahat na gagatasan lamang ito ng mga namamamahalang pipiliin lamang ng presidente at walang pananagutan sa taumbayan.
Sa dami ng perang handa silang waldasin para sa mga panukalang walang katuturan, labag pa rin sa kanilang kalooban na maglaan ng pondo para sa mga tunay na pangangailangan, lalo na ng edukasyon. Habang nagbabadya ang pagtaas ng matrikula sa mga pampribadong paaralan at binabalak tanggalin ang libreng edukasyon sa State Universities and Colleges, lumalaki lamang ang paglobo ng confidential funds at pondo para sa pandrahas ng mamamayan.
Imbis na tugunan ang krisis sa edukasyon, tapyas sa badyet at lalong pagkintal sa kultura ng impunidad ang pinagkakaabalahan ng rehimeng Marcos. Sa kauna-unahang badyet sa ilalim ng kanyang administrasyon, binalak na agad niyang tapysan ng P10 bilyon ang pondo ng Commission on Higher Education at P2.5 bilyon ang pondo ng UP.
Kasabay nito ang pagratsada ng panukalang gawing sapilitan ang ROTC para sa lahat ng mag-aaral. Sa ngalan ng huwad na konsepto ng nasyonalismo, aabot sa P61.2 bilyon ang ilalaan sa Mandatory ROTC – bilyon-bilyong inilaan na lang sana sa pagsasaayos ng sira-sirang klasrum o pagbibigay ng dagdag-suporta sa mga estudyante.
Ang hatol ng taumbayan sa unang taong ng rehimeng Marcos-Duterte: bagsak!
Malinaw ang kailangang tugon sa bagsak na unang taon: lumalawak na hanay at dumadagundong na panawagan. Kailangan maipakita kay Marcos na hindi tayo naniniwala sa kanyang pagsisinungaling sa ikalawang State of the Nation Address – hindi matatago ng kanyang pambobola ang tunay na kalagayan ng bayan.
Sagutin niya man tayo ng patuloy na pagkukubli at mas pinalalang pandarahas, lalo lamang nating pupunuin ang mga bulwaga’t lansangan. Sa pagpapalala niya ng krisis, siya mismo ang bumubuo ng kondisyong nagbubunga ng papalaki at papalakas na pagbalikwas. Siya mismo, sa kanyang kasakima’t kapalpakan, ang gumagalit at nag-aarmas sa sambayanang magpapatalsik sa kanya sa pwesto.
Malinaw ang asinta ng sambayanang sawang-sawa na: ang rehimeng bagsak, sama-samang ibabagsak!