Nagpadala ng bukas na liham ang Ask UP Diliman Student Helpdesk kay University of the Philippines (UP) Diliman Chancellor Edgardo Carlo Vistan II ngayong araw, Disyembre 8, upang ipabatid ang sa mga reklamo ukol sa mga “unfair labor practices” sa ilalim ng pamumuno ni Vice Chancellor for Student Affairs Jerwin Agpaoa at pagsisante nito sa mga non-UP contractuals na bumubuo sa pwersa ng nasabing grupo.
Isinawalat ni Cha Dela Cruz, kasalukuyang manager ng Ask UPD Student Helpdesk, ang hindi maayos na kapaligiran upang makapagtrabaho sa ilalim ng Office of the Vice Chancellor for Student Affairs (OVCSA), partikular ang mga “microaggressions” at “passive aggressive comments” ng nasabing opisyal sa mga kawani.
Ang Ask UPD Student Helpdesk ay isang one-stop service sa ilalim ng OVCSA na naglalayong magbigay ng impormasyon at tulong sa pagitan ng mga opisina ng UP at mga estudyante.
“The continuity of this service is crucial for the well-being of students, ensuring they have the necessary support to navigate through academic challenges, avoiding unnecessary trauma, and minimizing delays in the education journey, including graduation,” ani Dela Cruz sa kanyang sulat.
Iginigiit din ni Dela Cruz at ng mga bumubuo sa Ask UPD Student Helpdesk na dapat panagutin ni Vistan si Agpaoa sa kanyang pamumuno sa OVCSA at siguraduhing magpapatuloy ang serbisyo ng nasabing helpdesk upang masuportahan ang pangangailangan ng mga estudyante at kabuhayan ng mga kawani.
Sa kasalukuyan, wala pa ring publikong tugon si Agpaoa sa nasabing bukas na sulat. Si Agpaoa ay isa ring katuwang na propesor sa Departamento ng Pilosopiya ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (KAPP).
Endo at ang “Aguinaldong handog ng UP” sa Helpdesk
Ayon sa Association of Contractual Employees in UP, “endo ang aguinaldong handog ng UP” sa mga manggagawang kontraktwal sa pagtatapos ng taon lalo na sa mga kawani ng OVCSA at Office of Community Relations.
Anila, ang mga manggagawang kontraktwal na kumakaharap sa end-of-contract (endo) ay kumakaharap sa diskriminasyon, sikolohikal na pang-aabuso, kawalan ng tamang proseso ukol sa kanilang employment status, at higit sa lahat ay kawalan ng respeto sa kanilang karapatan sa security of tenure.
Paliwanag nila, “ang pagsasakontraktwal ng paggawa ay isang neoliberalismong estratehiya para pigain ang tubo mula sa dugo at pawis ng mga manggagawa. Ang kontraktwalisasyon ay ang pag-iwas ng estado at ng Unibersidad na maging responsable sa pagtataguyod ng mga benepisyo ng manggagawa. Ito ay uri ng pagtitipid dahil sa pagbabawas ng budget sa edukasyon.”
Ipinapanawagan nila na dapat gawing regular ang mga manggagawang kontraktwal sa UP at kaagad na tugunan ang hindi mainam na kondisyon ng paggawa sa pamantasan, kabilang na ang mga hinaing ng mga kawani sa Ask UPD Student Helpdesk.
Sa hanay naman ng mga estudyante, “Help the Help Desk!” ang panawagan ng UPD University Student Council at Rise For Education Alliance – UP Diliman. Ayon sa R4E-UPD, “sa kabila ng kakulangan sa basic student services, inuuna pa ng administrasyon na tanggalin ang mga taong nasa likod ng mga serbisyong mayroon tayo ngayon. Hindi makatarungang proseso at pang-aabuso ang kanilang nararanasan.”
Ang larawan ay mula sa Rise for Education Alliance – UP Diliman