Tuloy ang welga: Hanggang sa huli, patuloy ang laban ng tsuper kontra PUVMP


Chaos” at “disaster” daw ang dapat asahan ng publiko sa Enero 1, 2024 ani Bayan Muna Chairperson at PISTON legal counsel Neri Colmenares matapos maisapubliko ang Memorandum Circular 2023-52 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Department of Transportation (DOTr) na nagsasaad ng bagong patakaran ng LTFRB para sa PUV Modernization Program pagdating ng susunod na taon. 

Sinabi ito ni Colmenares nang maghain ang PISTON ng “extremely urgent motion” sa Korte Suprema na maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) upang pansamantalang maipagpaliban ang franchise consolidation deadline para sa mga pampublikong sasakyan. Inihain nila ito dahil, anila, patunay ang memorandum na krisis sa transportasyon ang idudulot ng PUVMP sa susunod na taon.

Kabilang sa mga probisyon sa naturang memorandum ang plano ng LTFRB para sa mga ruta kung saan wala pang anumang konsolidadong Transport Service Entity (TSE) o hindi pa umaabot sa 60% ang mga jeepney na pinapayagang pumasada.

Giit ng mga tsuper, pag-amin lamang ang naturang memorandum na marami pa ring ruta ang mapaparalisa dahil karamihan pa rin ng mga tsuper at operator ay hindi nakapailalim sa anumang TSE. Anila, kung totoo ang sinasabi ng LTFRB na hindi magkakaroon ng krisis sa transportasyon, hindi ito mapipilitang pahintulutan ang mga hindi konsolidadong jeepney na patuloy na mamasada sa mga mapaparalisang ruta.

Taliwas ito sa isinaad ni Pangulong Bongbong Marcos noong ika-12 ng Disyembre na hindi na kailangang magkaroon ng ekstensyon ang franchise consolidation sapagkat mahigit 70% na ng mga tsuper ang tumalima sa patakaran. 

Nakasaad din sa inihaing “extremely urgent motion” ng PISTON sa Korte Suprema na hindi bababa sa 15 pangunahing ruta ng tsuper ang wala pang anumang TSE, habang siyam na pangunahing ruta ang hindi pa umaabot sa 60%.

Kahit sa datos na galing mismo sa LTFRB, 33% lamang o hindi pa aabot sa isa sa bawat tatlong tsuper ang kabilang sa kooperatiba. Katumbas lamang ito ng humigit-kumulang 14,000 na tsuer. 

“Kung i-suspend niyo ang for cancellation of franchise sa January 1, hindi naman magugunaw ang mundo. Pero kapag kinansela niyo ang mga prangkisa sa January 1, ‘yun ang paggunaw ng mundo ng maraming driver, operator at pamilya nila at maraming mga pasahero at mga commuters,” giit ni Atty. Colmenares.

Sumasangayon kay Colmenres si Kuya Romy, pinuno ng rutang UP Pantranco.  Aniya, ang pagkawala ng kanilang hanapbuhay ay makakaapekto sa pinansyal na kalagayan ng mga tsuper, partikular ang pambayad sa kuryente at tubig at maging sa pambaon at pampaaral sa kanilang mga anak. 

Bukod pa rito, dinagdag ni Pascual na kung patitigilin ang operasyon nila, maaapektuhan din ang mga mag-aaral ng UP, partikular ang mga gumagamit ng UP Ikot upang makarating sa kani-kanilang klase na nasa magkakalayong gusali.

         “Paano ang pamilya? Saan kukuha ng pambayad sa kuryente at tubig? Paano ‘yung baon ng mga bata? Estudyante rin ang apektado. Nagsusundo lang kami,” bahagi ni Pascual.

          Giit din ng tagapangulo ng PISTON na si Modesto “Ka Mody” Floranda na kung hindi makakamit ang TRO, hindi lamang ang mga pamilya at mamamayan ang maaapektuhan, bagkus pati ang “pang-ekonomiyang kalagayan” sapagkat ang pagkalugmok ng public transport ay pagkabagsak din ng ekonomiya ng bansa.

            Sa kasalukuyan, iniutos na ng Korte Suprema sa LTFRB at Department of Transportation na sagutin ang inihain ng PISTON sa loob ng sampung araw. Ibig sabihin nito, bagamat wala pang pinal na desisyon ang Korte, hindi rin magkakaroon ng TRO bago ang deadline ngayong Linggo. 

Puspusang protesta, sandata rin ng masa

Sa labas ng korte, pagbasura din sa PUV Modernization Program ang panawagan ng iba’t ibang grupo ng mga tsuper at operator na nagwelga noong Marso, Nobyembre, at Disyembre kasama ang iba’t ibang sektor.

Ngayong taon, apat na beses nang nagtigil-pasada ang mga grupo: una noong Marso ika-6 at 7, pangalawa noong Nobyembre ika-20 hanggang 22, ikatlo noong Disyembre ika-14 at 15, at huli mula Disyembre ika-18 hanggang ang mismong katapusan ng taon. 

Ayon sa ulat ng PISTON, naparalisa sa lahat ng tigil-pasada na ito ang maraming pangunahing ruta ng transportasyon sa NCR at mga karatig-probinsya – patikim, anila, sa mangyayari pagsapit ng Enero.

Maging ang mga tsuper sa mga ruta ng UP, nagkasa rin ng sariling mga inisyatiba upang tutulan ang jeepney Phaseout. Dalawang beses nagkaroon din silent strike tsuper: noong ika-7 ng Disyembre at muli noong sumunod na linggo, ika-13 ng Disyembre. 

Naglalakihang pagkilos rin ang pinangunahan ng mga tsuper upang ipakita ang pagtutol sa programa. Sa huling kilos-protesta noong ika-29 ng Disyembre, tinatayang nasa 5,000 tsuper, operator, at komyuter ang tumungo sa Mendiola upang ipanawagan ang pagbasura sa PUVMP. 

Kahit ganito, hindi pa rin tiyak ang paparating para sa mga tsuper, dahil hanggang sa oras ng pagkakasulat nito, nagmamatigas pa rin ang LTFRB sa deadline ng franchise consolidation. 

Gayunpaman, masikhay pa rin ang diwa ng mga tsuper katulad nila Kuya Romy, na lubos ang pasasalamat sa lahat ng nakikiisa sa kanilang mga panawagan.

Anuman daw ang maabot ng paglaban bago ang franchise consolidation deadline, mananatili pa rin na nakaantabay ang mga tsuper at operator na ito hanggang kailanganin upang kalampagin ang gobyerno na tuluyang ibasura ang PUVMP.

Hangga’t isinasantabi pa rin daw ang panawagan, anila, tuloy na tuloy pa rin ang welga. 

Busina ng Komyuter: Si Marcos ang pahirap, hindi ang tsuper!

Lessons From Struggle

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *