Wala Nang Sasayaw sa Lumang Tugtugin ng Cha-Cha!
Matapos mailantad ang kalabnawan ng pagkakaisa ng kanyang UniTeam at ang bumubulusok na suporta niya mula sa taumbayan, mukhang mabibigo na naman si Marcos sa pangarap niyang kumubra ng kapangyarihan katulad ng kanyang ama sa pamamagitan ng pagbabago ng saligang batas. Luma na ang tugtugin ng Cha-cha, at tulad ng bawat bigong pagtatangka ng mga gahaman at gutom-sa-kapangyarihang pangulo bago siya, wala nang magpapaloko’t mapapasayaw.
Hindi na bago ang pagtutulak ng mga pangulo ng pagbabago sa saligang batas. Sa bawat isang presidente matapos ang EDSA, nagkaroon ng usapin ukol sa cha-cha, ngunit binigo ng taumbayan ang bawat pagtatangka. Mula kay Ramos hanggang kay Duterte, libo-libong mamamayan ang kumilos kontra-cha-cha.
Dahil dito, kinailangan ng mga Marcos maghanap ng bagong estilo: ang pekeng “People’s Initiative.” Sa pamamagitan ng pagpaparima kapalit ng ayuda, pagpapalabas ng mga sinungaling na patalastas, at ng iba-iba pang panlilinlang, at paggamit ng mismong mga kongresista na hawak ni Martin Romualdez sa leeg, tinatangka nilang padulasin ang kanilang inisyatiba.
Ngunit para sa sambayanang sawang-sawa na sa parehong awit, hindi naman mapagtatakpan ng anumang baryasyon ang katotohanan; kahit bago ang estilo, pareho ang peligro. Mga pagbabago sa konstitusyong hindi na nga galing sa sambayan, ngunit lalo pang magluluklok sa kanila. Tila ba’y hindi sapat ang arawang krisis ng sambayanang Pilipino, at prayoridad pa ang pagpapahaba ng termino ng mga trapo at pagbuyangyang ng ekonomya sa mga dayuhang amo.
Sa panukalang pang-ekonomiyang charter change ng traydor at pahirap na administrasyon ni Marcos, tatanggalan ng proteksyon ang pambsang ekonomya at ilalako sa pandaigdigang merkado. Pahihintulutan na ang 100% na pagmamay-ari sa iba’t ibang kritikal na sektor.
Papapayagan na, halimbawa, ang dayuhang pagmamay-ari at pangangasiwa sa mga paaralan. Sa panahong hindi na nga makapag-aral ang libo-libong Pilipino dahil sa taas ng tuition, habang ang mga nakakapag-aral ay inihahanda lang naman para maging murang lakas-paggawa, lalo lamang gagamitin ang edukasyon sa bansa para magluwal ng mga manggagawang ilalako sa mga dayuhan. Magiging hulmahan lamang ng aliping pag-iisip ang ating mga paaralan upang kalaunan ay maging mga alipin muli sa mga pagawaan at opisinang pagmamay-ari rin mga dayuhan. Mula pag-aaral hanggang sa pagtatrabaho, dayuhan ang makikinabang sa ating dugo’t pawis.
Nilalayon din ng charter change na payagan ang pagpapapasok ng foreign direct investments o FDI sa Pilipinas. Ngunit ayon sa pagsusuri at datos ng IBON Foundation, hindi ito nakatutulong sa pagbangon ng ekonomiya. Bagkus ay tinatanggalan nito ng espasyo ang mga Pilipino na magsimula ng lokal na negosyo at tinutulak na maging alipin ng mga dayuhang korporasyon sa masisikip at hindi ligtas na mga pagawaan nila. Sa mga nagdaang taon at administrasyon, mataas na rin naman ang FDI na natanggap ng Pilipinas at sa — mas mataas pa ito kumpara sa natanggap ng noo’y papaunlad pa lamang na mga bansa ng Taiwan at South Korea — ngunit hindi naman nakikitang gumiginhawa ang ekonomiya ng Pilipinas.
Kunsabagay, saan nga bang pag-unlad mapupunta ang dayuhang pamumuhunan, kung wala namang lokal na industriya na pwede nitong paglagyan? Imbis na hayaang lamunin ng mga dayuhan ang mga lokal, mas dapat ngang habulin ng gobyerno ang industriyalisasyong napakatagal nang inaasam. Dito lamang makagiginhawa ang manggagawa sa pambabarat sa sahod, kawalan ng trabaho, at iba pang saligang problema.
Lalo ring pepestehin ng charter change ang naghihingalo nang agrikultura ng Pilipinas sa panukalang pagpapahintulot sa mga dayuhang korporasyon na magmay-ari ng mga lupain. Hindi na nga Pilipinong magsasaka ang nakikinabang sa mga lupang sakahan — ayon nga sa huling datos, pito sa bawat sampu sa kanila ay walang sariling lupa na nasasaka — mawawalan pa sila ng pagtataniman na siya namang magtutulak sa bansa na umasa sa pag-aangkat ng produkto. Tiyak na mas patataasin pa nito ang sumisipang presyo ng mga bilihin. Hindi pa nalulutas ng administrasyong Marcos ang problema ng ginintuang bigas at sibuyas, at iba pang bilihin pepestehin pa nila ang mga pesante at katutubo sa mga mapang-aping panukalang ito.
Imbis na magpapasok ng mga bagong may-ari, hindi ba dapat mabigyan muna ng pagkakataong mag-ari ng lupa ang dapat naman talagang mayroon nito? Ilang dekada na, palpak pa rin ang lahat ng panukalang repormang agraryo — mula sa unang Marcos hanggang sa inutil sa Malacañang. Hangga’t hindi natatamo ng magsasaka ang kanyang panawagan, unang-una na para sa lupa, hinding-hindi rin giginhawa ang kanyang buhay, o ng kahit sinong mamamayan.
Sa halip na sumayaw sa parehong awit ng huwad na charter change, mas dapat iparinig kay Marcos ang tinig ng bayang nagngangalit. Ika nga ng kanta, “himig ito ng Pilipinong di muli palulupig.” Imbis na maniwala sa pekeng “People’s Initative,” oras na para taumbayan mismo ang kumilos para igiit ang kanilang tunay na panawagan: sagot sa mga batayang problema ng lipunang Pilipino.
Ang awit ng sambayanan ay awit pandigma, at libo-libong paa ang susunod sa bawat nota. Hindi sila yuyukod, o sasayaw ng Cha-cha; magmamartsa sila pabalik ng EDSA — ipapakita ang lakas na nakapagpabagsak na ng diktadura.