Sa pandaigdigang araw ng pagbubunyagi ng mga manggagawa, sinalubong ng Philippine National Police (PNP) ng karahasan ang mga manggagawa, magsasaka, opereytor, tsuper, at kabataan na nais irehistro ang kanilang panawagan para sa disenteng trabaho at nakabubuhay na sahod. Sa lehitimong hinaing ng mga batayang sektor, pasismo ang naging tugon ng estado.
Daan-daang armadong pulis ang idineploy ng estado upang pigilan ang pagkilos ng masang anakpawis ngayong Mayo uno. Bitbit ang kanilang baril, pamalo, at mga panangga, binomba ng tubig, kinaladkad, ginitgit, at pinukpok ng mga pulis ang mga nagwewelgang sektor at anim mula sa kanila ang marahas na inaresto.
Pulis, banta sa pamantasan
Ngunit bago pa man ang Mayo uno ay ilang truck ng pulis ang pumwesto sa mga pangunahing kalsada at tarangkahan ng UP Diliman noong Abril 29 —unang araw ng tigil-pasada kontra sa tuluyang pagpapatupad ng jeepney phaseout. Ito ay upang pigilan umano ang paglabas ng mga tsuper at opereytor sa kalsada na makakasagabal sa trapiko.
Nagdulot ng labis na takot sa mga iskolar ng bayan ang daan-daang pulis na dumating lulan ng malalaking bus at trak, armado ng mahahabang baril, pamalo, at panangga. Imbis na maging ligtas na espasyo, nagmistulang lugar ng digmaan ang pamantasan.
Kahit na may UP-DILG Accord na nagbabawal sa presensya ng pulis sa loob ng UP, namamataan pa rin silang dumaraan sakay ng kanilang mga mobil, nakabisikleta, at kumakain pa sa mga lugar kung saan nagtitipon ang mga estudyante.
Pulis, anti-mamamayan
Desidido ang PNP na supilin ang mga magwewelgang tsuper, opereytor, at estudyante noong araw na iyon kaya naman matapos na mang-intimida sa loob ng pamantasan ay iniharang nila sa kalsada ang kanilang trak, bumuo ng makapal na hanay na anumang oras ay handang mandahas ng sinumang magtangkang sumangga sa kanilang pamamasista.
Walang pinipiling oras ang pasistang estado at armadong pwersa nito. Bawat sandali ay nakahanda ang mga mersenaryong ito na manupil at kumitil sa ngalan ng maka-uri at makadayuhang interes.
Pulis, magsilbi ka sa bayan hindi sa dayuhan!
Matagal nang instrumento ng pasismo ng estado ang mga pulis. Araw-araw may balita ng karahasan at patayan na mga pulis ang salarin. Ang pangtotortyur, ilegal na pagdukot at pang-aaresto, at pagpatay ay parte ng kultura ng PNP —institusyong binuo at patuloy na nagluluwal ng isang mapang-aping pwersa kontra mamamayan. Sa anyo ng maka-uring kaayusan at kapayapaan, wala nang bilang ang tumataas na numero ng mga aktibista, unyonista, kabataan, at arawang mamamayan na walang-habas na binabawian ng buhay ng kapulisan.
Gaya ng oplan tokhang at oplan kalasag sa kalungsuran habang oplan kapanatagan naman sa kanayunan, rurok na ang pagpapalaganap ng impyunidad at kalupitan na pilit ikinukubli ng PNP bilang “pagsisilbi sa bayan.” Miski may iilang mabubuting pulis, hanggat hindi kinakalos ang salop na puno ng umaalingasaw na dugo ng mga biktimang pinatay nila ay hindi magbabago ang katotohanang ang hanay nila ay hindi kailanman nagsilbi sa tunay na interes ng sambayanan.
Kahit sino ay pwede nang maging susunod na biktima. Sa dulo ng gatilyo nakasalalay ang buhay ng bawat isa. Sa lipunang patuloy na hinuhulma ng dahas, marami pang tatangan ng armas upang makibaka para sa pangmatagalang kapayapaan at hustisya.
Darating din ang paghuhukom para sa mga traydor sa bayan at masang api ang magiging tagapaghusga. May siguradong sintensya sa mga berdugo at mersenaryo sa gobyernong bayan.