Bilang nakatatanda, paaalalahanan ko lang sana kayo na hindi ito magiging madali. Kaya lang, alam na ninyo ‘yun eh.
Narinig niyo naman na siguro na pagkatapos ng semestreng ito, karamihan sa inyo ay mapipilitang laktawan ang utos ng curriculum checklist. Baka nga ngayon pa lang, may mga iilang kinakabahan na sapagkat nakalagay ang Fil40 sa unang semestre ng unang taon ngunit hindi kayo pinalad na makuha ito. Huwag ninyo masyadong isipin. Sa kahabaan ng inyong pananatili rito, maiintindihan ninyong dinisensyo ang mga iyan sa paraang maaaring makuha sa unang taon o di kaya nama’y sa huli. Pasalamatan ang swerte kung mahagilap sa ikalawa o ikatlong taon.
Nasabihan na rin siguro kayo na laging mag-almusal bago pumasok dahil maraming lakaran dito. Pati ang pagsakay ng jeep ay suwertihan na rin sapagkat mas kaunti sila ngayon kumpara dati. Hindi roon nagtatapos ang pagod dahil kung magbabanda kayo sa Palma Hall (na sigurado akong oo bilang mga freshmen), mapapansin niyong sira ang elevator. Maglalakad kayo paakyat at pababa, pero ayos lang ‘yun. Kapag napagod at nagutom, may mga kainan sa kiosks sa pagitan ng Palma at Lagmay. Nasabihan na rin ba kayong pinagbantaan silang ipasara? Institusyon na ang mga iyan dito sa UP. Nauna sila sa inyo, sa akin, at sa napakarami sa atin dito, ngunit hanggang ngayon ay walang permanenteng puwesto. Saan nga ba makakahanap ng ganoon? Doon kaya sa pinagagawang DiliMall? Narinig niyo na rin ba iyon? Siguro. Kaya lang, malamang sa malamang ay hindi kakasya ang ating 64 pesos kada araw doon. Ika nga, wala nang mura sa panahon ngayon. Pati sariling bansa ay ibinebenta.
Maraming paghihirap dito sa UP na alam kong pinaghandaan ninyo bago niyo isuot ang UP lanyard kung saan nakakabit ang inyong lumang school ID na tinapalan ng Form 5. Kahit ano pang sabihin ng iba, alam ko na matagal ninyong hinintay iyan. Hindi namin kayo pupunain kahit hindi pa UP ID ang laman ng mga iyan dahil galing din kami riyan. Karapat dapat ninyong ipagmalaki na kayo ay mga Iskolar ng Bayan. Ngunit tulad ng karamihan sa mga titulo sa mundo, may mga kaakibat itong obligasyon.
Nais ko kayong mamulat sa katotohanang ang pagsusuot ng isang UP lanyard ay mabigat sa balikat.
Maiintindihan ninyo kung bakit hindi makatarungan ang sistema ng enrollment dahil ang edukasyon ay karapatang tinatamasa dapat ng lahat. Mawawari ninyo kung bakit paunti nang paunti ang mga pampasaherong jeep na pumapasada hindi lamang sa loob ng ating pamantasan kundi sa napakalawak na Metro Manila, gayundin ang nagbabadyang pinsala sa lahat ng mga drivers at operators sa buong bansa. Mapapaisip kayo kung bakit nga ba sira pa rin ang elevator ng Palma Hall, na para bang hindi man lang pinaghandaan ang inyong pagdating. Huwag sana ninyong masamain sa personal na antas, at sa halip ay saliksikin kung bakit nga ba napababayaan ang mga state universities sa bansa. Maiintindihan ninyong ang UP ay isang modelo ng kung paano pinapatakbo ang ating bansa, na lahat ng pinapasan natin ay pinapasan ng bayan sa mas nakalalaking sukat.
Masalimuot. Mahapdi. Ngunit ang hapdi ay nadarama lamang ng isang matang mulat at hindi na kayang pumikit pang muli. Ramdamin ninyo iyon hanggang sa tumulo ang mga luha ninyong didilig sa ngitngit na ipinunla ng mga nauna sainyo. Ang galit na sisiklab mula rito ang siyang magsisilbing lakas ng sigwa na bubuwag sa bulok na sistemang hinaharap ng sambayanang Pilipino, kung saan tayong mga Iskolar ng Bayan ang nasa bungad. Oo, ganun kabigat ang lanyard.
Tulad ng gintong medalya–mabigat, nakasisilaw, ngunit pipiliing pasanin sa araw-araw.