Nang mapasakamayng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr., ang Pilipinas,bahagi ng kanyang pagtatangka na hubugin ang lipunan ay ang pagpapatupad ng Batas Militar noong 1972, at ang paglulunsad ng kanyang propagandang “Bagong Lipunan”. Ipinakilala bilang isang landas tungo sa maunlad at nagkakaisang lipunan — ngunit ang pagsasaayos ng lipunang nakabatay lamang sa interes ng iilan at ng makapangyarihan ay humantong sa pinakamalagim na bahagi ng ating kasaysayan. Sa ilalim ng diktadurang rehimen, libo-libo ang inaresto, tinortyur, at sapilitang dinukot, at ang bansa ay nalubog sa utang at kahirapan.
Kinalaunan, gamit ang nagniningas na galit at hinagpis ng sambayanan na nagtulak sa pwersa ng makasaysayang Rebolusyon sa EDSA, tuluyang napatalsik at napabagsak ang diktadura — sa kamay mismo ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, at iba pang batayang sektor ng ating lipunan.
Ngunit makalipas ang halos limang dekada, muling nakabalik sa kapangyarihan ang anak ng dating diktador bitbit ang retorika na hindi nalalayo sa kanyang ama — ang “Bagong Pilipinas.” Subalit, sa kabila ng pagkakaiba ng mga panahon, walang makabuluhang pagbabago sa kalakaran ng pamahalaan pagdating sa karahasan, katiwalian, at kawalang-pananagutan. Ang sapilitang pagkawala at pagdukot na sinimulan ng diktadura ni Marcos Sr. ay nagpapatuloy sa ilalim ng pamamalakad ng kanyang anak na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Bagong Diskarte, Parehong Pasista
Sa ilalim ng Batas Militar ni Marcos Sr., pinalaganap ng rehimen ang kultura ng takot upang supilin ang pag-usbong at paglago ng mga organisadong kilusan na tutol sa pamamalakad ng estado. Maraming mga aktibista, mamamahayag, intelektuwal, estudyante, at mga itinuturing na kritiko ng pamahalaan ang naging biktima ng sapilitang pagkawala. Ang mga ito ay tinaguriang “desaparacidos” — mga indibidwal na dinukot ng militar o pulisya, at hindi na muling nakita o natagpuan pa.
Ayon sa mga dokumento ng Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND), mayroong 1,032 ang naitalang biktima ng sapilitang pagkawala noong panahon ni Marcos Sr., 640 sa mga ito ay hindi pa rin naililitaw hanggang ngayon at 134 naman ay natagpuang wala ng buhay.
Isa sa mga ito ay Hermon C. Lagman, isang Labor Lawyer ng Citizen’s Legal Aid Society of the Philippines at isa sa mga nagtatag ng Free Legal Assistance Group. Bilang legal counsel ng maraming mga unyon ng manggagawa, tahasang sinuway ni Lagman ang pagbabawal ng Martial Law sa mga welga. Naiulat siyang nawawala noong Mayo 11, 1977, at napatunayang ikinulong kahit walang malinaw na kaso.
Mula sa Batas Militar ni Ferdinand Marcos Sr. hanggang sa kasalukuyang rehimeng Marcos Jr., nananatili ang pagdukot, sapilitang pagkawala, at panunupil bilang kasangkapan ng kapangyarihan. Ang pananatili ng mga mapanupil na patakaran gaya ng Anti-Terror Law at ang pagpapatuloy ng marahas na operasyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na sinimulan ng rehimeng Duterte ay ang nagpapahintulot sa mga ahente ng estado na maisagawa ang esktrahudisyal na pamamaslang ng mga magsasaka, katutubo, manggagawa, at aktibista at ipamuka itong balatkayong ‘engkwentro’ laban sa mga armadong rebelde.
Tuloy-tuloy rin ang sapilitang pagkawala, iligal na pag-aresto at detensiyon, red-tagging, mga banta, panggigipit, at pananakot at ito ay lumilitaw bilang aprubado ng Estado dahil ang mga tauhan nito ay nagsasawa ng mga ito nang may impunidad ayon kay Cristina Palabay, Secretary General ng KARAPATAN.
Sa katunayan, sa pinakahuling tala ngayong Setyembre, 15 na ang desaparacidos sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr. at isa sa mga pinakahuling kaso nito ay si James Jazmines, isang peace consultant sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at nagsilbi rin noon bilang information officer sa Kilusang Mayo Uno (KMU) labor center.
Ngayong taong rin, iniutos ni Marcos Jr. ang pagrereorganisa ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) upang harapin ang umuusbong na mga banta sa pambansang seguridad at tututok sa counter-intelligence at cybersecurity. Kasabay rin nito ay ang
ang panukala ng Department of Interior ang Local Government (DILG) na muling buhayin ang Barangay Intelligence Network (BIN) na di diumano’y layuning sugpuin ang iligal na droga. Hindi lingid sa kaalaman natin ang pag-gamit sa mga instrumento ng estado upang bumuo ng gawa-gawang naratibo upang paratangan ng dagdag pang mga kaso laban sa insurhensiya at progresibong kilusan.
Pagsupil sa Katotohanan: Pagdudulot ng Takot sa Sining at Paglaban
Ayon kay JL Burgos, direktor ng Alipato at Muog – dokumentaryo tungkol sa pagkawala ng kanyang kapatid na si Jonas Burgos, isang aktibista na lumalaban para sa karapatan ng mga magsasaka, na ngayon ay isa na rin sa mga desaparacidos matapos dukutin noong Abril 28, 2007 — walang pinagkaiba ang Marcos noon sa Marcos ngayon. Pareho ang sakit, parehong hinagpis ang nararamdaman ng mga naiwan – ang pamilya, mga mahal sa buhay, at buong komunidad na kinabibilangan ng mga ito. Ang pagkakaiba lamang, ayon sa kanya, ay ang tagal ng pagkawala ng mga biktima. Ang mga dinukot noon ay matagal nang nawawala, samantalang ang mga biktima ngayon ay kasalukuyang naglalaho. Ngunit ang paghihirap ng mga pamilya ay walang pinipiling panahon; pareho lang ang hirap ng hindi alam kung ano ang sinapit ng kanilang mahal sa buhay.
Sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr., ang mga gumagawa ng dokumentaryo at mga alagad ng sining ay matapang na tumindig sa kabila ng pananakot, red-tagging, at pilit na pagpapatahimik. Ang mga kwentong kanilang inilalabas ay mga salamin ng katotohanan—mga katotohanang nais itago ng mga nasa kapangyarihan. Tulad ng pelikulang ginawa ni JL Burgos, ang mga likha ng mga artistang bayan ay tinuturing na banta sa seguridad ng estado.
Ang kanilang pelikula ay binigyan pa ng X-rating ng pamahalaan dahil ayon kay Diorella Maria “Lala” Sotto-Antonio, Chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), “The film tends to undermine the faith and the confidence of the people in their government or duly constituted authorities.” Subalit matapos ang protesta laban dito, tinanggal ito.
Gayunpaman, ang reaksyon ng gobyerno ay malinaw: binabalewala nila ang mga kwento ng mga biktima at ipinipilit na wala na itong halaga at para bang rehash lamang ng mga lumang isyu. Ang gobyerno ang siyang naninira sa tiwala ng mamamayan, hindi ang pelikulang sumasalamin ng katotohanan.
Ayon pa sa ahensya ng National Security Council, walang bago sa kanilang pelikula—isang malinaw na pagtatangka upang burahin at balewalain ang madilim na kasaysayan ng Martial Law, pati na rin ang kasalukuyang krisis ng karapatang pantao.
Ngayon at Kailanman: Panunupil, Karahasan, at ang Di-nagmamaliw na Paglaban
Sa harap ng lahat ng ito, ang panawagan ni JL Burgos ay malinaw: Hangga’t nilalabag ng estado ang karapatan ng mga mamamayan, patuloy ang laban ng taong bayan. Sa katunayan, ayon kay JL, mas dapat matakot ang mga nasa kapangyarihan sapagkat sila ang nagsisinungaling. Ang mga lumilikha ng sining, ng mga dokumentaryong naglalantad ng katotohanan, ay hindi dapat mangamba sapagkat nasa kanila ang lakas ng katotohanan. Hindi krimen ang paggawa ng sining, ngunit ang pagdukot at pagsupil.
Ang karahasan at sapilitang pagkawala ay hindi lamang isyu ng nakaraan—ito ay patuloy na salot na nananalanta sa kasalukuyan. Hindi dapat matakot ang taong bayan sapagkat tayo ang may hawak ng katotohanan.