Takot Ako Sa Multo

sulat ni Venice Ramin Roxas
dibuho ni Ria Cena

Takot ako sa multo.

Mula pagkabata ay tila bang bawat sulok ay pakiramdam kong may kadilimang nagkukubli.
Mga engkantong iba-iba ang wangis–
Mga nilalang na iba-iba ang bitbit na lagim.

Naaalala ko ang mga gabi na nagtatago sa ilalim ng kulambo
Hindi mapatay ang ilaw, nakabukas ang telebisyon
Nakaprograma ang ‘Gabi ng Lagim’ o kaya ang ‘Misteryo’
Nakapikit ang mga mata, nakatakip ang tainga–

Nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingihan
Kunwari walang nakikita, walang alam–
Walang nararamdaman.

Ngunit, sino ba ang hindi matatakot?
Na sa pagkakataong papatayin ang liwanag
Kadiliman ay babalot, hindi makagalaw
Nanlalamig ang mga katawan–
Uusbong ang mga aninong ligaw.

Ngayon, masasabi ko pa kaya na takot ako sa multo?
Ngayon na sa pagtanda ay pasan ang bigat ng kasalukuyan,
O buhat pa rin ng takot sa mga multo ng kasaysayan?

Masasabi ko ba na ang takot ko ay sa mga multo pa rin?
O sa mga manananggal na sumipsip ng dugo’t laman?
Sa mga kapreng pinaglalaruan ang ating landas?
‘Di kaya sa mga nuno sa punso na hawak ay kapalaran?

Hindi.
Takot ako sa multo—
sa mga multo lamang.

Mga kaluluwang iginuhit buhat ng katapusan—
Katapusan ng buhay na nais pang silayan—
Mga buhay na inagawan ng kinabukasan.

Mga multong hinulma ng mga halimaw,
Mga multong inilathala ng karahasan,
Mga buhay na ninakaw mula sa kasakiman—
Kalayaang hinubad ng masamang lipunan.

Takot ako sa multo.

Sa mga multo na imbes palay ang inaani,
Butil ng kasarinlan ang ibinubungkal
Mga multo na nakayuko magdamag sa araw
‘Di birong nagtatanim ng hanapbuhay—
Habambuhay nang nakahandusay sa lupang tinubuan.

Takot ako sa multo.

Sa mga multo na dapat hawak ay papel at lapis
Tinaniman ng bala at iniwanan ng hinagpis
Mga multo na dapat ipinaglalaban ang buhay—
Ngayon ay nanlaban kaya wala ng buhay.

Sa mga multong ngayon ay hindi na lamang anino—
mga alaala ng mga nawalang kaluluwa,
mga boses na bumabalik sa akin,
sumisigaw ng saklolo—
tinutukso ang aking konsensya na magsalita,
na hindi na pupuwedeng ipikit pa ang mata—

Na hindi na puwedeng magtago sa kulambo
Magtakip ng tainga, magbibingi-bingihan
Kunwari walang alam–
Walang nararamdaman.

Takot ako sa multo.
Hindi na magbabago iyon.
Ngunit sa aking pagtanda ay napagtanto—
Na ang mga multo ay biktima lamang din—
Biktima ng kadiliman, ng kasamaan.

Ng lipunan.

Ng takot.

Mga multo ng nakaraan–
Na hanggang ngayo’y hindi pa inililibing 
Ni lupa’y hindi pa binubungkal buhat ng bigat—
Bigat ng palang humuhukay sa baul ng kayamanan,
Sa ganansya ng mga naghaharing-uri–
At malibing sa nayurak na tinubuang lupa— 
Lupang ninanakaw mula sa kanunu-nunuan.

Mga multong tinutuka ng mga buwitre—
Dugo’t laman sinisipsip ng mga baluwarte,
Ng mga dinastiyang nilulustay ang buhay—
Sinisipsip ang kaban ng bayan—
Walang iniiwang laman.

Mga multong inakala’y maipapangako ang kinabukasan,
Ipinako lamang ng mga pawang kasinungalingan
Mga multong nagpepenitensya, wala namang kasalanan—
Ngunit pasan-pasan ang sala ng kahirapan.

Takot ako sa multo.
Ngunit takot din sila.

Takot sa dulot ng mga bintang na ‘di naman totoo,
Mga biktima ng lipunang mapanlinang—
Ng kadalisayang may itinatagong kasamaan
Kunwari’y may dangal, terorista naman.

Sila ang tunay na nagtatago sa dilim—
Mga nilalang na nababalot ng kadiliman
Nag-aangkin ng kapangyarihan, nagtatago ng kasalanan,
Naghuhulmang santo, ngunit akala mo’y diablo kung mandahas.

Sila ang nakakatakot.

Hindi ang mga multo.

Dahil ang mga multo ay mga bibig na hindi na muling bibigkas—
Mga boses ng hustisya— 
mga boses na dapat nating pinakinggan.

At ang dapat katakutan ay ang mga nagbabalat-kayo,
Mga naghaharing-uri, ganid sa korona’t trono—
Nagkukunwaring anghel, ngunit sa likod ay demonyo—Â

Dahil ang mas nakakatakot ay ang mga buhay, na kayang pumatay.

Ang Bigat ng Agrarian Question at Kalutasan Nito

BUHAY ANG AREA 2: Atin Ito

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *