Kailan, saan nga ba nagsisimula ang pagiging babae?
“Namumulaklak ang ganda mo, babae ‘yan sigurado.”bungad ni tiyangsa nanay. Naniniwala naman ang tiyang sa kahit ano, kaya hindi mo rin masabi kung totoo.
“Babae ho.” banggit ng doktor. Tuwang-tuwa ang tatay sapagkat hindi niya kailanmang iibiging magluwal ang nanay ng isang tulad niyang punong-puno ng poot sa katawan. Hindi nakatulog ang tatay noong gabing iyon; sa sobrang tuwa, at sa takot na baka mali ang lumabas sa makinarya. Baka paglabas ko sa kabuwanan, isa pala akong munting siya.
“Pagbati misis, malusog na batang babae!”matapos ang paghihirap ng nanay.Makasisigurado na tayo. Babae nga. Nagbunyi ang tatay, nabalot sa takot ang nanay. Napakamot sa ulo ang mga anghel sa langit; isa na namang martyr na mangmang ang isinilang.
Pinangalanan.Maria, sapagkat napupuno ng grasya. Bukod na pinagpala sa lahat. Magpapatawad ng mga makasalanan.
Inikatan ang buhok.Tinawag na maganda ngunit hindi ito nagustuhan. Tinanggal ang ikat at nakahinga ang anit. Hinayaang maging isa sa ipuipo ang bawat hibla ng malasutlang buhok.
Pinasuotan ng bestida.Tumakbo, tumalon, nasugatan sa tuhod. Nabawasan umano ang pag-asang maligawan pag nagdalaga sapagkat nagkapeklat. Manunuyot ang hilaw na pilat ngunit ang mapait na gatla ay habambuhay.
Dinugo sa unang pagkakataon. Natakot. Sinubukang pawiin iyon nang yakapin at sabihang “Ganap ka nang babae sapagkat mayroon ka nang kakayahang gumawa ng buhay.”Nadagdagan ang takot. Tulad ng tatay, hindi ko iibiging magluwal — sa ubod ng lupit na mundo — ng isang munting ako.
Pinaupo nang maayos.Kababaeng tao at nakadekwatro. Sinipa ang magkabilang binti hanggang sa manlata at manatiling dikit sa isa’t-isa.
Pinahiran ng kolorete ang kayumangging kaligatang balat.Mas masarap ngang titigan ang salamin kapag hindi sarili ko ang siyang kaharap ko.
Nahawakan nang labag sa loob. Sabing bitawan mo ako ngunit ginawa mo ang kabaligtaran. Nilaslas mo ang aking bawat kilabot sapagkat ayon sayo’y hiningi ko naman at ibinigay mo lamang.
Binato ng saplot upang hindi na maulit.Pangakong hindi na madadaplisan ng anuman ang aking katawan — maging ng hangin.
Umibig at nabigo.Namahinga sa bisig ng sinisinta. Nakahanap ng tahimik at payapang himpilan. Hindi pa ngayon ang tamang oras, ngunit anuman ang gawin ko’y ipapako rin naman nila ako sa krus. Mahalin mo na lamang ako hanggang sa iluwa tayo ng mundo.
Pinatawad ang sarili. Ginawa mo ang iyong makakaya at hindi pumanig sa iyo ang mga tala. Hindi mo iyon kasalanan.
Nagtiwala.Ipinikit ang mga mata habang napalilibutan ng mga kapwa babae. Ipinagkatiwala sa isa’t-isa ang kahabaan ng hatinggabi. Nangakong gigising sa bukang-liwayway at lalaban hanggang dapit-hapon.
Inibig ang bayan.Nakiisa. Nakipagkapit-bisig. Natutong tumutol.
Ikinulong sapagkat nakibaka.Binusalan ang bibig at napilitang humanap ng uling na panulat sa telang babakasan. Hinubad ang puting saplot na noo’y ipinalupot sa katawan — loloobin ko na ako ay mahawakan at masugatan kung para sa bayan. Nagsimulang sumulat sa tela. Napipi ngunit hindi nabingi. Patuloy na nakarinig ng tinig, ng kabog ng dibdib. Inukit sa kaibuturan ng kaluluwa ang lahat ng ngitngit na isisigaw sa mundo kapag napunit na ang busal. Nang makita nila’y sinunog ang tela gamit ang uling. Ibinudbod sa aking mga mata ang abo. Sa kabila ng malabong paningin ay nakahanap ng pudpod na lapis at manipis na papel. Ipinagpatuloy ang laban.
Disinuwebe anyos na ako, ngunit nito ko pa lang naramdaman ang aking pagkababae — nang, sa kabila ng mga balang hindi ko nailagan, aking napagtagumpayang butasan ang busal sa aking bibig gamit ang manipis na papel at pudpod na lapis panulat.