Nailipat ko na sa kabilang balikat ang aking Sablay, kaya maaari na siguro akong umamin: pugad naman talaga ng radikalisasyon ang UP. Kung ang radikalisasyon ma’y kasalanan, ako na ang unang mangungumpisal: ako ay naradikalisa. Ngunit bago manlaki ang inyong mga mata at bago niyo ako isumbong sa kung sinong Pontio Pilato, hayaan niyo akong magpaliwanag, dahil baka radikal din ang pagkakaiba ng ating pagpapakahulugan.
Hindi pa ako nakaaapak sa Unibersidad ng Pilipinas, naging malinaw na sa akin ang bigat na ipinapataw ng pagsusuot ng sablay. Dito nagmumula ang pinakamagagaling na abogado, guro, inhinyero, pintor, mananaliksik at iba pa. Umaarangkada ito palagi sa “World Rankings,” at hindi na mabilang ang iniluwal nitong topnotchers. Bata pa lang din ako, gagap ko na rin ang patuloy na paghihirap ng bansang kinatatayuan ng unibersidad na ito: nagugutom ang tunay na naglalagay ng pagkain sa hapag-kainan, butas ang bulsa ng mga tunay na tagapaglikha ng yaman, at naiipon ang kayamanan sa kamay ng iilan. Dahil nga pagkagaling-galing ng UP, at pagkahirap-hirap ng bansa, naiintindihan ko na ring mayroon talagang dapat pananagutan ang sino mang magtatapos mula rito. Ika nga: “Ang galing mo, UP, kung kaya’t ang galing mo, UP, ialay mo sa bayan.”
Akala ko noon, ang ibig sabihin nitong “pag-alay” na ito ay ang pagpapakuhusay lamang sa napili kong larangan. “Best of the best,” nga naman, kung kaya’t dapat maabot ko ang pinakamatataas na akademikong karangalan, makatungtong ako sa rurok ng kapangyarihan, at kapag nakamit ko na ito, malulunasan ko na ang mga problemang matagal na nating pinapasan.
Ngunit nang pumasok ako sa pamantasan, naradikalisa ako. Hindi dahil mayroong mapilit na Marxistang propesor o dahil uto-uto akong nagpahumaling sa ideyalismo ng mga kapwa ko aktibista – dahil hindi naman maitutumbas ang radikalisasyon sa larawan ng aktibistang dinodrowingan ng sungay ng mga nasa poder. Hindi ito pawang pagmamatigas ng ulo o paghahanap ng gulo, o sa pinakamalubha pa nga nilang paglalarawan ay terorismo. Tapat sa salitang pinagmulan ng radikal na radix – latin ng root – pinatutungkulan ng pagka-radikal ang paghahanap ng ugat, at hindi pagiging kuntento sa mababaw na pagsuri’t pagtugon sa bagay-bagay. Kung kaya’t naradikalisa ako nang maintindihan ko ang kalagayan ng mundong naghihintay para sa aming mga Iskolar ng Bayan – isang mundong hindi mababago ng pangkaraniwang husay at dangal ng iilan.
Mahalagang linawin na hindi ko kailanman sasabihing hindi mahalaga ang ating mga pinag-aaralan. Alam ng lahat ng nakapaligid sa akin kung gaano ko kamahal ang pilosopiya, at kung gaano kalinaw sa akin na ang unang tungkulin ko ay pagpapakahusay bilang nangangarap maging guro at pilosopo. Ito rin naman ang hangad ko para sa aking mga kapwa magsisipagtapos, na tiyak ay kinabibilangan ng mga makaiimbento ng teknolohiyang babago ng daigdig, mga mamamahayag na gabi-gabing papakinggan ng milyon-milyon, at mga musikerong bibihag sa puso ng buong bayan: ang dalhin ang husay sa ating mga disiplina sa mundo ng mga gutom, kung saan tunay na matatagpuan ang karangalan.
Ngunit sa apat na taon ko sa UP, naradikalisa ako, dahil paulit-ulit na ipinakita sa akin ng aking mga klase’t karanasan ang hangganan ng mahuhusay nating mga produkto.
Naradikalisa ako sa Fil 40, nang habang nakikinig sa On Potok na awitin ng mga Dumagat, naintindihan kong walang kulturang sasaliksikin ang mahuhusay nating mga antropologo kung magpapatuloy ang walang habas na pangangamkam sa lupang ninuno.
Naradikalisa ako sa Polsci 14, nang habang inaaral ang mga teoryang pampulitika at ang mga probisyon ng Konstitusyon, nagagap kong mapupunta lamang ang magagaling nating mga administrador at abogado sa mga bulok na institusyon buhat ng palpak na pagkakadisensyo at pananatili ng kapangyarihan sa mga kamay na nakikinabang sa kapalpakang ito.
Naradikalisa ako sa Speech 30, nang habang nakikinig ako sa huling talumpati ng aking mga kamag-aral, napagtanto kong kahit anong galing ng guro na iluluwal ng UP, hindi niya makakamit ang lubos na pagkatuto ng kanyang mga estudyante kung binabagabag ang isipan ng mga mag-aaral ng mga ikinikwento nilang kaliwa’t kanang pasanin – na dulot din naman ng bigat ng lipunan.
Naradikalisa ako nang maging mamamahayag pangkampus, nang habang ubos-lakas naming iginagaod ang pagbabalita sa SINAG, nakita kong habambuhay na nakatutok ang baril sa ulo ng mga hinuhubog nating mamamahayag, dahil mag-uulat sila sa lipunang kinukulong ang mga Frenchie Mae Cumpio at pinapatay ang mga Percy Lapid.
Naradikalisa na ako sa pagpasok ko pa lamang sa Unibersidad, nang nagkukumahog ang mga Iskolar ng Bayan na makaraos sa gitna ng pandaigdigang pandemya at hirap na hirap ang Unibersidad na tiyaking naaabot ang lahat ng batayang serbisyong pangmag-aaral, nakita kong anuman ang propesyong naghihintay sa atin, hindi pa tayo nakakapagtapos ay paulit-ulit tayong binibigo ng estadong wala ring pakialam sa atin sa ating pagtanda.
At higit lalo, naradikalisa ako sa sariling kong disiplina na Pilosopiya, nang habang inaaral ang mga pilosopong analitiko na tinuturong sapulin ang pinakamaliliit na detalye at tukuyin ang ubod ng ating mga konsepto, ako mismo’y natatakot na magsulat ng pilosopiyang masyadong “radikal.” Nang isapraktika ko kasi ang aking mga natutunan tungkol sa kabutihan sa etika, sa katotohanan sa epistemolohiya, at katarungan sa sosyo-politikal na pilosopiya, pawang red-tagging, intimidasyon, at paniniktik ang isinukli sa akin – na wala pa sa kalingkingan ng ginagawa nila sa ibang binabansagang “radikal,” na kanilang dinudukot, tinotortyur, at pinapatay.
Naradikalisa ako dahil naintindihan ko ang hangganan ng pagpapakahusay at pagpapakarangal natin sa ating mga larangan. Dahil bagamat nakakaabot tayo ng maliliit na tagumpay sa sari-sarili nating mga paaran, hinahamon tayo ng kasakuluyang krisis na maging radikal at ugatin ang mga problemang tinatangka nating tugunan nang hiwa-hiwalay. Katulad ng isang sakit, hangga’t hindi natin inuugat ang mga sintomas ng ating panlipunang krisis, panaka-nakang ginhawa lang ang maaari nating asahan. Hangga’t hindi tayo naghahanap ng radikal na lunas, wala tayong maaasahang tuluyang paggaling.
Kaya kahit saan pang kumpisalan ako dalhin, bukas-loob ko itong ipagtatapat, dahil hindi naman ako nagkasala: ako ay radikal, at higit sa anumang medalyang suot ko ngayong araw ng pagtatapos, ito ang pinakamataas kong karangalan.






