Mga na-relocate na manininda, may panawagan sa komunidad ng KAPP

Authors

  • Staff

    We are SINAG, the official student publication of UP Diliman’s College of Social Sciences and Philosophy, now in our 55th year, continuing to provide critical and pro-people journalism in service of the CSSP community and the people.

    View all posts

Matapos ang “relocation” mula Fernandez Street sa gilid ng Palma Hall papuntang College of Arts and Sciences Alumni Association (CASAA) ruins noong Oktubre 15, patuloy pa ring kumakaharap sa patung-patong na gastusin ang mga manininda sa kabila ng mga natamong sira ng kanilang mga kiosk. 

Ito ay matapos silang magalsabalutan dahil sa utos na pagpapalipat ng University of the Philippines Diliman Office of the Vice Chancellor for Planning and Development (OVCPD). Kaugnay ito ng planong “landscaping” na bahagi ng konstruksyon ng bagong gusali ng UP School of Library and Information Studies (SLIS).

Paglilipat ng mga manininda noong Oktubre 15

Sa isang alert na inilabas ng SINAG, isinalaysay ni Mang Ramon Manuzon, isa sa mga apektadong manininda, na  anim na araw lamang ang ibinigay sa kanila upang umalis sa kanilang mga pwesto na iginiit nilang “hindi sapat.” Paglilinaw ni Samahan ng mga Manininda sa UP Campus Chairperson Narry Hernandez, nag-abiso ang OVCPD sa Samahan noong Oktubre 10, na sa Oktubre 16 na ang pinal na araw upang makalipat ng puwesto ang mga manininda. 

Ayon sa pakikipanayam ng SINAG, nagpasyang lumipat ang mga manininda noong hapon ng Oktubre 15 upang agarang makabalik sa serbisyo kinabukasan, dahil sa paghahabol ng kanilang arawang kita. 

Napilitang umupa ng mga tao ang mga maninindang apektado ng naturang relocation upang maging katuwang sa pagbubuhat. Ngunit naging dagdag pasakit lamang sa kanila ang gastusing dala nito. Napilitan silang humingi ng tulong mula sa mga construction worker na mismong nagsasagawa ng landscaping sa lugar dahil sa pangyayari. 

Paglilipat ng mga manininda noong Oktubre 15

Kuwento ng isang construction worker, walong (8) buwan lamang ang ibinigay sa kanila ng isang contractor mula Department of Public Works and Highways (DPWH)  para tapusin ang buong proyekto sa SLIS kabilang ang landscaping na apektado ang pwesto ng mga manininda.

Pansamantala lang ang kasalukuyang pwesto ng mga manininda ngayon sa CASAA ruins. Hanggang Disyembre 2025 o Enero 2026 lamang sila maaaring manatili rito bago sila muling ilipat sa tapat ng Gonzales Hall o Main Library kung saan din matatagpuan ang Parking Lot ng Palma Hall, ayon sa abiso ng OVCPD. Giit ni Mang Ramon, magiging mahirap ang kanilang pagbebenta roon dahil nananatili pa ring under construction ang gusali at bihirang puntahan ng mga estudyante.

CASAA ruins na nilipatan na ng mga apektadong manininda

“Wala kaming kikitain doon. Sino ang bibili sa amin? Paano naman ang pamilya namin?” ani Mang Ramon. Nanawagan siya sa mga Iskolar ng Bayan na makiisa sa kanilang panawagan para sa mas maayos at makataong pagtrato sa maliliit na manininda sa loob ng kampus.

Bilang tugon sa panawagan ng mga manininda, naglabas ang UP Diliman College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) Student Council at Ugnayang Tanggkol KAPP (UTAK) ng isang donation driveupang mapondohan ang paglipat ng mga manininda at makapagtinda sila ng maayos sa CASAA ruins sa pansamantalang panahon.

Isang donation drive na inorganisa ng komunidad sa pangunguna ng Konseho ng mga Mag-aaral ng KAPP

Ayon din sa Konseho, tumangging magbigay ng pahayag ang administrasyon ng CSSP sa SINAG. Ilang beses ding tinangkang hingan ng pahayag ng SINAG ang Office of the Associate Dean for External Affairs ng Kolehiyo, maging ang Opisina ng Dekano nito, ngunit walang natanggap na tugon ang pahayagan mula sa kanilang mga tanggapan matapos padalhan ang parehong opisina ng pormal na liham noong Oktubre 15.

“Ang sabi ni dean, ang pinakamatagal na ay January. Kahit sabihin nating tapusin man ang January, maiksi ang panahon na iyon. Kita niyo naman gaano kahirap [ang maglipat],” ani Mang Ramon tungkol sa paghingi ng tulong sa dekano ng CSSP sa kanilang kasalukuyang sitwasyon.

Sa panayam ng Philippine Collegian kasama si UP Diliman University Student Council Chairperson Joaquin Buenaflor, ipinapanawagan ng mga apektadong manininda na tulungan sila ng dekano sa mga kailangang ayusin sa kanilang mga kiosks, at na tutulong din ang OVCPD sa problema ng pagbaha sa lugar.

Dagdag ni Buenaflor, nais ng mga nirelocate na manininda na magkaroon ng isang kasulatang katibayan mula sa OVCPD at CSSP bilang kanilang ligal na panghahawakan upang masigurong hindi na sila mamumroblema sa palipat-lipat na mga pwesto.

Ani naman ng dekano ng CSSP na si Ruth Lusterio-Rico sa isang panayam kasama ang Konseho ng CSSP, OVCPD ang mas may hawak ng mga gawain sa CASAA ruins. Nang tanungin ng Konseho ng KAPP tungkol sa posibleng pakikipag-usap ng Opisina ng dekano kasama ang mga manininda, iginiit niyang “ayaw niya nang magsalita.”

CASAA ruins bago nilipatan ng mga apektadong manininda na madalas ding bahain

Sa kasalukuyan, wala pa ring pormal na pulong ang OVCPD, administrasyon ng CSSP, at ang mga manininda. Ngunit ayon sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Collegian, kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang OVCPD sa Samahan ng mga Manininda ng UP Campus. Habang wala pang tiyak na kasunduan, nananatiling alanganin ang kabuhayan ng mga manininda.

RAGE IN DIFFERENT LANGUAGES: a collection of ekphrastic literary works

Panunupil ng estado sa mga lider-estudyante, sinagot ng protesta sa UP Diliman

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *