Panunupil ng estado sa mga lider-estudyante, sinagot ng protesta sa UP Diliman

Isinulat ni Raphael Mendoza

Ikinasa nitong Huwebes, Oktubre 23, ng UP Act Against Corruption Network (UP ACTION) at UP Diliman University Student Council (UPD USC) ang isang indignation protest sa tapat ng Vinzon’s Hall bilang tugon sa tumitinding intimidasyon at panunupil laban sa mga lider-estudyante na nanguna sa mga kilos-protesta kontra katiwalian nitong mga nagdaang linggo. 

Nakiisa sa protesta ang mga estudyante, guro, at kawani ng unibersidad, kabilang ang All UP Academic Employees Union (AUPAEU), sa pagkondena sa panunupil ng kapulisan habang nananatiling hindi napapanagot ang mga tiwali sa pamahalaan.

Bago ang programa, nagdaos muna ng press conference sa Vinzon’s Lobby kung saan nagbigay ng kanilang mga pahayag sina UPD USC Chairperson Joaquin “Waks” Buenaflor, Student Regent Dexter Clemente, at Wovi Villanueva—na matatandaang isa sa mga marahas na inaresto noong Setyembre 21. 

Inilahad ni Villanueva ang marahas na dispersal na isinagawa ng Manila Police District (MPD) sa mga kabataan noong Setyembre 21 sa Mendiola, kasabay ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng Batas Militar. Ayon sa kanya, nagkaroon ng arbitraryong pag-aresto sa mga nagkilos-protesta ang Philippine National Police (PNP), kung saan kabilang siya sa mga iligal na inaresto kahit nagsilbi lamang ito bilang security officer at paralegal. Walang habas ding inaresto ang mga menor de edad at persons with disability (PWD) sa kabila ng hindi aktibong paglahok sa kaguluhan matapos ang programa. 

RELATED: https://sinag.press/news/2025/09/24/ika-53-na-anibersaryo-ng-batas-militar-binaha-ng-galit-at-panawagan-ng-sambayanan/ 

Kasunod nito, nagpahayag si Clemente ng pagkabahala sa paninindak ng estado laban sa mga kabataang nagtatanggol sa karapatan at nananawagan ng pananagutan sa gitna ng katiwalian sa gobyerno.Iginiit niyang hindi ito hiwalay na insidente kundi bahagi ng mas malawak na kampanya ng panunupil.

Estado at pulisya, pilit na pinatatahimik ang kabataang mulat at lumalaban

Noong Miyerkules, Oktubre 22, pinadalhan ng subpoena si Buenaflor sa kanilang tahanan. Tatlong pulis ang nag-abot ng dokumento at nagbanta na maglalabas ng warrant of arrest kung hindi siya magbibigay ng pahayag. Nakaangkla umano ang subpoena sa mga kilos-protestang inorganisa laban sa katiwalian nitong mga nagdaang linggo. 

Kopya ng subpoenang ipinadala kay Buenaflor mula sa kanyang Facebook post

Sa gitna ng pananakot na dinaranas ng mga nagpoprotesta, binigyang-diin ni Buenaflor na lubhang naliligaw ng tunguhin ang kapulisan at ang estado—hindi ang mga nagbubunyag ang dapat nilang tinutugis, kundi ang mga nagnanakaw sa kaban ng bayan.

“Kung talaga pong matatapang at mabusisi ang ating kapulisan, doon po kayo sa bahay ng mga kurakot na politiko magpunta. Ang i-subpoena, kasuhan, at arestuhin po ninyo ay iyong mga politiko na nagnanakaw ng bilyon-bilyon na pondo ng bayan,” ani Buenaflor. 

Nanawagan si Buenaflor sa komunidad ng UP at sa mga kabataan na huwag pahintulutang manaig ang takot at katahimikan sa panahon ng tahasang katiwalian.“Huwag tayong manahimik, huwag tayong tumigil — lalo na ngayong tuloy-tuloy tayong binibigyan ng rason para lumaban at kumilos,” panawagan ni Buenaflor.

Matapos lamang ang isang araw, umaga ng Oktubre 24, muling hinainan ng subpoena ng PNP si Buenaflor. Batay sa nakasaad sa muling inihaing subpoena, papatawan si Buenaflor ng Indirect Contempt of Court alinsunod sa Section 1 ng Republic Act 10973 sakaling hindi siya magtungo sa PNP-CIDG. 

“Isa na namang paraan ito ng estado upang intimidahin at takutin ang mga kabataan at mamamayang lumalaban… ngunit kung sa tingin niyo ay mamamatay ang kilusang lumalaban dahil dito, nagkakamali kayo! Mga kurakot at tunay na kriminal ang dapat sinu-subpoena at kinukulong, hindi ang kabataang lumalaban,” ani Buenaflor sa kaniyang social media post.

Isa si Buenaflor sa apat na lider-estudyante na pinadalhan ng subpoena nitong nagdaang linggo. Kabilang sa iba pang pinatawag ng PNP sina Tiffany Brillante, pangulo ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral; Jacob Baluyot, associate editor ng pahayagang The Catalyst ng PUP; at Aldrin Kitsune, deputy secretary general ng grupong Kalayaan Kontra Korapsyon (KKK) sa DLSU–CSB. Ayon sa PNP, may koneksyon umano ito sa serye ng mga kilos-protestang kanilang inorganisa laban sa katiwalian sa pamahalaan. 

Samantala, sa mga naunang kilos-protesta, nakaranas ng red-tagging at intimidasyon ang ilang student publications na nag-uulat lamang sa mga pangyayari. May mga ulat din mula sa Ugnayang Tanggol KAPP (UTAK) hinggil sa pagdami ng presensya ng pulis sa loob ng pamantasan, bagay na iniuugnay nila sa tumitinding kampanya upang patahimikin ang kabataan na pumupuna sa katiwalian sa gobyerno.

“Imbes na may makulong na mga sangkot sa korapsyon, ito nakikita nating iyong mga lumalaban sa mga korapsyon at mga kurakot na nagpapakita ng galit sa buong sistema, sila mismo ‘yung inaapakan, sila mismo ‘yung hinaharass ng ating kapulisan,” giit ni Buenaflor.

Sa kabila ng mga banta at pananakot, nananatiling matatag ang mga lider-estudyante at mga kabataang lumalahok sa mga pagkilos para sa pananagutan at katiwalian. Giit nila, hindi dapat maging dahilan ang takot upang manahimik, bagkus, dapat itong magsilbing mitsa upang ipagpatuloy ang laban para sa katotohanan at katarungan. Sa harap ng panunupil, muling ipinapaalala sa hindi krimen ang paglaban, kundi tungkulin. 

Mga na-relocate na manininda, may panawagan sa komunidad ng KAPP

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *