Isinulat ng ika-57 na Editorial Board ng SINAG
Nagpupuyos sa galit ang sambayanan. Mababakas ito sa mga sunud-sunod na protesta nitong mga nagdaang buwan. Kaliwa’t kanang walkout ng mga estudyante sa iba’t ibang mga pamantasan. Welga ng mga manggagawa sa mga pabrika. Tigil pasada ng mga tsuper at operator. Strike ng mga guro. At matapang na pamamahayag ng mga peryodista. Hindi na lamang tubig ulan ang bumabaha — kundi galit.
Dumadaluyong sa lansangan ang ngitngit ng bayang sawa na sa kasinungalingan at kawalang pananagutan.
Kanino ba dapat ituon ang galit na ito?
Sabi ni Bongbong Marcos, pangulo at anak ng dating diktador na si Marcos Sr., “Kung ‘di ako Pangulo, baka kasama rin ako sa protesta!”. Hinimok din niya ang mga Pilipino na ipagpatuloy ang malawakang kilos-protesta, basta’t ang mga ito raw ay sisikaping “maging payapa.” Pumupustura pang laban sa korapsyon—gayong siya mismo ay nakikinabang mula sa yamang ninakaw ng kanyang pamilya mula sa taumbayan.
Nagpahayag din ng galit sa katiwalian si Sara Duterte, aniya: “The President reacted too late. I already warned in 2024 about the misuse of funds in the Education department. I’m sure it is not just there, but it also happens in the public works and other agencies.” Ngunit hindi ba’t siya rin ay sangkot sa maanomalyang confidential funds, na malinaw na anyo ng katiwalian?
Madaling magsalita laban sa korapsyon habang nakikinabang dito. Madaling iparada ang poot para pagtakpan ang sariling mga krimen laban sa sambayanan. Ngunit mainam na mailinaw: hindi lahat ng galit ay magkapareho. Ang galit ng naghahari-harian ay nagbabalatkayo. Samantalang ang galit ng sambayanan ay tunay at may batayan.
Ang galit ng taumbayan ay hindi basta hinugot sa hangin. Ito ay konkretong reaksyon sa aktwal na pang-aapi, pandarambong, at kapabayaan. Bunga ang galit na ito ng tunay na danas ng mamamayan. Araw-araw sinusuong ng mga Pilipino ang hirap ng buhay: mula sa pakikipag bakbakan sa palpak na sistemang pang-transportasyon, sa pagbabanat ng buto para mayroong maipanlaman sa kumakalam na tiyan ng kanilang mga pamilya, at bayaran ang sandamukal na utang sa kabila ng pananatili din ng mababang sahod, hanggang sa pagtitiis sa panahon ng krisis at hagupit ng mga kalamidad.
Nagngangalit ang mamamayan. Sa katiwalian. Sa kawalang aksyon. Sa paulit-ulit at lumalalang krisis sa ating bayan. Kuyom ang kamao. Ngunit saan ba dapat tumama ang kamaong ito?
Malinaw na ang galit na namumutawi sa kasalukuyan ay hindi lamang dapat ituon sa mga kontraktor at ahente ng gobyerno o sa mga abstraktong konsepto gaya ng korapsyon. Ito ay dapat iturol mismo sa mga namumuno ng ating bansa, kay Marcos Jr. at Sara Duterte, at sa sistemang nag-aanak ng mga gahamang tulad nila.
Ang bumubugsong silakbo ng damdamin ng sambayanang Pilipino, na nagmumula sa namamayagpag na pag-ibig para sa bayan, ay dapat tumungo sa paglikha ng kundisyon para sa panlipunang katarungan.
Kaya naman ang hamon ngayon: gawing malinaw ang direksiyon ng galit. Huwag itong hayaang makulong lamang sa pagkadismaya sa ilang mga personalidad o kaya naman ay magamit ng para sa pansariling interes ng mga mapagsamantala. Ang galit na ito ay dapat maging ningas laban sa ugat ng katiwalian, sa mga istruktura at sistemang nagpapahirap sa sa bayan.
At ang galit na ito’y kailangang kumawala—umalingawngaw mula sa mga kumukulong tiyan, mga palad na iniukit ng kalyo mula sa pagbabanat ng buto, at mga likod na nagkakandakuba sa bigat ng mga pasanin sa buhay.
Galit na nagmumula sa pagmamahal, galit na naggigiit ng katarungan, at galit na lumilikha ng pagbabago.
Sa huli, hindi tumutuldok ang tanong sa “Kanino tayo galit?” kundi ito’y tinatambalan ng “Anong anyo ng lipunan ang nais nating likhain mula sa ating galit?”
Nagngangalit ang bayan hindi para lamang buwagin ang barikada ng bulok na sistema,kundi upang magtindig ng alternatibong pulitika ng pag-asa. Nag-aalab hindi para lamang magpahayag ng poot, kundi upang pandayin ang muog ng demokrasya. Sa kabila ng mga pumupusturang katotohanan, huwag matakot na igiit ang mga bagay na tila imposible—sapagkat sa galit at pag-ibig ng sambayanan, ang bawat hangganan ay nalalampasan.
Iniaanak ang mundo ngayon ng imahinasyon ng bawat kahapon. Nasa kapasyahan ng bawat isa na buhayin ito. Gawing lakas ang galit, gawing tagumpay ang katarungan.





