ALL ABOUT YOU?!


“Wala akong nakikitang epekto. Hindi naman ako apektado dahil hindi naman [ako] ABS-CBN. Iyong istasyon [ABS-CBN] ang maaapektuhan.”

Sa kinakaharap ngayon ng ABS-CBN, hindi malilimutan ang patutsada ni Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa kagabi ukol sa pagdinig ng Kongreso sa naturang prangkisa. Tila isang matatag na “bato” ang kanyang pahayag na kahit hampasin ito ng maso ng manggagawa o tagpasin ng karit ng magsasaka ay hindi ito mabubuwal. Kakaiba ito sa ibang mga kongresista na sangkot sa pagdinig ng kaso na gumagamit pa ng wika ng batas para palalimin ang diskusyong nailalantad na mababaw at malayo sa usapin ng prangkisa sa gitna ng debate.

Ang pagbalewa ni Dela Rosa sa hiling ng istasyon na magbalik sa ere ay hindi simpleng bagay, kaakibat nito ang 11,000 na manggagawa ng ABS-CBN na ngayon ay mawawalan na ng trabaho sa gitna ng krisis. Isang pahayag na maaaring hindi pa nasapatan sa halos 14.5 milyong manggagawa na nawalan ng kabuhayan sa gitna ng pandemya, ayon sa saliksik ng IBON Foundation.

Marahil totoong hindi siya apektado gayong ganap na mawawala na sa ere ang ABS-CBN, dahil may garantiya ang senador sa Malacañang na kanyang pinagsisilbihan⁠—ang ampunan ng mga taong tila isinanla na ang kaluluwa sa impiyerno alang-alang sa kapangyarihan.

“Hanap ng ibang trabaho para mabuhay at magsumikap. May ibang paraan pa naman siguro para mabuhay tayo. Hanap ng ibang jobs. Alangan namang sabihin ko sa kanila na maghimagsik kayo; magwala kayo? Maghanap na lang ng ibang trabaho para mabuhay pamilya,” wika pa nito.

Isa ito sa pinakamasahol na dahilang pumailanlang sa nauna nang pahayag ng mga kongresistang napunta na ang suri sa mga teleserye ng Kapamilya, sa halip naituon ang atensyon sa isyu ng pagbibigay-prangkisa. Kabalintunan kung tutuusin, na sabihin ni Dela Rosa na marami pa namang paraan para “mabuhay” kung ang batayan ay kalagayan ng mamamayan sa kasalukuyan. Marami sa pamilyang Pilipino ang hindi napabilang sa maanomalya at mabagal na proseso ng Social Amelioration Program (SAP) at iba pang tulong-pinansyal na ipinagmamalaki ngunit maliit lamang ang naaabot.

Kakatwa pa ng pahayag ng senador na maghanap na lamang ng ibang trabaho ang mga manggagawang maaantala sa oras na magsara ang istasyon. Ngunit ang mga nawalan ng trabaho sa labas nito, sa gitna ng krisis ay nakabase sa mababang arawang sahod o walang natatanggap na benepisyo, gaya ng mga tsuper at manininda. Hindi rin lahat ng kumpanya ay kasing tibay ng “bato” na kayang tumagal ng ilang siglo. Marami sa kanila ay nagpahayag na anumang oras ay mapipilitan silang magsara dahil sa pandemya. Ang mga pahayag ni Dela Rosa ay pawang hindi lapat sa lupa at aktwal na sitwasyon ng bayan.

Kung dadalumatin, saan nga ba lulugar ang 11,000 na manggagawa ng ABS-CBN ngayong isasara na ang istasyon? Hindi ba’t ganito rin ang pangako ng mga politikong halos itanan ang maralitang lungsod sa kaluwalhatian para lang sila iboto? Mga manggagawang pinangakuan na bubuwagin ni Pangulong Rodrigo ang kontraktwalisasyon na matagal nang nagpapahirap sa kanila. Tunay na reporma sa lupa na “tunay na pangarap” kung ang mga tradisyunal na politiko ang aasahan. West Philippine Sea na ipagpapatayan umano ng mga tumatakbong politiko noong nakaraang pambansang eleksyon, 2019.

Ang pag-asang isinasambulat ni Dela Rosa sa balita ay hindi parang crush mo, na kapag nagsawa ka na ay madaling kalimutan. May politikal itong tunguhin, nais nitong lumikha ng fantasy-production sa gitna ng matinding kahirapan at pag-abanduna ng estado sa kanyang mamamayan na kahit mamamatay ka na sa gutom dahil sa kapabayaan ng pamahalaan, ay lilikha pa rin ito ng pagkakataong lumigaya ang taong umaasa pang may pagbabago sa rehimeng ito.

Aniya pa ng senador, “Ako ‘di naman apektado dahil meron din naman ibang news outfit na magpeperform. Wala ako nakikitang epekto… As a whole, wala akong nakikita,” nang tanungin ito tungkol sa implikasyon ng pagsasara ng ABS-CBN sa mga tagasubaybay dito, gaya sa balita.

Kung tutuusin, tugma ang pahayag ni Dela Rosa na wala siyang nakikitang epekto sa pagkasara ng ABS-CBN tulad na lamang sa halos mahigit 30,000 na maralitang “natokhang” na kanyang pinamunuan. Sa kabuuang patayan sa ilalim nito, wala itong nakitang mali kahit pa karamihan sa mga napatay ng pulis at umano’y “vigilante” ay “mistaken identity” o di kaya ay “tinaniman” ng ebidensya o sinabing “nanlaban” kahit sa likod ang tama ng bala.

Hirit pa niya “ramdam natin ang hirap na ‘yun” nang sabihin sa kaniya sa interbyu na mahirap ang maghanap ng trabaho ngayong pandemya. Subalit, taliwas ito sa pagbalewala niya sa pagbabalik ng ABS-CBN.

Sinalansan nito ang iba pang politikal na pagmaniobra sa paraang magpapatanggap sa mamamayan sa malawakang korapsyon, kapabayaan at kahirapan na danas sa pamahalaan. Antas “commodity culture” ni Dela Rosa ang higit pang rekurso sa lumalalang krisis na nakaangkla sa pakiwari’y may natitira pa itong pakialam sa kapwa para bilhin ang tiwala ng iilan, kahit pa katiting na lang ang pagkakataon na maunawaan ng mamamayan ang kawastuhan ng paniningil sa pamahalaan.

May aral sa mga pahayag ni Dela Rosa, kinakasangkapan dito ang aktwal na buhay ng pangkaraniwang Pilipino⁠—makinig ka lang, senador naman siya. Hindi malilimutan ang linyang “sarap buhay” nang sambitin niya ito matapos dumali sa pulong-online kasama ng ibang senador habang gutom at namamatay sa krisis ang mga mamamayan.

Marahil, walang patid ang senador sa kakasagot sa mga tanong, ngunit lagi itong nauuwi sa baluktot at magulong tugon na tila isang latang walang laman⁠⁠—maingay na, masakit pa sa tainga. Nakakabahala na sinasahuran ito ng mamamayan habang sa red-tagging, mass killing, paninisi, acting, at “parroting” lang ito abala.

Tama, sa kabilang banda, ang paalala ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ngayong pandemya na “stay at home” at hindi sa taong hindi ka naman pinapahalagahan kahit minahal mo pa⁠—lalo sa senador na walang kuwenta. Naipasara man ang ABS-CBN o hindi, sitwasyon ang mag-aahon sa labis na kagipitan⁠—sa pwersa ng nagkakaisang inaapi walang imposible.

This article was originally published last July 10, 2020.

Featured image courtesy of Michael Varcas (Philstar); edited by Jewel Christopher Politico

The Philippine Congress: A House of Clowns, A Bane to our Freedom

For Bakwit School students, graduation marks the continuation of long, grueling fight

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *