Ang kalayaang hindi malayang gamitin


Kung ang pang-akademikong kalayaan ay isang kalayaan, bakit hindi pinipigilan ito ng estado na malayang nakakamit?

Sa kasalukuyan, mahigpit na kadikit na ng pang-akademikong kalayaan ang pananakot at pagbabanta ng estado. 

Hindi na bago ang mga balitang panrered-tag sa mga estudyante at mga guro.  Hindi na bago ang mga balita patungkol sa mga atake ng estado laban sa kanilang mga kritiko. 

Kung iisipin, hindi tunay na nakapagpapalaya ang kalayaang pang-akademiko sa ilalim ng isang pasistang estado. Ang tunay na kalayaan ay siyang walang bahid ng dugo at buhay ng mga inosenteng tao. Hindi ito dapat nagdadala ng takot at pangamba. 

Ngayong araw, ginugunita ang ikalawang anibersaryo ng walkout for academic freedom and against tuition fee increase.

Dalawang taon na mula nang lumabas ang mga mag-aaral ng UP at iba pang unibersidad sa Maynila sa kanilang mga silid-aralan at nakiisa sa isang malawakang protesta. Tumungo sa Mendiola ang mga estudyante para hamunin ang estadong ibigay ang karapatan ng mga estudyante.

Ang mga walkout ay karaniwang ginagawa sa UP bilang paraan ng pagkilos laban sa mga hindi makataong pamamalakad ng estado. Nagkaroon na nito noong 2018, kung saan isang malawakang pagkilos ang ginanap upang labanan ang mga hindi makamasang polisiya  gaya ng reporma sa tax at jeepney phaseout. 

Nag-umpisa sa loob ng UP Diliman ang naganap na walkout for academic freedom noong Pebrero 28, 2020, dumaan ng Morayta upang makiisa sa iba pang hanay ng estudyante, at sama-samang nagmartsa patungong Mendiola paglaon. Dala ng mga nakiisa sa walkout ang mga panawagang #DefendAcademicFreedom at #NoToMandatoryROTC, bukod sa iba pang mga panawagan. 

Sa isang eksklusibong panayam ng SINAG kay Neo Aison, CSSP Student Council Chair, ang kanyang pakikiisa sa walkout ay tulak ng  kagustuhan ng estadong gawing “sunud-sunuran” ang mga estudyante. 

Ang gusto nila ay manatilihing tahimik at walang kibo ang mga estudyante sa kanilang mga kontra-mamamayang polisiya at panunupil sa taumbayan. Sinabi rin niya na isa pang dahilan ng pagsali sa walkout ay ang pagigiit ng estadong manghimasok sa pamantasan. 

“Dalawang taon makalipas ang kilos-protestang ito, marami na rin ang mga kaso ng pang-aabuso at red-tagging ng estado sa mga kabataang progresibo at kritikal, maging sa loob man o labas ng ating unibersidad,” giit ni Aison

Sa katunayan, sa gitna ng pandemua, ang kolehiyo ay nakaranas na ng lampas anim na ang atake mula sa death threats, red-tagging, at banta ng abduction.

Mas lalo pang  umigting ang mga atake sa pang-akademikong kalayaan nang   makaisahang buwagin ng Department of National Defense (DND) ang UP-DND accord noong umpisa ng 2021. 

“Sa kabila ng lahat ay nagpursigi ang kabataang ipaglaban ang ating mga demokratikong karapatan,” dagdag niya.

Sa pangunguna ng UP Office of the Student Regent (OSR), itinaguyod ang Defend UP Network sa pagsusulong ng mga panukala upang maisabatas ang UP-DND Accord. 

Kasalukuyan pa itong nakabinbin sa Kongreso dahil hinarang din ng rehimen sa kabila ng malakas na panawagan.

Subalit, hindi natitinag ang komunidad ng UP sa mga atake ng estado sa pang-akademikong kalayaan. Kung tutuusi’y mas lumakas pa ang hangarin ng mga mag-aaral na ipaglaban ang kanilang mga karapatan, partikular na sa mga mag-aaral ng College of Social Sciences and Philosophy (CSSP). 

Itinulak nito ang mga organisasyon sa kolehiyo upang itaguyod ang  Ugnayang Tanggol KAPP (UTAK) na primaryang tumitindig laban sa mga atake ng estado. Sa pangunguna ng CSSP SC at SINAG, nagkakaisa ang mga pormasyon sa kolehiyo upang depensahan ito.

Binigyang-diin din ni Aison ang banta ng tambalang Marcos-Duterte sa darating na halalan kaya’t nararapat na sila’y biguin. Sinabi niyang maipagpapatuloy ng tambalang ito ang pagmamalupit sa kabataan at sa sambayanan. 

“Nananatili ang hamon sa mga Konsensiya ng Bayan na magkaisa at makiisa upang protektahan ang ating kalayaang akademiko,” sambit niya.

Malaki ang gampanin ng kabataang mag-aaral sa pagsasaayos ng kalagayan ng ating bansa. Sa pamamagitan ng kalayaang pang-akademiko ay nahahasa ang mga estudyanteng gumamit ng kritikal na pag-iisip at matututong suriin nang maiigi ang bawat isyung panlipunan. Hindi kailanman naging mali ang pagpuna sa kamalian at pagdemanda ng maayos na sistema’t pamamahala.

Ani nga, “walang mali sa paglaban, may mali kaya tayo ay lumalaban.”

Pinatunayan ito nina Chad Booc at Kevin Castro sa kanilang militanteng pagsasabuhay ng esensya ng kalayaang pang-akademiko. Pinanghawakan nila at ni Gelejurain Nguho II, at iba pang gurong volunteer, ang pagtugon sa kahingian ng mapagpalayang porma ng edukasyon, lalo na roon sa mga walang akses dito. 

Pinatotoo ito ng kanilang pakikiisa sa malawakang laban, ‘di lamang para sa kalayaang pang-akademiko, kung hindi sa kalayaan ng masang Pilipino. Ang kanilang buhay at naging tahakin bilang mga guro ay isang manipestasyon ng nakapagpapanibagong hubog na produkto ng pagtataguyod sa kalayaaang pang-akademiko. 

Gayon, ang paggunita ng ikalawang anibersaryo ng walkout for academic freedom ay nagsisilbing paalala sa lahat na hindi pa tapos ang laban. At lalong hindi ito natatapos sa loob lamang ng silid-aralan. Nagsisilbi itong paalala na bagama’t isang kalayaan ang kalayaang akademiko, may kagyat tayong responsibilidad upang ipaglaban at makamit ito nang buo. 

Ang student walkouts ay ilan lamang sa mga napakaraming porma ng pagkilos laban sa kalupitan at pang-aapi ng reaksyunaryong estado. 

Hindi dapat magpatinag at lalong hindi matakot na ipagtanggol ang ating batayang kalayaan. 

Patuloy ang pananakot at panunupil ng estado, kaya’t patuloy rin dapat ang ating pagtindig at pangungundena sa mga aksyon nila. Ang pagpatay kina Booc, Nguho, at Castro ay patunay ng pasismong patuloy na umaalipin sa masa. Sinusubukan man ng gobyernong manakot sa mga pagpatay nito, tulad na lamang ng sa New Bataan 5, ngunit mas lalo lamang nitong pinag-alab ang pakikibaka ng taumbayan. 

Mas lalo nitong pinaiiral ang pag-alsa ng kolektibong paglaban ng masa sa mapanupil na administrasyong Duterte.

Kung tayo’y patatahimikin, nararapat na mas lakasan natin ang ating boses at magkaisang tumindig para sa ating mga ipinaglalaban. Ito ang pinakamalaking rebelyon ng mga estudyanteng “lapat sa lupa at humihiraya sa imposible.”

Panahon na upang muling magwalkout, lumabas sa pamantasan upang pag-aralan at baguhin ang bulok na lipunan.

#DefendAcademicFreedom
#DefendUP
#StopTheKillings

Featured image courtesy of SINAG Staff

Unknown gunman shoots Anti-Kaliwa Dam Mayor in Quezon Province

State’s trojan horse virus

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *