ANG KALAYAANG MAG-ARAL AY KALAYAAN DING MAKIBAKA


Ni: Gab Tindig

Enero 18, 2021—isang taon na ang lumipas nang mag-isang buwagin ng Department of National Defense (DND) ang 1989 UP-DND Accord. 

Sa bisa ng kasunduang ito, pinoprotektahan ang mga estudyante, guro, at kawani ng UP mula sa panghihimasok ng mga pulis at militar sa loob ng unibersidad. Gayunman, ipinawalang-bisa ito ng DND sa tabing diumano ng kaligtasan na sa katotohanan ay para sa brutal na kontra-insurhensiya.

Binatikos ng iba’t ibang sektor ang ginawa ng DND na anila’y pag-atake sa kalayaang akademiko. Hinamon din nila ang naratibo hinggil sa rekrutment ng mga komunista sa loob ng mga pamantasan bilang panakip-butas ng rehimen sa mga krimen nito sa milyon-milyong mga kabataan.

Balik-tanaw sa UP-DND Accord

Ang UP-DND Accord ay isang kasunduang pinirmahan ng dating presidente ng UP na si Jose V. Abueva, at dating kalihim ng DND Fidel V. Ramos noong Hunyo 30, 1989. Nakasaad sa Accord na hindi maaaring magsagawa ng operasyon ang militar at pulis sa mga kampus ng UP nang walang paalam sa administrasyon ng pamantasan. 

Bunga ito ng mahabang kasaysayan ng militanteng pakikibaka ng komunidad.

Isang mapagpasyang kaso rito ang nangyari kay Donato Continente. Si Continente ay dating manunulat ng Philippine Collegian na dinakip ng mga ahente ng militar sa UP Diliman noong Hunyo 19, 1989, halos dalawang linggo bago lagdaan ang Accord.

Inaresto si Continente dahil sa gawa-gawang kaso ng pagpatay diumano nito kay Colonel James Rowe ng US Army noong Abril 1989. Aniya, tinortyur siya ng mga militar para paaminin sa krimeng hindi niya ginawa.

Bago pa man ang pagkakalagda ng 1989 UP-DND Accord, nauna nang nabuo ang kahalintulad na 1981 Soto-Enrile Accord, na nilagdaan sa pagitan ni Sonia Soto, dating lider-estudyante sa UP, at Juan Ponce Enrile, dating ministro ng DND, noong diktadurang Marcos. 

BASAHIN: Orihinal na Kopya ng 1989 UP-DND Accord
https://tinyurl.com/3b4jfvj4

Subalit Enero 2021, pinutol bigla ng rehimeng Duterte ang kasunduan. Ani DND Sec. Lorenzana, nagsisilbing kanlungan at recruitment hubdawng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang UP.

Hangad lamang daw nilang “protektahan” ang mga estudyante mula sa mga rebeldeng komunista na batay sa mga naratibo ng mga taga-UP na naging rebelde ay sila rin ang pumatay.

Gayunman, malinaw sa kasaysayan ang kasinungalingan ng mga gaya ni Hen. Lorenzana, ang mga pwersa ng estado ang pawang lumulupig sa kalayaang pang-akademiko, seguridad, at karapatan ng mga taga-UP at ng malawak na hanay ng mamamayan.

Pagsuway sa Kalayaang Pang-akademiko

Ang kalayaang pang-akademiko ay tumutukoy sa kalayaan ng isang unibersidad na tuparin ang misyon nito nang walang panunupil ng estado. Ito ang pinaka-esensya ng edukasyon at pagpapayabong sa kritikal na pag-iisip sa mga kabataang estudyante. 

Sinsiguro ng kalayaang pang-akademiko na may malayang pag-iisip, pagpapahayag, pagkatuto, pagsang-ayon, pagtutol at pagtuturo sa pamantasan upang mapalawak ang balon ng kaalaman at mapaunlad ang bayan gamit ito.

Sinasanggalang ng kalayaang akademiko ng UP ang mga pag-asa ng bayan na nag-aambag sa paglikha ng bansa at ang mga boses sa ilang laban sa pagpapatahimik.

Sa madaling sabi, kung walang kalayaang pang-akademiko, inaalisan ng silbi ang isang unibersidad. Ginagawa lamang itong papet at tuta ng estadong walang habas na sumusupil sa mga demokratikong karapatan ng bawat mamamayan na dapat siya mismo ang nagtitiyak. 

Sa pag-abroga ng UP-DND Accord, sinusuway nito ang kalayaang pang-akademiko ng pamantasan. Malinaw na malinaw na ito’y paglapastangan sa kalayaan ng pamantasang mamuna at mag-ambag sa pagbabagong panlipunan at sumasalamin sa pamumuno ng  diktadura ni Duterte. 

May kaakibat na chilling effect ang pagsasawalang-bisa ng Accord para sa mga kabataang estudyante. Pinatatahimik nito ang sinumang sumubok na pumuna sa administrasyon sa takot na basta-basta na lamang sila dukutin ng mga puwersa ng estado, gaya ng nangyari kay Continente noong 1989.

Mayroon pa mang UP-DND Accord ay tuloy-tuloy na ang mga atake at terorismo ng estado, sa pagkawala nito ay lalo pang titindi ang mga ito sa pagtindi ng krisis ng lipunan at pakikibaka ng mamamayan.

Mito ng Proteksyon

Mas mapepeligro lamang ang buong komunidad ng UP sa pagbasura ng UP-DND Accord—taliwas sa kasinungalingan ng DND na poprotektahan nito ang taga-UP sa mga umano’y rebeldeng komunista sa pamantasan.

Sa halip na protektahan, mula sa kaibuturan ng kabulukan ng kanilang mga institusyon, ang mga pulis at militar pa ang nanghahamak sa mga taga-UP.

Isang halimbawa ay ang SINAG mismo. Makailang ulit na ring naging biktima ng pag-atake ng mga pwersa ng estado, gaya ng NTF-ELCAC.

Ang pahayagan at mga patnugot nito ay nakatanggap ng samot-saring pagbabanta sa buhay, red-tagging, at pagpapatahimik mula sa mga pwersa ng estado. Ilang linggo bago buwagin ang Accord, tinadtad ng report ng mga state-backed trollsang opisyal na pahina ng SINAG, na isang manipestasyon ng pag-atake sa alternatibong midya at malayang pamamahayag ng kasalukuyang rehimen.

Hindi lamang SINAG at mga pahayagang pangkampus ang nakatanggap ng ganitong klaseng pag-atake. Maraming lider-estudyante, aktibista, propesor, unyonista, at lider-komunidad sa UP ang nag-aalmusal ng pagdadalawang-isip, nanananghalian ng pagbabanta, at naghahapunan ng red-taggingdahil lamang sa pagyakap at pagtataguyod nito sa kalayaang akademiko.

Ito nga ba pagprotektang ipinagmamalaki ng DND? Oo, pagprotekta ito. Pagprotekta at pagpapalawig ng interes ng diktador na si Duterte at mga kasapakat nitong naghaharing-uri.

Ang pagbuwag ng Accord ay pagprotekta rin sa interes ng rehimeng Duterte para ilihis ang atensyon ng mamamayan sa kapalpakan nito sa pagtugon sa pandemya at supilin ang pagsasalita nila hinggil sa mga ito.

Kung gusto talagang protektahan ng mga pwersa ng estado ang mga taga-UP, ang kailangan nitong gawin ay lumayo sa UP. Kailangan nitong kilalanin sa salita at higit lalo sa gawa ang kalayaang pang-akademiko ng pamantasan. 

Hindi ko itinatanggi na walang naging komunistang rebeldeng nagmula sa UP. Ang usapin ng rebelyon ay hindi usapin ng malayang pagpili; usapin ito ng pagpili na itinutulak ng isang bulok na sistema sa mga mamamayang naghahanap ng kinabukasan. Ito ay usapin ng krisis na malalim na inuugat ng pagrerebolusyon.

May mga nagdesisyong sumapi sa digmaang bayan dahil sa nasasaksihan nilang inhustisya at atrasadong sistemang namamayani sa bayan. Sa kanayunan nila nahanap ang kahulugan ni Oblation at ng “honor and excellence” at wala sa mga karsel na nais likhain ng estado.

May maghihimagsik hangga’t walang sariling lupang sinasaka ang mga magsasaka, at nakaayon sa interes ng mga dayuhan at piling mayayaman lamang ang ating sistemang pang-ekonomiya at pang-edukasyon. May mag-aaklas hangga’t may  binubusabos na karapatan ang mga puwersa ng estado.

Hindi warzone ang UP. Zones of peace pa nga ang paaralan. Ngunit alam naman natin paano itrato ni Duterte ang karapatan sa edukasyon—dalawang taong walang balik-eskwela, pagbomba sa paaralan ng mga Lumad, red-tagging at aresto sa mga estudyante, pagpurga sa mga aklatan, at pagkitil sa buhay ng maraming Myca Ulpina at Kian delos Santos.

Pagsupil sa Karapatang-Pantao

Ang pag-abroga ng UP-DND Accord ay may mas malagim pang implikasyon. Hindi lamang ito usapin ng paglabag sa kalayaang pang-akademiko. Ito ay usapin din ito ng pagsupil sa karapatang-pantao. 

Hamon, sa gayon, sa mga iskolar ng bayan na patuloy na ipaglaban ang kalayaang akademiko sa pagpapanagot sa administrasyong Duterte. Isa na rito ang pagbabantay at pagsusulong ng mga panukalang batas sa Kongreso para sa institusyonalisasyon ng UP-DND Accord.

BASAHIN: Mga Panukalang Batas hinggil sa UP-DND Accord

https://tinyurl.com/mr2d5bps

Dagdag pa rito, hindi lamang sa UP dapat magkaroon ng ganitong proteksyon mula sa panghihimasok ng mga galamay ng estado. Mahalagang matamasa rin ng iba pang state universities and colleges (SUCs) at paaralan sa buong bansa ang kalayaang pang-akademiko.

Imperatibong kaisahin ng mga iskolar ng bayan ang bawat kabataan-estudyante, at sumanib sa malawak na hanay ng masa, na igiit ang kalayaan at depensahan ang pamantasan. Ang hamon ng pagsusuri at pag-aaral ay hamon din ng mapangahas na pakikibaka na baguhin ang lipunan.

Higit sa lahat, hinahamon ang bayan na mas lalo pang paigitingin ang laban kontra sa sistematikong ugat ng pagkitil sa karapatan ng mamamayan: ang rehimeng Duterte. Ito man ay sa mga lansangan o sa malawak na parang ng kanayunan; ang malinaw, nasa ating pagkilos ang kaligtasan.

Sa darating na Halalan 2022, malawak ang pamantasan ng lansangan kung saan sinusubok tayong mga kabataan at mamamayan na biguin ang  alyansang Marcos-Arroyo-Duterte, sapagkat alam natin sa pag-aaral ng kasaysayan na ang mga diktador, mandarambong, at magnanakaw ay wala dapat sa kapangyarihan kundi nasa kulungan.

#DefendUP

#DefendAcademicFreedom

#UpholdUPDNDAccord 

From ivory towers to free markets, now prisons?

UPD councils and alliances call for recovery break

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *