Minsan lang ang kabataan.
Sa ikli ng buhay ng tao sa mundo, isang kisapmata lang ang panahon ng kabataan. Isang kisapmata lang ang masimulang kumapa at mamulat sa mga katotohanan ng buhay. Isang kisapmata lang ang masimulang matuto, tumanda at magtanda.
Sa pagiging inosente ng kabataan sa mga karanasan, kailangan nila ang paggabay ng mga nakatatandang dumaan at nakapag-ipon na ng maraming karanasan. Ika nga ng kasabihan, papunta pa lang ang kabataan, pabalik na ang mga nakatatanda.
Madaling maunawaan kung bakit nararapat lamang pakinggan ang mga nakatatanda, ngunit hindi ito dapat humadlang upang dinggin ang kabataan.
Nagkakaiba man sa henerasyong kinalakhan, mga karanasang humulma ng kanilang mga pananaw , pinagbubuklod sila ng kasalukuyan. Kung kaya, higit na mahalaga ang magsalubungan ang kabataan at ang mga nakatatanda.
Sa Kongreso kung saang bulto ng nakaupo ay mga nakatatandang sinubok na ng panahon, hindi sapat ang pananaw na nagmumula sa isang sulok lamang ng pabago-bagong panahon. Hindi sapat na mahadlangan ng pagitan na ito ang mga binubuo at bubuuing batas, isusulong na mga kampanya, at ipagtatagumpay na pagbabago. Kailangan nito ng nakababatang aktibong tatagpo at magtutulay para sa susunod na henerasyon.
Pinangangatawanan ng Kabataan Party-List (KPL) ang interes ng kabataan sa Kongreso upang maitulay at paingayin ang kanilang tinig. Aktibong pinakikilos ng KPL ang kabataan upang walang-mintis na ialay ang husay, sigla, at katapangan sa pagbuo ng lipunang walang katiwalian, ‘di pagkakapantay, at inhustisya.
Ang kanilang kasalukuyang kinatawang si Sarah Elago ang pinakabatang kinatawan sa kongreso. Ngayong halalan, ang kanilang unang kandidato ay si Raoul Manuel, bente-siyete.
Hindi nakukulong sa edad ang kabataan ng KPL, dahil sinasaklaw rin ng kanilang presensya ang mabuting halimbawa sa isa sa pinakamahalagang responsibilidad ng kabataan: ang pag-aaral.
Sinasalamin ng KPL ang pinakamaliwanag na pinanghahawakan at ipinaglalaban ng kabataan. Bukod sa nagtapos na cum laude si Elago at unang summa cum laude ng UP Visayas si Manuel na kumukuha ngayon ng kanyang master’s, nasa sentro ng kanilang politikal na pagkilos ang buhay-estudyante.
Hindi malilimutan ang pagdinig noong 2019 sa muling pagsasabuhay ng Reserve Officers Training Corps (ROTC). Dito kinuwestiyon ni Manuel kung napapanatili nga ba ang batas at karapatang pantao kung may senador na pumapayag sa pagpapalaya kay Sanchez na gumahasa at pumatay sa mga mag-aaral na sina Mary Eileen Sarmenta, at pumatay sa kasintahan niyang si Allan Gomez.
Bagaman sinabi ni dela Rosa na hindi konektado sa pagdinig ang naturang isyu, pinapanatili ni Manuel na ipinaabot lamang niya ang hinaing ng mga estudyante.
Sa pagpasok ng pandemya, higit na naramdaman ng kabataan ang kakulangan at mga suliranin sa edukasyon. Sila mismo na dumaranas ng remote learning set-up ay nangangailangan ng kolektibong pagdinig at pagtugon sa kanilang danas.
Ngayong pandemya, sa kasamaang palad ay marami ang nahinto, dahil sa hirap ng buhay. Kasama sa mga pahirap na ito ang kakulangang pinansyal at ayuda, na humahadlang sa karamihan ng mga mag-aaral sa pag-abot sa pangunahing pangangailangan.
Nananatiling kulang at lantad ang pagsasawalang bahala ng estado sa pangangailangan ng sektor ng kabataan. Kulang ang pondong inilalaan nito para sa takda sanang tulong pinansiyal sa mga mag-aaral. Walang ipinamahaging pondo para sa ayuda sanang matatanggap ng mga mag-aaral. Ginatungan pa ito ng pagbibigay ng Commission on Higher Education (CHED) ng permiso sa mga unibersidad na magtaas ng matrikula.
Ang iba naman ay hindi makapag-aral nang maayos dahil sa kakulangan ng teknolohiya at kagamitang gagamitin para sa remote at online learning. Lubos na magastos ang pag-aaral sa ilalim ng ganitong set-up. Nakatayang hindi bababa sa P9,000 ang halagang kailangan ng bawat pamilya.
Mas lumawak din ang usaping pang-lusog isip, saklaw na ang pisikal na kalusugan. Ngunit, sa kabila nito, nananatiling kulang ang kongkretong suri sa kondisyon ng mga mag-aaral, kaguruan, at mga kawani. May kalabnawan pa ang pagtugon na kadalasan ay dumudulo lamang sa pagsasagawa ng mga webinar o paglalabas ng mga sarbey.
Mayroong mga nasa mas mataas na pag-aaral na nangangailangan ng ligtas na pagbabalik sa mga laboratoryo upang higit na mahasa ang kakayahan. Ang lahat ng ito ay tunay na bitbit ng KPL sa kanilang mga layunin at inihahain na hakbang sa Kongreso.
Sa puso ng ligtas, de-kalidad, at abot-kayang edukasyon ay ipinaglalaban ng KPL ang isang nasyonalista, siyentipiko, at makamasang edukasyon.
Sa pagbuo ng batas para sa libreng edukasyon sa mataas na antas, inilapat ng KPL ang isang bersyon ng naturang batas na nagsusulong ng NSMO na kurikulum. Ang kurikulum na ito ang tunay na kailangan ng bansa para tuligsain ang kasalukuyang sistema ng edukasyong kolonyal, komersyalisado, at anti-demoktratikong pinagsisilbihan lamang ang mga dayuhan, at hindi ang sariling bansa.
Malayo-layo na rin naman ang tinahak ng KPL magmula noong nakaupo ito sa kongreso noong 2007. Pinangunahan nito ang pagbalangkas sa 670 panukalang-batas at kasama ito sa pagbalangkas ng 22 panukalang batas.
Kasama na rito ang mga batas na nagsasaayos sa mga paaralan, sa kanilang mga pangalan at sa mga distrito kung saan napaiilalim ang mga ito. Itinataguyod din ng KPL ang edukasyon sa kanilang mga batas sa pagbuo ng Bohol First Congressional District Library sa Munisipalidad ng Balilihan sa Probinsya ng Bohol.
Sinasalamin ng KPL ang pinakamaliwanag na pinanghahawakan at ipinaglalaban ng kabataan sa kanilang pagpasa sa RA 11572, ang Philippine Energy Research and Policy Institute Act. Ipinapakita lamang nito ang kulminasyon ng pagsusumikap ng pag-aaral at edukasyon: ang makabuo ng mga solusyon sa mga kasalukuyang suliraning malaki ang ambag sa kinabukasan, partikular na ang enerhiya ng bansa.
Bilang mga tagasalubong sa mga pamanang iiwan ng mga nakatatanda, tinutulay ng KPL ang kabataan at ang nakatatanda, na magkaiba man ng panahong pinagmumulan, ay pinagbubuklod ng kasalukuyan. Tinutulay ng KPL ang lahat ng pagkakaiba-iba upang kumilos sa kasalukuyan, dahil ang kasalukuyan ang tulay ng nabuo ng kahapon at ng bubuuin sa kinabukasan.
Minsan lang ang kabataan. Sa ikli ng buhay ng tao sa mundo, isang kisapmata lang ang kabataan. Kung kaya, hayaan ang sigla, ang isip at karunungan, at tapang, na manguna sa pagkilos para sa kabataan.
Padaluyin ang sigla sa Kabataan Party-List, ipagtagumpay ang pag-asa ng bayan!
#95Kabataan
#LabanKabataan
Featured image courtesy of CurrentPH