Hangga’t hindi natutugunan ang mga batayang panawagan ng sambayanan, hindi maaapula ng anumang paninidak o pandarahas ang galit ng Unibersidad ng Pakikibaka. Sa harap ng kaliwa’t-kanang pag-atake at patuloy na kawalan ng sapat na proteksyon laban sa panghihimasok sa mga akademikong espasyo, malinaw ang tungkulin ng nagkakaisang komunidad ng UP: ang pagdepensa ng ating hanay sa pamantasan at kalayaang akademiko nito ay isang opensiba sa maniobrang panunupil at pandarahas ng estado sa katotohanan at mga nagsisiwalat nito.
Noong Enero 18, 2021, makaisang-panig na pinutol ng gubyerno ang UP-DND Accord, kasunduang nagbabawal sa basta-bastang pagpasok at ng militar sa pamantasan. Sa kabila ng kasinungalingang itintuulak ni dating Department of National Defense Secretary Delfin Lorenzana na para ito sa seguridad ng estudyante, alam ng lahat ang tunay na dahilan ng pagbuwag: markado ang UP sa mata ng estado – bulwagan ng aktibismo, kaya kaaway ng pahirap na gobyerno.
BInuwag ang UP-DND Accord upang patahimikin ang unibersidad. Ngunit papalakas lamang nang papalakas ang rebolusyonaryong diwa ng UP. Ipinagtatanggol pa rin ng buong komunidad ang pamantasan, at nakikibaka pa rin ito para mapaglingkuran ang sambayanan.
Dalawang taon matapos buwagin ang kasunduan, lumalala lamang ang mga pag-atake sa loob at labas ng pamantasan. Sa dalawang taong ito, ilang beses nakapasok ang mga militar sa loob ng mga kampus upang tiktikan at paratangan ang mga progresibong indibidwal at organisasyon. Gayundin, ilang halimbawa lamang ang mga gawa-gawang kaso sa Tinang 83 at kina Kara Taggaoa ng panggigipit ng estado. Kasama din dito ang mga produkto ng pamantasan na walang-awang pinaslang sa ilalim ng madudugong mga rehimen nina Duterte at Marcos.
Malaking banta sa seguridad ng komunidad ng UP ang patuloy na kawalan ng matibay na kasunduan laban sa militarisasyon ng kampus. Tiyak, sa paglakas ng kilusang kabataan at pagka-desperado ng palpak na estado, sa karahasan na naman kakapit ang mga berdugong nakaupo. Ngayon pa lang, dapat nang siguruhin na matibay ang depensa ng pamantasan.
Tumindi rin ang mga pag-atake sa mga pahayagang pang-kampus. Sa huling dalawang taon, lalong pinuntirya ng mga troll at ahente ng estado ang SINAG, kasama ng buong UP Solidaridad. Panrered-tag at pagbabanta sa buhay ang isinukli ng estado sa kritikal na pamamahayag.
Dahil sa pagbuwag ng UP-DND Accord, itinatay ng mga mamamahayg ng UP ang kanilang mga buhay sa bawat artikulong isinusulat nila. Hangga’t hindi tuluyang napalalayas ang militar sa pamantasan, hindi tunay na malaya ang mga pahayagang pang-kampus.
Sa ilalim ng isa na namang rehimeng Marcos, mas lalong dapat itaas ang mga barikada at ipagtanggol ang pamantasan. Sa loob ng huling mga linggo, kitang-kita na wala siyang pinag-iba sa berdugong Duterte at ama niyang diktador. Basta-basta na lamang dinudukot ang mga aktibista gaya nina Dyan Gumanao at Armand Dayoha sa Cebu. Minamanmanan din ang mga progresibong organisasyon katulad ng Anakbayan na nilooban kamakailan. Kasabay ng lahat ng ito, niraratsada ang nakakubling mandatory ROTC na hahayaan lamang ang mga militar na lalong manghimasok sa kampus.
Sa kabila ng lahat ng ito, wala tayong magagawa kundi tibayan ang hanay at palakasin pa ang pagbalikwas.
Hindi dapat tayo magpatinag sa ating pagtatanggol sa pamantasan at kalayaang pang-akademiko. Dapat palakasin ang panawagan na wakasan na ang pag-atake sa unibersidad at palayasin ang mga nagtatangkang manghimasok sa mga akademikong espasyo. Lalo pa nating igit ang agarang pagsasabatas ng House Bill No. 1154 at Senate Bill No. 737, parehong naglalayon na pagtibayin ang UP-DND Accord sa mismong UP Charter.
Higit pa dito, dapat nating kilalanin na inaatake ang UP dahil sa pakiisa nito sa mas malawak na pakikibaka ng taumbayan. Hangga’t naghihirap pa rin ang sambayanan, hindi titigil sa pagbalikwas ang unibersidad, at hindi titigil ang estado sa pagpuntirya dito. Kaya naman ang pinakamabisang paraan ng pagtatanggol sa UP ay ang ubos-lakas na pagbalikwas sa lahat ng kabalastugan ng rehimeng Marcos-Duterte at tunay na pagtupad sa mandatong magsilbi bilang UP – Unibersidad ng Pakikibaka at University of the People.