Ang pagtatapos sa pamantasan ng bayan ay isang bahagi lamang ng pagiging Iskolar ng Bayan. Ang panahong inilaan sa pag-aaral ng lipunan sa loob ng ilang taon ay hamon ngayong mailapat sa kongkretong kalagayan ng bayan na tigib sa pagpupunyaging makamit ang makatarungang pagbabago na nakaangkla sa paglahok sa kilusang tanging magpapalaya sa aping sambayanan.
Puspos ng malawakang dis-impormasyon, karahasan, at korapsyon ang ating bayan. Iba’t ibang porma ng pagmamalabis ang ipinapataw sa mga batas na nag-aakda ng salitang “kaunlaran at kaligtasan” na kabalintunaan sa aktwal na danas ng mamamayan. Sa ilang buwan ng sakuna, tumambad ang pananaig ng makasariling interes ng mga nasa poder na nagkikintal ng pinakamasahol na yugto sa kasaysayan ng bansa at ng buong mundo.
Sa bungad ng Agosto, pumalo na sa 103,185 ang dinapuan ng sakit sa buong Pilipinas. Sa kabila ng dumaraming bilang ng mga dinadapuan ay nakaasa pa rin ang pamamaraan ng pamahalaang Duterte sa militaristang anila’y “remedy” sa krisis pangkalusugan, sa halip na suportahan nito at hayaang manguna ang mga lingkod kalusugan at dalubhasa sa agham.
Pinaiiral ng mga konsolidadong pwersa ng pamahalaang Duterte sa buwanang plano ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases Resolutions ang malawakang paghuli sa mga lumabag sa panuntunang kalusugan na kalakhan ay maralita at uring manggagawa na itinaya ang mga sarili sa peligro upang ibsan ang kasalatan para mabuhay. Mailap ang serbisyong medikal sa nakararami, ito ang sinasalamin ng mamamayang itinuturing na “pasaway” ng pamahalaang Duterte na may kasalanan ng pagdami ng kaso ng COVID-19, na kung tutuusin ay bunga ng kapalpakan at kapabayaan sa pamamahala.
Kulang pa rin ang pondo sa mga pampublikong pagamutan na malimit humantong sa paghingi ng donasyon mula sa mga pribadong indibidwal at organisasyon upang mapunan ang kakulangan sa pasilidad para sa dumaraming pasyente. Sa walang katiyakang kaligtasan, astang social critic pa ang pamahalaang Duterte na ibinunton ang sisi sa pagdami ng tao sa Kamaynilaan at iba pang sentrong lungsod para igpawan ang nailalantad na krisis panlipunan.
Ang pagtatapos sa pamantasan ay pagharap sa isang lipunang walang pagbabago: walang karapatan at kalayaan.
Sa loob lamang ng limang buwang pandemya ay pumalo pa sa dobleng bilang ang pagbulusok ng kabuhayan ng mamamayan. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Abril, 7.3 milyon ang nawalan ng trabaho sa gitna ng krisis, kakatwa ng sitwasyon ang ABS-CBN na may 11,000 manggagawang mawawalan na ng trabaho. Tinatayang 6.4 milyon naman ang walang trabaho sa kasalukyan. Habang umaarangkada ang Jeepney Phaseout sa hanay ng mga tsuper at walang katiyakang karapatan ng mga magsasaka sa lupa, bunsod ng kaliwa’t kanang reklamasyon ng malalaking negosyante ngayong pandemya.
Nananatiling pribilehiyo ang edukasyon sa bansa. May kaya lamang ang makaaagapay sa panukalang “distance learning” ng DepEd at CHED na ang sukatan ng karapatan sa edukasyon ay sa pamamagitan ng laptop at internet na kahingian sa mga kabataan para sa panukala. Habang isinasantabi ng pamahalaang Duterte ang kapakanan ng libong OFWs na naantala ng pandemya.
Sa kabilang banda, patuloy na binabalot ng matinding ligalig ang kanayunan bunsod ng militarisasyon na nagreresulta ng higit pang takot at kamatayan sa mga katutubo at mga residente sa mga lugar. Kaalinsabay ng pagkawasak ang nalalagas na likas yaman ng bansa, kapalit ng walang habas na pangungutang ng pamahalaang Duterte sa ibang bansa.
Ang lahat ng suliranin ay nais ikubli sa peace conflict resolution na mantra ng Anti-Terrorism Law 2020, kung saan ang mga tumutuligsa sa gobyerno, alagad ng midya at tagapagtaguyod ng karapatang pantao, ay maaaring bansagang “terorista” para bigyang katuwiran ang pagpigil at panunupil. Ang batas ay nakakawing bilang lehitimasyon ng karahasan ng estado na itinataguyod ng mga nasa kapangyarihan para ipukol at itarak sa daanan ng hindi mapigilang pag-usad ng panlipunang rebolusyon na binuo ng kahirapan at pagsasamantala.
Sa kabila ng peligrong kakaharapin, hinahamon ang mga nagsipagtapos na manindigan at bumalikwas kasama ng nagkakaisang inaapi para wakasan ang matagal nang pasakit sa kapwa at bayan. Tayo ang mirasol ng dekada—-sumibol at nagtapos sa panahong marahas. Ngayong sumusuong ang bansa sa mas tumitinding krisis, angkop ang mensahe ng dakilang rebolusyonaryong paham na si Mao Tse Tung sa kanyang pakikipag-usap sa mga kabataang Tsino noong 1957.
“The world is yours, as well as ours, but in the last analysis, it is yours. You young people, full of vigor and vitality, are in the bloom of life, like the sun at eight or nine in the morning. Our hope is placed on you. The world belongs to you.”
Ang kabuluhan sa bayan ay isang kagitingang hindi malilimutan, na matapos man sa pamantasan ay patuloy na nagsusuri at naglilingkod sa sambayanan. Ang buhay na higit pa sa pagpapahalaga sa sarili tungo sa kapwa na maninindigan sa katarungang nakabatay sa karapatan at kalayaan na magtatatag ng pagkakapantay-pantay—-ang tanging tutupad sa isang bukas na ipinangako ni Mao Tse Tung.
Illustration by Jeune Aramburo
This Editorial was originally published last August 2, 2020.