Ilang araw na lamang bago ang paghirang sa susunod na UP President, parehong mga problema pa rin ang patuloy na kinahaharap ng mga estudyante, guro, kawani, manininda, at ng buong komunidad ng UP. Imbis na matugunan, lumalala pa nga ang mga ito. Mapakikinggan kaya ng susunod na liderato ang mga panawagan? O patuloy na paghihirap lamang ang dapat na asahan sa susunod na anim na taon?
Giit ni Amalia Alcantara, mas kilala bilang “Ate Bebang” ng Nagkakaisang Maralita ng Pook Malinis at Kariton ng Maralita Network, kailangang isaalang-alang ng susunod na pangulo ng UP ang panawagan ng mga nakarita sa komunidad. Aniya, dapat nang wakasan ang nangyayaring demolisyon ng kanilang mga bahay. Dagdag niya, dapat din daw masolusyonan ang kawalan ng tubig at ilaw ng maraming residente sa kampus.
Noong nakaraang UP President Selection Forum, sinabi ng mga nominado na kikilalanin ang mga nakatira sa kampus bilang bahagi ng mas malawak na komunidad ng UP. Para kay Ate Bebang, malayo ito sa katotohanan. Sa tinagal-tagal daw ng panahon, palaging naisasantabi ang kanilang pangangailangan. Kaya naman daw sana, sa ilalim ng susunod na administrasyon, pakinggan na ang kanilang mga panawagan.
26 taon nang nagtitinda sa kampus si Narry Hernandez, at para sa kanya, dapat kilalanin din ang serbisyo ng mga manininda sa komunidad ng UP.
Marami daw ang problemang kinakaharap ng mga manininda ngayon. Una na dito ang pagbangon sa pandemya. Sa 70 na manininda sa kampus, 41 pa lang ang nakababalik. Sa mga nakakapagtinda naman, mababa pa rin ang kinikita nila dahil kakaunti pa lang ang estudyanteng nasa kampus. Problema din daw ang pwesto para sa maraming manininda. Bagamat may kasunduan na ang mga manininda at si UP President Danilo Concepcion para sa mga bagong kiosk, binalaan na silang nakabatay pa rin ito sa desisyon ng susunod na liderato.
Nananawagan siya sa susunod na presidente ng unibersidad na tugunan agad itong mga problemang ito.
Naalala ni Ely Madera ang tagumpay na nakamit ng mga security guard ng UP sa pagpapaalis ng FEMJEG security agency. Tatlong buwan – apat pa nga daw para sa iba – siyang walang sweldo. Aniya, dahil sa pakikipaglaban ng mga security guard kasama ng lahat ng sektor, napagtagumpayan ang laban, at ngayon ay unti-unti na silang tinatanggap ng UP mismo.
Sa ilalim ng susunod na administrasyon, hiling niya na huwag nang bumalik sa mga agency, dahil mas maayos daw ang trato ng unibersidad sa kanila – mas maiksi ang oras at mas tiyak ang pagpapasweldo. Kung babalik man daw sa agency, dapat tiyakin ng susunod na presidente na maayos na ito at na hindi mauulit ang nangyari sa FEMJEG.
TIGNAN: https://tinyurl.com/SekyuSaDiliman
Kaakibat ng kasabikang makapasok sa pambansang pamantasan, takot ang bumubungad sa mga bagong Iskolar ng Bayan. Ayon kay CSSP FSTC Representative to the UFC Alyssa Alano, damang-dama niya na ang pag-atake sa pamantasan ngayon pa lamang, sa paraan man ng red-tagging o ng pag-kaltas sa badyet. Aniya, nakakapanlumo na ito ang salubong sa mga baguhang mag-aaral ng unibersidad.
Malinaw ang mensahe ni Alano para sa susunod na UP President: huwag lamang pagandahin ang imahe ng Unibersidad, alagaan ang interes ng lahat ng tao sa komunidad – estudyante, guro, kawani, drayber, manininda, o anupaman.
Giit ni Kasama sa UP Secretary General Joey Dela Cruz, hindi na maaaring isantabi ang hinaing ng mga graduate students.Bilang isang mag-aaral ng MS Bioethics sa magkasamang programa ng UP Diliman at UP Manila, damang-dama niya ang natatanging pangangailangan ng gradwadong pag-aaral. Aniya, dapat silang magkaroon ng mas maraming pagpipilian sa F2F classes, dahil iba-iba din sila ng sitwasyon.
Dagdag ni Dela Cruz, malaking problema din ang iba-ibang tuiton rate ng UP. Mabigat ang bayarin at wala pang installment scheme, kaya hirap din ang mga mag-aaral na bayaran ito. Sana daw, sa ilalim ng susunod na liderato, masolusyonan ito at hindi magkaroon ng basta-bastang pagtaas ng bayarin pa para sa mga graduate students.
Kaliwa’t-kanang mga atake ang patuloy na hinaharap ng Unibersidad, kaya para kay Kat. Prop. Symel De Guzman, kailangan ng UP President na titindig laban sa mga ito. Dapat daw magkaroon ng UP President na mapagkakatiwalaang isulong ang panawagan at interes ng komunidad.
Para kay De Guzman, pawang ang nominado na matagal nang lubog sa suliranin ng unibersidad ang tunay na makakasagot dito. Kaya naman, kasama ng higit 400 iba pang guro sa UP system, nagpahayag siya ng suporta para sa nominasyon ni UP Diliman Chancellor Fidel Nemenzo.