Pagod na ang lahat.
Ang simula ng ikalawang semestre ay tanda ng ikalawang taon ng pag-aaral sa ilalim ng online na setup sa UP Diliman. At sa bawat araw na lumilipas, kapansin-pansing lumalala lamang ang kalagayan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng pamantasan.
Nananatili pa rin ang mga isyu na hinarap sa mga nagdaang taon: ang kakulangan ng rekurso gaya ng ayuda, gadgets, at maaasahang internet. Malinaw na resulta ito ng kriminal na kapabayaan ng kasalukuyang rehimen sa sektor ng edukasyon ngayong pandemya.
Sa nakalipas na semestre, lubos din na nagdusa ang mga mag-aaral dahil sa pinsalang iniwan ng Bagyong Odette, na sinundan ng matinding pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa resulta ng COVID-19 Sensing Form na isinagawa ng UPD University Student Council (USC), 883 mag-aaral ang nagsabing nakaranas sila ng sintomas ng naturang sakit. Marami rin ang nagpaabot na na-expose sa mga may positibong kaso at naospital ang kanilang pamilya.
Bukod pa rito ang bulto ng estudyanteng nag-ulat na may surge na nangyari sa lugar na tinitirhan nila.
Para sa ilang iskolar ng bayan, wala silang magawa kundi mag-drop ng klase, mag-file ng leave of absence, at tanggapin ang kanilang mga INC.
Kaya naman, sa pangunguna ng USC, masikhay na nag-ingay at tumindig ang mga iskolar ng bayan para ikampanya ang pag-usad ng pagsisimula ng semestre sa diwa ng #MoveTheSem.
May mahalagang papel na ginagampanan ang administrasyon ng UP sa pisikal at mental na kalagayan ng komunidad sa pamantasan.
Gayunman, sa kabila ng kanilang sinasabing ‘pakikiramay’ nito sa malubhang danas ng komunidad, ipinagpilitan ng administrasyon na magsimula ang semestre noong Pebrero 7, kung saan isang linggo lamang ang ibinigay upang maka-recoversa halos limang buwan ng naunang semestre.
‘Hindi pa handa’
Sa umpisa ng unang linggo ng klase, marami pa ring estudyante ang nagpahayag na hindi pa sila handang bumalik sa klase para sa panibagong semestre.
“Nagre-recover pa lang tayo mula sa pagod at stress na dala ng 1st semester, kasabay ng matinding surge at pagtama ng mga sakuna.” saad ni Nerissa Dilag, tagapangulo ng SALiGAN sa CSSP.
Bagama’t hindi inusad ang semestre, nagpatupad naman ng ‘health and recovery break’ ang administrasyon ng UP sa unang dalawang linggo ng semestre, kung saan walang gagawing synchronous activities at asynchronous submissions ang mga mag-aaral.
Gayunman, idinaing ni Dilag na maraming kapwa-mag-aaral niya ang hindi pa nakokompleto ang units sa pagsisimula ng semestre noong Pebrero 7, at pagod na sa kasalukuyang anyo ng pagkatuto.
“Hindi lang ako pero marami akong CSSP students na nakakausap at nakikita na hanggang noong Feb. 7 ay kulang-kulang pa rin ang units. ‘Yung pagod ay nagpatong-patong na from krisis at yung general pagod na dala ng online class na dalawang taon na natin tinitiis despite kahirapan niya,” dagdag niya.
Inilahad naman ni Gareth de Leon, isang freshman sa BA Psychology, na nakapag-enlist lang siya sa lahat ng klase niya noong unang araw ng semestre at wala siyang oras na makapagpahinga dahil sa pag-aaalala at pag-aayos ng kanyang units.
“I remember feeling extremely disappointed that the second semester will resume on Feb 7. I was only able to completely enlist all my classes by then, and the 5 day rest that was granted to us was definitely not enough for us to recover from the burnout we received from the previous semester,” pahayag ni De Leon
Pagkadismaya at pagkabigo naman ang naging reaksyon ni CSSP FST Council Vice Chairperson Ishi Aguirre dahil kinompromiso aniya ng administrayon ng UP ang panawagan ng mga estudyante.
“The reluctance of the administration to clarify what constitutes a genuine break appeared insensitive and dismissive. Our call has been to move the semester since the beginning. Thus, it is disheartening that they have taken this long to respond to the countless dialogues and demands from various councils, organizations, and networks,” giit ni Aguirre
Nakasaad sa isang sensing form ng CSSP na, noong unang semestre, higit sa kalahati (51.54%) ng mga estudyante ay nagsabi na sila ay “Surviving”, habang 25% naman ay “Struggling”. Bukod pa rito, 55.48% ng sumagot sa survey ay nagsabi na kailangan nila ng mga psychosocial services upang kayanin ang tuluyang online learning.
BASAHIN: tinyurl.com/CSSP-LNBE-PosPaper
“Hindi tayo dapat puro husay. Aanhin ‘yung husay kung pagod at di maayos yung kalagayan ng mga estudyante.” tindig ni Dilag.
Patuloy na Pangangalampag
Nagpapatuloy ang panawagan ng mga iskolar ng bayan para sa pag-usad ng umpisa ng semestre at makatotohanang academic ease sa kabila ng pagtanggi rito ng administrasyon ng UP.
Pinuna nina De Leon at Aguirre ang kawalan ng malasakit ng administrasyon sa kabila ng malubhang danas ng komunidad ng UP, at nanawagang gawin ang responsibilidad nitong matulungan ang mga estudyante, guro, at mga kawani ng unibersidad.
“It is quite ironic that UP calls its students ‘Iskolar ng Bayan’ but continues to remain numb to the disposition of the country, its student body, and professors. It is imperative to show compassion towards people in these trying times, and it should not always fall on the faculty to make accommodations for the students. Rather, the administration should do its part in helping both students and faculty to be at ease,” sambit ni De Leon
“As an educational institution, they have the greater responsibility to take care of the students, fervently listen to their concerns, and address the conflict at hand, fostering the wellness of the academic stakeholders,” banggit naman ni Aguirre.
Pinagdiinan din ng CSSP FST Vice Chairperson na hindi dapat ipagpatuloy ang semestre sa kabila ng samot-saring pasakit sa komunidad ng UP para lamang makasunod sa Commission on Higher Education (CHED) Memorandum 1 of 2011 na nagtatakda sa mga pamantasan na magkaroon ng minimum na 100 araw sa isang semestre ng kanilang akademikong taon.
Kumpara sa kasalukuyang kondisyon ngayon ng mga mag-aaral, malinaw na hiwalay ang pinagdidiinang pagsunod sa inilabas na memorandum ng CHED noong taong 2011 pa ang primaryang dapat na pagtugon ng administrasyon ng pamantasan.
“The timely response to the deteriorating physical and mental wellbeing of the students should not be compromised only to meet the mandate of 100 days per semester [from CHED Memorandum]. Upholding the academic calendar despite the factual evidence that the majority of the students are experiencing difficulties amid the pandemic is totally unacceptable,” giit ni Aguirre
Para naman kay Dilag, Ligtas na Balik Eskwela ang pangmatagalang solusyon sa problemang kinahaharap ng mga estudyante ngayong remote learning, ngunit iginiit niya na malaking tulong ang academic ease at pag-usad ng semestre sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga mag-aaral.
“Recognized na natin na hindi talaga sustainable ang remote learning at need talaga ng Ligtas na Balik Eskwela para ultimately umalwan ‘yung lagay ng mga estudyante at ng buong sektor ng edukasyon. Pero ‘yung ‘pag move ng sem at pagbibigay ng academic ease ay ilan sa mga step na kaya nating magawa sana kasi di pa currently feasible yung Ligtas na Balik Eskwela dahil palpak pa rin ‘yung pandemic response,” aniya.
Sa kasalukuyan, nagpapatupad na ng limitadong face-to-face classes sa mga piling pampublikong paaralan sa bansa. Inaprubahan na rin ng CHED ang pagpapatupad ng limitadong pisikal na klase sa mga HEIs noong Enero.
Pero hanggang ngayon, wala pa ring komprehensibong plano ang administrasyon ng UP at CSSP kung paano isasagawa ang graduwal na pagbabalik-eskwela sa loob ng pamantasan.
Hamon sa Hinaharap
Kaya naman, ikinakalampag din ng mga estudyante na maglatag ang mga opisyal ng unibersidad ng kongkretong plano hinggil sa Ligtas na Balik Eskwela.
“The discussions on returning back to on-site classes is an issue the constituency will have to face in the 2nd semester. The UP administration should create a concrete plan as to how this will be properly implemented and what contingencies will be in place in order for classes to be safe, ” panawagan ni De Leon
Para kay Dilag, makakatulong ang pakikisangkot ng administrasyon ng UP sa kampanyang Ligtas na Balik Eskwela upang tuluyang bumuti ang kalagayan ng pag-aaral ng mga estudyante. Bukod sa kagyat na pagpapatupad ng academic ease, binanggit niya na dapat maging demokratiko ang UP sa paggawa ng plano para sa Ligtas na Balik Eskwela.
“Sa tingin ko, ang pinakamalaking maitutulong nila ay ang pakikiisa sa mga estudyante sa kampanya para sa Ligtas Na Balik Eskwela. Ito ay sa itsura ng pagde-democratize at transparent ng mga proseso para rito upang magkaroon ng direktang involvement ang lahat ng sektor,” sambit niya.
Dagdag ni Dilag, dapat din umanong samahan ng pamantasan ang iba pang kampanya ng sangkaestudyantehan, gaya ng pagkondena sa palpak na pagtugon sa pandemya ng rehimeng Duterte, paglaban sa budget cuts sa UP, at pagtutol sa red-tagging ng mga pwersa ng estado sa komunidad ng UP at pagbasura sa UP-DND accord.
Mahigpit na kadikit ng panawagan para sa Ligtas na Balik Eskwela ang pagtitiyak sa pagiging tunay na ligtas nito. Ilang beses nang nabiktima ang mga mag-aaral, guro, at kawani ng pamantasan ng marahas na panreredtag ng estado, gaya na lamang ng kaso ng SINAG at ng UP Political Society (UP POLSCi).
Sa pagtapyas sa pondo ng unibersidad ay siya ring pagkakait ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugang maaaring ibigay ng UP Philippine General Hospital (PGH), na primaryang referral center ng mga apektado ng COVID. Ito ay nakatanggap ng P500M na kaltas. Habang malaki naman ang ipinamamahagi para sa imprastruktura sa pamantasang lubos na nakadidiskaril sa mga komunidad na naninirahan sa loob ng unibersidad.
Kaya’t pagdinggin sa kahingian ng komunidad ng UP ang pangunahing panawagan ni Aguirre sa administrasyon ng UP. Hangga’t hindi pa napapatupad ang Ligtas na Balik Eskwela, mananatiling hamon sa mga estudyante ang matinding academic burnouts at lumalalang lusog-isip bunsod ng remote learning.
“I, together with the CSSP FST Council, firmly believe that to resolve or alleviate the burden of their students, faculty, and staff, the UP administration must listen to the demands of their constituency. In other words, we emphasize the need for compassion and understanding from the administration. We cannot condone a struggling UP community where students and faculty are forced to meet grueling deadlines, given the unforeseen circumstances that may arise in the upcoming months,” tindig ni Aguirre
“Indeed, we are all facing the same storm, but not everyone is in the same boat to survive it,” dagdag pa niya.
Hindi lamang nakasalalay sa administrasyon ng UP ang pagpapabuti ng porma ng edukasyon sa kasalukuyan, kundi may tungkulin din ang mga estudyante para dito. Ito ang ipinarating ni Dilag ngayong nalalapit na ang eleksyon ngayong Mayo.
Aniya, dapat iboto ng kabataan ang mga kandidatong magsusulong ng mga kampanyang maka-estudyante at sumama sa pagkilos tungo sa pagtupad ng kanilang kahingian.
“Bilang mga Konsensya at Iskolar ng Bayan, hamon sa atin ‘yung pagboto sa mga kandidatong magpapanalo ng mga kampanya natin at pag-engage sa pinakamalawak na hanay ng masa para imulat, iorganisa, at pakilusin rin sila para rito. Malaki ‘yung papel ng eleksyon at ng mass campaigns para sa pag-actualize ng Ligtas na Balik Eskwela,” hamon ni Dilag sa mga estudyante
Ipinahiwatig naman ni Aguirre na ang nararanasang dagok ng mga estudyante ngayong remote learning ay nag-uugat sa uri ng edukasyon na mayroon ang bansa: kolonyal, komersyalisado, at anti-demokratiko.
Manipestasyon ng ganitong sistemang pang-edukasyon ang pagturing sa edukasyon bilang negosyo, kung saan pagbabayarin ang mga estudyante ng tuition fee at iba pang school fees para lamang makapagtapos, at sa huli ay gawing cheap labor ng mga naglalakihang banyagang kompanya.
Bagama’t libre ang edukasyon sa pamantasan, gumagastos pa rin ang mga estudyante at pamilya nito para sa internet, data, at gadgets para lamang makasabay sa hindi makamasang remote learning. Idagdag pa riyan ang hindi pagdinggin ng administrasyon sa mga kahingian ng mag-aaral ngayong remote learning at lantarang paglabag sa karapatan nitong malaya at kritikal na maghayag, na tanda ng pagiging anti-demokratiko nito.
Kaya naman, dapat umanong isulong ang pambansa, siyentipiko, at makamasang edukasyon nang sa gayon ay hindi nakokompromiso ang kapakanan ng mga mag-aaral, at kalidad na edukasyon sa pangmatagalang panahon.
“It is evident that the ‘wellness break’ provided to us was only a band-aid solution to a much larger problem. To truly address and solve these issues, we need to demand and push for a more national, scientific, and mass-oriented education that advocates forward for an all-Filipino education,” tindig ni Aguirre.
#DoBetterUP
#LigtasNaBalikEskwela
Featured image courtesy of Joel Formales