Isinapubliko na kaninang umaga, Disyembre 12, ng College of Social Sciences and Philosophy (CSSP) Office of Student Affairs (OSA) na si Justin Felip D. Daduya, mag-aaral ng Pilosopiya, ang susunod na Punong Patunugot ng SINAG, ang Opisyal na Pahayagang Pang-Mag-aaral ng CSSP.
Si Daduya ang kaisa-isang mag-aaral na kumuha ng editorial examinations noong Disyembre 6 at nakapasa sa mga itinakdang rekisito ng Board of Judges.
Nagsilbi si Daduya bilang Features and Opinion Editor ng pahayagan at papalitan niya si Angelo Marfil, mag-aaral ng Dalubbanwahan, sa pagsisimula ng kanyang termino sa Enero 1, 2023.
“Sa ilalim ng isa na namang Marcos sa Malacañang, malinaw ang gampanin ng SINAG: sagupain ang dilim kung saan sila nagtatago at ilantad ang lahat ng kanilang kabuktutan. Magpapatuloy tayo sa pagtanglaw at pakikibaka, sapagkat dito natin mapagsisilbihan ang KAPP at ang sambayanan,” mensahe ni Daduya sa mga Konsensiya ng Bayan.
Bitbit ang mga aral ng nagdaang taon, ang bagong patnugutan ng SINAG ay pananatilihin ang kritikal at mapagpalayang peryodismo upang patuloy na magbigay-liwanag sa gitna ng karimlang hatid ng administrasyong Marcos-Duterte.