Bagsik at himagsik sa UP at Malantic


“Ang lupa ay buhay.”

Subalit ang bumubuhay sa lupa, ang mga pesante, ay araw-araw nang pinapatay—kung di man sa matinding kahirapan ay mula sa bala at bomba ng mga militar. Ang ugat nito? Ang monopolyo ng lupa sa kamay ng ilang asyendero habang milyon-milyon ang walang bigas na makain kahit siya ang nagtanim, nagbayo, at nagsaing.

Nasa siyam sa sampung magsasaka ang walang lupa, ayon sa datos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Sa kabila ng nagtatayugang gusali ng lunsod at mahahabang highway nito, umiiral pa rin sa kanayunan ang ekonomyang ang paglago ay  nakasalalay sa labas-masok na palitan, at paghuhukay ng libingan ng mga magsasaka, manggagawang-bukid, katutubo, at iba pang itinuturing ang lupa bilang kanilang buhay.

Sa paglipas ng panahon, unti-unting nilamon ng mga gusali ang lunsod. Itrinansporma ang mga parang at bukid bilang brutalistang mukha ng terorismo ng estado para seguruhin ang interes ng iilan. Sa kabila ng pagpapaganda sa mga numero ng ekonomiya at estetikong arkitektura, hindi nito naikukubli ang katotohanang walang paglago sa buhay ng mamamayan —wala pa ring lupa ang magsasaka.

Para sa mga estudyante ng UP, ang katotohanang ito ay nasa loob mismo ng pamantasan. Ang mga naratibo ng pang-aapi at pakikibaka ng mga magsasaka ay maririnig sa mga kwento nina Mang Dado, Kuya Dong, Mang Popoy at iba pang magsasaka sa bukid ng Malantic, Pook Aguinaldo. Sila ang mga magsasaka na hanggang ngayon ay patuloy pa ring naggigiit sa UP sa kanilang pagmamay-ari sa lupa.

Ang mahabang kasaysayan ng pakikibaka nila sa lupa ay mahabang kasaysayan din ng tunggalian ng mga uri. Sa panahon ng mga Espanyol, ang lupang sinasaka nila ay ipinagkaloob sa isang Don Demetrio Tuason bilang encomienda. Sa panahon ng mga Amerikano, pinayagan ni Quezon na ilipat ang UP sa lugar nito ngayon sa Diliman. Sa pagbugso naman ng mga patakaran sa pribatisasyon noong dekada 90, malaking dagok din ang hinarap ng mga komunidad ng maralitang lunsod at magsasaka sa UP sa pagpapalayas at urbanisasyon.

Simple lang ang katotohanan sa ating kasaysayan: wala pa ring sariling lupa ang mga magsasaka hanggang ngayon.

Ang dating malawak na bukirin at palayan ay pinalitan ng mga gusali na ang pundasyon ay nakatayo sa lupang pinag-aagawan dahil, sa esensya, ang kakulangan ng lupang maaaring ariin ay nakatali pa rin naman sa monopolyo ng mga panginoong maylupa rito. Para sa mga magsasaka ng Malantic, hindi nila basta-basta isusuko ang lupa dahil iyon ang kanilang buhay. Tiyak, ganito rin ang naratibo ng pakikibaka at digma ng milyon-milyon pang magsasaka.

Bunsod ng tunggaliang ito sa pagmamay-ari sa lupa sa pagitan ng administrasyon ng UP at ng mga magsasaka ng Malantic, masasabi nga bang magkataliwas ang interes ng mga estudyante at magsasaka? Na para bang ang pag-angkin ng isa ay kawalan ng isa—ika nga ng mga ekonomista sa UP School of Economics ay “there is no such thing as free lunch.” 

Ang katotohanan, nasa iisang panig lamang ang mga magsasaka at estudyante laban sa mga libreng nakikikain ng mga bagay na dapat ay sa atin–ang mga nagkakamal na wala namang karapatan liban sa institusyon ng pribadong pagmamay-ari.

Sa huling suri, ang karapatan sa edukasyon ng mga estudyante at karapatan sa lupa ng mga magsasaka ay hindi magkatunggali. Bagkus, dapat kilalaning esensyal ang parehong karapatan at dapat bumuo ng matibay na pagkakaisa upang singilin ang mga nagkakait ng lupa at edukasyon.

Hindi ang estudyante at magsasaka ang walang karapatan kundi ang mga walang nilalahok sa produksyon ngunit nagkakamal ng labis na halaga. Bakit ganito ang umiiral na panlipunang sistema? Ang sagot ay neoliberalismo.

Ayon sa Marxistang geographer na si David Harvey, simpleng mabibigyang kahulugan ang neoliberalismo bilang “accumulation by dispossession.” Yumayaman ang isa dahil sa paghihirap ng iba. Mayaman ang asyendero dahil naghihirap ang magsasaka. Todo kaltas ang badyet sa edukasyon habang lumalaki ang tax cuts at exemptions sa malalaking negosyo pati ang pondo sa terorismo ng estado. Sa esensya, ang neoliberalismo ay pagkakait sa demokratikong karapatan ng mga mamamayan para ilaan sa iilan.

Kapwa nadidispossess o ninanakawan ang mga magsasaka at estudyante sa patakarang neoliberal. Para sa administrasyon ng UP, madaling agawin ang lupa at magdemolish ng mga komunidad para sa “academic land use policy” nito habang araw-araw milyon-milyon ang kinikita ng pagsasamantala ng mga Ayala sa Technohub at UP Town Center. 

Balita pa ng mga magsasaka, may balak pang magtayo ng mall noon sa kanilang sakahan. Ngayong linggo, tinayuan na ng mga pananda ang palayan nila para sa balak na kalsada sa Area 17 na diumano ay para sa nasabing mall sa komunidad. Ang lupang binubungkal ay unti-unting nilalamon ng semento at bakal.

Sa hanay ng mga estudyante, hindi natinag ng tumitinding krisis ng pandemya ang kalakarang palengke—pagbebenta sa edukasyon at pagkakait nito. Liban sa higit 500 araw ng pahirap at bulok na remote learning at banta ng COVID-19 at disempleyo, haharap ang UP sa P16-bilyong pisong kulang na pondo at siguradong may kaltas pang P1-bilyon. 

Ibig sabihin, mas kakaunti ang kapasidad sa pagtanggap ng pasyente sa primaryang COVID referral hospital na PGH at pasok sa free tuition at walang regularisasyon ng mga kontraktwal at mas kaunting estudyanteng saklaw ng free tuition habang kinukulimbat ni Duterte at NTF-ELCAC ang pondo at tuloy ang pribatisasyon ng pamantasan sa anyo ng Socialized Tuition “Scam” at UP Master Development Plan.

Dito papasok ang batayang kontradiksyon ng UP: ang neoliberal na unibersidad at ang “pamantasan sa loob ng pamantasan.” Sa administrasyon laluna ni Pangulong Danilo Concepcion, masusubok ang dalawahang mukha nito sa pagiging kontra-tiraniya habang tagapamandila naman ng neoliberalismo. May hamon sa kanyang magtugma ang paninindigan sa ekonomya at politika na para sa masa. Sa mga estudyante, malaking hamon na magbalikwas, bawiin ang ninakaw na mga pangarap, rekurso, at buhay ng mga gaya ni Kristel Tejada, sa pamamagitan ng pag-aaral ng lipunan at pagsisilbi sa sambayanan upang baguhin ito. 

Walang GE class na itinuturo ang mga magsasaka ng Malantic. Walang grado ang pakikipamuhay sa kanila o pagsama sa kanilang pagtatanim. Subalit, naroroon sa mga sakahan ng Diliman ko mas higit na naiintindihan ang sinabi ni Harvey at iba pang akademiko, radikal man o reaksyunaryo, habang malinaw na nakikipanig sa tunggalian ng dalawang kampo—makauring tunggalian, na sa parating huli, ay kapwa bumibiktima sa mga magsasaka at estudyante, labas sa mga sari-sarili nilang kontradiksyon.

Habang kinakausap ang mga magsasaka ng Malantic, doon ko nagagap ang sinasabi ni Sison na ang tunay na kapangyarihan ng mga estudyante ay magmumula sa pagsanib niya sa pakikibaka ng mga magsasaka at manggagawa. Doon sa malawak na bukid–kinubli ng tayog ng lungsod–natutunan ko ang ipinagkakait ng edukasyon sa Palma Hall. 

Doon, totoo ang mukha ng mga teorya at konsepto. Naroon ang isang bahagi ng malaking mundo ng mga gutom. Doon tayo dapat magdiskusyon at kumilos—mag-alay ng ating sarili.

Mananatili ang istorikal na tunggalian sa pagitan ng dalawang panig ng neoliberalismo: ang mga nagkakamal at ang mga ninanakawan. Ang tanong na lamang ay para kanino ba tayo maglilingkod at papanig dito? 

Sa labas ng gusaling Palma, naghihintay ang “pamantasan sa loob ng pamantasan”—ang mga gurong magsasaka, manggagawa, at maralitang lunsod na magtuturo sa atin paano likhain ang mga pangarap. 

Para halawan ang mahusay na guro at mag-aaral ng mga magsasaka na si Prop. Gelacio Guillermo, walang silbi ang mga teorya, gaano man ito kahusay pakinggan, kung wala itong ipagsisilbi sa pakikibaka ng mga mamamayan sa isang lipunan kung saan namamatay ang marami upang mabuhay lamang ang iilan.

Laging mataba ang lupa para lumago ang kilusang magsasaka na babawi sa lahat ng lupang simula’t sapul ay ninakaw mula sa kanila. Binhi ang mga mag-aaral ng lipunan na patuloy na lalago at magbubunga sa kanilang pag-ugat sa masa. Dakilang hamon ito sa Agham Panlipunan, sa Konsensya ng Bayan, na matutong makinig sa masa upang matutong magsalita. 

Mula sa mga gusali at bukid, umiikid ang pagtutunggalian ng bagsik at himagsik—naroon ang unibersidad ng sambayanan na dapat paglingkuran, naroon ang lipunang dapat pag-aralan.

Featured image courtesy of Nerissa Jane Dilag.

This image has an empty alt attribute; its file name is 02-sinag-logo_variation-a_black.png

Duterte receives September 1 ultimatum from overworked, underpaid health workers

Ang pagpilay sa UP ay pagpapahirap sa mga “bagong bayani”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *