Balikatan, isa lamang ‘military flex’


Opisyal nang nagsimula ang taunang Balikatan exercises noong Marso 28, Lunes, kung saan nakibahagi ang halos 9,000 na mga navy, marines, air force at army personnel mula sa Estados Unidos at Pilipinas.

Nasa 5,100 na militar mula sa Estados Unidos ang lumahok. Mas madami ang sumali ngayong taon mula sa 600 na personnel nitong 2021.

Ang Balikatan ay isang salita sa Filipino na nangangahulugang “balikat sa balikat,” at taunang isinasagawa mula noong taong 1991, kung kailan nangako ang Estados Unidos na ipasasara ang dalawang malaking base-militar sa Subic Bay at Clark. 

Ngunit noong 2020 ito ay nakansela at noong 2021, ito ay nilimitahan lamang dahil sa pandemya.  

Isinaad ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Andres Centino na ang Balikatan exercises ay isinasagawa upang mas mabigyan ng seguridad ang bansa at ang rehiyong Indo-Pacific.  

Ang Balikatan exercises ang isa sa mga malinaw na manipestasyon ng 1951 Mutual Defense Treaty (MDT), kung saan napagkasunduan ng Estados Unidos at Pilipinas na magtulungan sa oras  na magkaroon ng pag-atake sa alinmang bansa.

Bagaman kasunduan sa dalawang panig, pagdidiin ng mga kritikong ito’y sa papel lamang at mas pabor ang mga kondisyon ng MDT sa US.  

Ayon naman kay Philippines Chargé d’Affaires ad interim Heather Variava, ang Balikatan ay opportunity for the United States and the Philippines to reaffirm our commitment to even more robust ties and to our relationship that remains highly relevant as the world faces new and continuing challenges.”

Ngunit, sa gitna ng lumalalim na kaugnayan ng hukbo ng Estados Unidos at Pilipinas, patuloy namang lumalala ang mga kaso ng panreredtag at ang mga counterinsurgency efforts ng estado. 

Isang manipestasyon nito ay ang pagkakaroon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na naglalayong sugpuin umano  ang communist rebellionsa ating bansa. 

Malaki ang impluwensiya ng Estados Unidos sa pagpapalaganap ng mga operasyong kontra-insurhensiya sa bansa, liban pa sa pamamahagi’t pagbenta nito ng sarplas ng kagamitang militar tulad ng mga baril at pampasabog. 

Mahigpit na tinutuligsa ng Gabriela Partylist ang Balikatan sapagkat, anila, ito lamang ay isang ‘military flex’ na nagpapakita ng mga kakayahan ng Estados Unidos, habang napapabayaan naman ang mga lokal na komunidad.  

Ayon kay Assistant Minority Leader Rep. Arlene Brosas, ang Balikatan ay ginagamit ng Estados Unidos upang igiit ang kanilang geopolitical interest sa Taiwan at South China Sea. 

“Pero mamamayan ang naapektuhan, lalo ang mga mangingisda at magsasaka na matataboy ng pinakamalaking Balikatan,” aniya. 

Dagdag pa ng mambabatas mula sa Gabriela, maaari ding lumala ang mga kaso ng prostitusyon, sex trafficking, at sekswal na pang-aabuso, lalo na sa mga probinsyang naatasang magsagawa ng Balikatan. Talamak ito sa Subic Bay kung saan naroon ang bulto ng mga baseng militar ng Estados Unidos. 

Pinatotohanan ito ng ilan na ring kaso ng pang-aabuso mula sa mga militar ng US, tulad ng nangyari kay “Nicole” na ginahasa ni Lance Corporal Daniel Smith taong 2005 sa Subic. 

Pagdidiin ng mga mamamayan, imbes na tugunan ang malubhang krisis sa kasalukuyan, talamak pa rin ang panreredtag at pagsasabatas ng mga maka-dayuhang polisiya. 

Nito lamang, pinirmahan ni pangulong Duterte ang pag-amyenda sa Public Services Act na ngayo’y nagbibigay na ng 100% ownership sa mga “public services” sa bansa tulad ng telecommunications at airlines. Kasabay nito ang pag-amyenda rin sa Retail Trade Liberalization Act na nagbababa ng kakailanganing kapital ng mga dayuhang negosyante sa P2.5 milyon mula P125 milyon. 

BASAHIN: http://bit.ly/3JEWllN 

Ani pangulong Duterte, ang mga pag-amyendang ito’y maaaring makatulong sa pagbangon ng bansa mula sa kasalukuyang pang-ekonomikong krisis. Makapagbibigay umano ito ng mas maraming trabaho sa mga mamamayan. 

Ngunit, ayon sa mga kritiko at think tank IBON Foundation, pagtaas ng sahod ang kailangan upang maiahon ang mga mamamayan mula sa lumalalang krisis sa bayan. 

Kalakip ng mga polisiyang ito ay ang kawalan pa rin ng aktibong pagtuligsa sa pamamalagi ng mga Chinese vessels sa West Philippine Sea. 

Ayon kay Centino, ang Balikatan ay patunay ng lumalalim umanong ugnayan sa pagitan ng US at Pilipinas. Bagaman nilinaw ng militar ng US na hindi ‘show of force’ ang kasalukuyang Balikatan Exercises, lubos itong ikinababahala ng mga kritiko bilang pagpapakita umano ng agresyon ng Estados Unidos sa bansang Tsina, at inilalagay ang mga mamamayan sa panganib. 

Iniistorbo umano nito ang kapayapaan at kabuhayan sa mga komunidad sa Cagayan kung saan naglagay ng Patriot missiles ang militar ng Estados Unidos.

Ngayong nalalapit na ang eleksyon, hinihimok ang mga kabataang makiisa sa iba’t ibang sektor sa pagiging kritikal at mapagmasid, at kolektibong tutulan ang patuloy na maka-dayuhang kasunduan sa pagitan ng administrasyong Duterte at ng Estados Unidos.  

“The Balikatan Exercises mark not an ‘alliance’ but our continuing neocolonial ties with the US as the Philippines becomes its launching pad for imperialist aggression,” saad ng Kabataan Party-list.

Featured image courtesy of U.S. Embassy in the Philippines

‘Let a hundred flowers bloom for justice’: Pag-alala sa 40 days ng #NewBataan5

Service for Whom?: Duterte’s Public Service Act Amendments are a Disservice to the Filipino

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *