Sa gitna ng tumitinding krisis panlipunan, panahon na upang paigtingin ang ubos-lakas na paglaban at pagtindig ng mga Konsensiya ng Bayan at bawiin ang ating kinabukasan.
Saksi ang kasaysayan na ang militansyang ipinamalas ng mga kabataan, kasama ang masang Pilipino, ang nagpaandar ng makina ng kasaysayan upang patalsikin ang mga diktador at sagupain ang epekto ng kaliwa’t kanang krisis at anti-mamamayang patakaran. Tiyak na sa mga rebolusyonaryong sitwasyon at pakikibaka, sityo iyon ng pag-aaklas sa aping kalagayan.
Sa pag-akyat nina Marcos Jr. at Inday Sara Duterte sa poder, hindi na maikukubli ang kawalang-seguridad sa pagkain bunga ng atrasadong agrikultura at industriya sa bansa. Kasabay ng pandemya at kawalang-trabaho, tuloy-tuloy rin ang pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin gaya ng pagkain, pamasahe, at gasolina habang hindi tumataas ang sahod.
Hindi rin ligtas ang mga kabataan at estudyante sa tumitinding krisis. Matapos ang dalawang taon ng bulok na remote learning ay P22.3-bilyong kaltas-badyet sa 2023 ang isasalubong ng administrasyong Marcos sa Unibersidad ng Pilipinas at Philippine General Hospital. Ibig sabihin, mas kaunting pasilidad at gusali, posisyon upang madagdagan ang slots at mabawasan ang trabaho ng mga kawani at fakulti, at dagdag na pondo upang matamasa ng mamamayan ang karapatan sa kalusugan at edukasyon na matagal nang ginagawang negosyo sa bansa.
Kaya naman, makapangyarihang pagtindig ng mga kabataan ang katatapos lamang na 53rd General Assembly of Student Councils at 39th UP Student Regent Selection. Sa loob ng isang linggo, nagbuo ng mas malawak na kaisahan at kampanya ang mga mag-aaral upang harapin ang mga isyu sa edukasyon at ligtas na balik-eskwela, terorismo ng estado, at iba pa. Aral ng kasaysayan ang halaga ng matibay at progresibong kilusan ng mga kabataan at estudyante.
Hangad nating hindi magtapos sa mga tiwangwang na dokumento at nasayang na oras ang mga resolusyon at deliberasyon. Ang hamon natin sa mga lider-estudyante ng pamantasan ay pukawin, iorganisa, at pakilusin ang mga mag-aaral ng UP sa unahan ng paglaban dahil obligasyon ng Iskolar ng Bayan na manindigan kasama ng bayang kanyang pinaglilingkuran.
Hindi natin maaasahan ang pamumuno kina Marcos at Duterte na iahon pa ang ating bayan. Sapagkat habang naghihikahos ang masa, masigabong party-partyat pagv-vlogang tanging alam na gawin ng punong panggulo ng bansa. Ang mga kondisyong lalong pinalubha ng pabayang administrasyong Marcos-Duterte ay mahalaga upang itulak ang mga kabataang Pilipinong manindigan para sa at panghawakan ang interes ng sambayanan.
Susi ang pagkakaisa sa anumang politikal na proyekto para sa pagkamit ng gahum sa lipunan. Sa isang banda, kinasangkapan na ito ni Marcos sa islogang “unity” at alyansang Marcos-Arroyo-Duterte na batay sa hungkag na mit, boladas, at pagkapit sa poder. Sa kabilang banda, ang ating pagkakaisa, gaya ng nakapagpatalsik sa matandang Marcos, ay iniuukit ng araw-araw na paglaban upang maresolba ang mga krisis na dala nina Marcos Jr.
Kung gayon, kumpara sa naglilimahid nang pagkakaisa ng mga ganid, ang daluyong ng kilusan ay kailanma’y hindi maaantala. Limang dekada mang nakalipas, patuloy na lumalaban ang makabayang Iskolar ng Bayan. Magkakaiba man ang mga pangalan at panahon, nananatili ang ugat ng mga problema – ang dayuhang interes sa ating bansa, malawakang kawalang lupa at industriya, at mga kurap at brutal na politiko – at ang mga naratibo ng pakikibaka.
Sa gitna ng sigwa, ano ang lugar ng agham panlipunan at pilosopiya? Sinagot na ito ng maraming nauna sa atin. Si Lorena Barros, antropologo, ay naging mag-aaral ng kultura at masa sa Timog Luzon. Si Bill Begg, historyador, ay nakilikha ng kasaysayan kasama ng masa sa kanayunan. Si Karen Empeño, sosyologo, ay tumungo sa laylayan ng lipunan kung nasaan ang mga magsasaka ng Bulacan. Iba-iba man ang kanilang karanasan, malinaw ang aral nito: nagpapatuloy ang pakikibaka dahil araw-araw iniluluwal ang mga kondisyon upang magpatuloy.
Hindi na dapat manatili sa toreng garing o Bulwagang Palma ang agham panlipunan at pilosopiya. Gayundin, ang mga konsensiya ng bayan ay hindi na dapat maihiwalay sa masa. Dapat ilaan ang ating oras sa pag-aaral at pagkilos sa naratibo at isyu sa mga komunidad, pagawaan, at bukirin na kadalasa’y marhinalisado o ineetsapuwera. Partisano sa makauring digma ang teorya. Ang ultimong pagsusulit para sa ating edukado, para kanino natin ginagamit ang ating mga teorya: sa praktika ba ng pambubusabos o sa proyekto ng pagpapalaya?
Ngayon, 50 taon mula nang ideklara ang Batas Militar, Marcos muli ang nakaupo sa kapangyarihan. Mailinaw nang inilatag sa iba-ibang disiplina ang mga batayan kung bakit tutulan iyon. Ang kailangan na lamang ay palakasin ang isang kilusan ng mga estudyante na titindig at lalaban. Tayo, sa kasalukuyan, ay may misyong lumikha ng kasaysayan — na malilikha lamang kung tayo ay maghahanda at magpapasya na balikan ang lugar ng AS sa nakaraan at likhaing muli ito sa mga trahedya at moro-morong nauulit sa ating harapan.
Sa dalawang dekadang diktadura ni Marcos at anim na taon ni Duterte, maraming kinabukasan ang kanilang inagaw. Silang mga magsasaka, manggagawa, aktibista, at kapwa natin kabataan- estudyante. Hindi naman naiiba ang trajektori ni Marcos Jr. Tanging sa ating paninindigan at paglaban lang natin mababawi ang kinabukasan na kung hindi ay kanilang ipagkakait sa atin.
Ang militansiyang ipinamalas ng UP, mula sa mga mag-aaral hanggang komunidad, noong panahon ng Batas Militar, maging sa kasalukuyan, ay hindi lang pawang mga naratibo ng kasaysayan at ngayon. Bagkus, nagsisilbi itong saksi, pundasyon, at paalala sa umiigting na papel ng makabayang Konsensiya ng Bayan na kasabay ng pag-aaral ng lipunan ay nararapat ding baguhin ito nang ang kritisismo ay maging kongkretong pundasyon ng pagrerebolusyon.
Dibuho ni Kyla Buenaventura