Iniwan sa ulanan at putikan ang gamit ng mga guwardiya ng UP Diliman matapos ang biglaang paggiba ng kampuhan sa Quezon Hall na iniutos ni Vice Chancellor for Community Affairs Roehl Jamon kaninang umaga, Agosto 1, wala pang dalawang oras matapos maging bagong bise-tsanselor.Â
Giit ng mga guwardiya, hindi makatarungan ang demolisyon dahil maliban sa walang maayos na pasintabi o dayalogong isinagawa, isinabay pa ito sa malakas na pagbuhos ng ulan.
“Tinapat pa kasi ng tag-ulan. Kung giniba man sana yun, dapat mayroon nang mapaglilipatan kasi nandun pa yung mga gamit ng mga kasamahan naming mga guwardiya,” sabi ng isang guwardiya sa AS.
Kinunenda ng mga guwardiya ang biglaang paggiba dahil isinasantabi daw nito ang dahilan kung bakit higit isang taon nang nasa likod ang kampuhan ng Bulwagang Quezon: hanggang ngayon, hindi pa rin natatanggap ng mga guwardiya ang suweldo nila mula sa FEMJEG.Â
KONTEKSTO: https://sinag.press/news/2022/08/17/up-cuts-femjeg-contract-due-to-unpaid-wages/
Ayon sa UP Worker’s Alliance, walang nagawang pakiusap ang mga guwardiya nang dumating ang demolition team kaninang umaga, dahil nang tanungin si Jamon ukol sa demolisyon, sinabi niyang nanggaling mismo sa Tsanselor ang utos.
Ito ay sa kabila ng liham na pinadala ng Samahan ng Nagkakaisang Guwardiya (SNG) kay Tsanselor Vistan na nanghihingi ng dayalogo ukol sa kanilang mga panawagan.
Sa pahayag ng UPWA, sinabi nilang pawang kasinungalingan lamang ang sinasabing mayroong nagsusugal at nag-iinuman sa kampuhan, dahil hindi masabi ng Unibersidad ang totoong dahilan: “pangit ang hitsura ng kampuhan.”
“Napapangitan sila sa kampuhan dahil sumisimbolo ito ng hindi makatarungang polisiya na nagaganap sa loob mismo ng unibersidad — kontraktwalisasyon. Sumisimbolo din ang kampuhan na nagpapaalala sa Unibersidad na minsan ay nalusutan ang UP ng isang security agency na talamak sa kabulukan ang palakad sa paggawa,” anila.
Hinihintay pa ang tugon ng OVCCA ukol sa paggiba kaninang umaga. Tiniyak ng kanilang opisina na sasagutin ito ang mga tanong na ipinadala ng SINAG.
Umantabay para sa mga susunod pang ulat.
Ang larawan ay mula sa SNG