Malinaw ang primaryang pampolitikang tungkulin ng mamamayan sa halalan sa Mayo. Ito ay biguin ang tambalang Marcos-Duterte — ang pagsasanib-pwersa ng mga pinakamasasahol na magnanakaw at mamamatay-tao sa kasaysayan.
Hindi ito opinyon na dapat irespeto kundi isang katotohanang nilantad ng malagim nating kasaysayan. Produkto sila ng kanilang mga ama — Ferdinand Marcos Sr., ang diktador na naglugmok sa bansa sa utang sa loob ng 21 taon nitong paghahari-harian at si Rodrigo Duterte, ang tiranong nagpatupad ng mga programang mass murder sa esensya.
Subalit, hindi sila ang kanilang mga ama. Liban sa kalapastangan pa ng kanilang pamilya, mayroon silang sariling mga krimen at pagkukulang.
Ang hibla na nag-uugnay sa kanila sa mga ama nila, liban sa kanilang pagiging magkadugo, ay ang kanilang makauring interes. Malinaw na ang kanilang “UniTeam” ay para pagkaisahin ang naghaharing-uri na ipagtanggol ang kanilang mga pribadong pag-aari at yaman.
Ito ang dahilan kung bakit nais bumalik ng mga Marcos sa Malacañang noon pa man at kung bakit nais ng mga Duterte na manatili sa poder. Batid nila na tumitindi ang krisis panlipunan na nagtutulak sa mga mamamayan na maningil sa mga ugat nito. Hindi naman magkahiwalay ang paglubog ng bansa sa ilalim ni Marcos at Duterte. Mga kabanata lamang ito ng mahabang naratibo ng pang-aapi at pakikibaka.
At gaya ng anumang kwento, may bida at kontrabida. Hindi ito labanan lang ng mga Marcos at Robredo, ng mga loyalista o dilawan, o ng mga DDS o apologist at mga kakampink. Laban ito ng sambayanan sa tambalang Marcos-Duterte at sa mga kaalyado nitong Arroyo at Estrada. Ang isyung higit na malaki sa 2022 ay ang kinabukasan ng bawat Pilipino — kung hahayaan ba natin mangibabaw ang patayan, korapsyon, gutom, at kahirapan o magpapasya tayong wakasan ang mga ito.
Kaya kasinungalingang ibabangon nilang muli ang bayan kung ang mga ama nila, na kasabwat sila, ang dahilan ng ating pagkalugmok. Maaari nilang ipakalat ang disimpormasyon upang baguhin ang kwento ngunit hindi nito mababago ang katotohanang nakaukit na sa kasaysayan.
Pinatalsik ang mga Marcos dahil mga kriminal sila. Ngayon, handa ba tayong kriminal na naman ang magpapatupad ng batas?
Idagdag mo pa na walang plataporma si Marcos Jr. Hindi tayo mapapakain ng mga salitang “unity” o “tatay ko” ni Bongbong – isang malinaw na manipestasyon ng hungkag niyang mga plano at track record.
Isa ang Ilocos sa mga pinakamababa ang sahod ng mga manggagawa at maraming walang lupang mga magsasaka. Nasa 28 lang ang naipasang batas kahit matagal na sa Kongreso. Nagsinungaling din ito sa kanyang tinapos na degree at pagbabayad ng buwis. Isa rin siyang hamak na iwas-pusoy sa pagharap sa mga presidential interview at piniling magluto ng pinakbet o magninong sa kasal.
Hindi ito ang katangian ng pangulo na kayang mamuno para sa mamamayan. Hindi rin makakahalili sa kanya si Davao Mayor Sara Duterte-Carpio na nais tayong ipasabak lahat sa giyera kahit na duwag ang tatay niyang igiit ang kalayaan natin sa China at US. Kahit sandamakmak na mga pulpol, makinarya at rekurso (ang Guns, Goons, at Gold) ang alas nila, pagkakaisa naman ang sa taumbayan.
Sa kabila ng lahat ng kakagyatan, malayo dapat ang tanaw. Hindi nagtatapos ang katiting na demokrasya na mayroon tayo sa eleksyon. Isang labanan lamang ito.
Tandaan natin, dinaya ni Marcos ang snap elections noong 1986, ngunit nagpasya ang mamamayan sa demokrasya ng lansangan. Iyon ang rurok ng 21 taong pakikibaka sa mga lansangan, sa pamantasan, at larangan ng digmaan sa kanayunan.
Ang malinaw sa kasaysayan, walang diktador na nananatili magpakailanman sa kapangyarihan. Koalisyon ng iba’t ibang politikal na pwersa na nagkakaisa laban sa diktadura ang susi sa tagumpay ng pagpapatalsik sa kanila. Ito ang hamon sa oposisyon, na nagkakaisa sa likod ni Leni Robredo, na buuin ang pinakamalapad na pagkakaisa laban sa tambalang Marcos-Duterte ngayong 88 araw na lang at mataas pa rin ang anak ng mga diktador sa survey.
Hindi ang hungkag na pagkakaisa ni Marcos, kundi pagkakaisang nakabatay sa obhetibong interes ng mga mamamayan ang kailangan. Bigyan ng lupa ang mga magsasaka, trabaho at disenteng sahod ang mga manggagawa, ayuda at pag-unlad sa mga nasa laylayan, at isalba sa krisis ang mga panggitnang-uri.
Posible ang lahat ng ito kung ilalantad, ihihiwalay, at gagapiin ang tambalang Marcos-Duterte sa lahat ng prente.
Subalit sa huli, babalik tayo sa katotohanang nagmumula sa baril ang pampolitikang kapangyarihan. Nagpapatuloy ang rebolusyon sa bansa dahil nananatili ang ugat ng krisis panlipunan. Walang politikong magsasalba sa ating mga inaapi sapagkat ang ating kaligtasan ay nasa ating pagkilos lamang.
Gayunman, ang idinidikta ng obhetibong kondisyon ay pagkakaisa ng mga pwersa upang magtagumpay. Hindi ito pagsuko kundi isang hakbang paatras upang dalawang hakbang na sumulong. Babalik tayo sa katotohanang ang eleksyon ay laro ng mayayaman. Subalit, ang demokrasya ay nasa mamamayan. Wala tayong ilusyong magwawakas ang kahirapan sa eleksyon. Subalit, may militansya tayong sagupain ang mga pinakamasasahol na pasista na nagtatanggol sa lipunang tayo ay inaapi.
Ang mga pag-aaklas ay hindi lang nakasalalay sa gutom kundi pati sa mga pag-asa. Ito ang dugong dapat nananalaytay sa radikal na pagmamahal na nais biguin sina Marcos at Duterte sa Mayo.
#DefeatMarcosDuterte
Dibuho ni Kyla Buenaventura