Pumanaw na ang bilanggong pulitikal at magsasaka na si Antonio Molina sa edad na 67-anyos matapos ang pitong buwang pakikipaglaban sa Stage 4 stomach cancer sa Ospital ng Palawan kahapon, Nobyembre 18, dahil sa atake sa puso.
Isinugod si Molina sa ospital umaga nang Nobyembre 18 matapos maging kritikal ang kalagayan sa Puerto Princesa City Jail.
Marso nitong taon nang madiagnose si Molina ng abdominal wall sarcoma, o stomach cancer. Ilang beses nag-apela ang kanyang abogado at iba pang human rights groups sa Puerto Princesa Regional Trial Court (RTC) na palayan siya dahil sa lumalalang medikal na kondisyon.
Dagdag pa sa kanser, si Molina ay may iniindang diabetes, hypertension, slipped disc, at problema sa prostate. Tumigil sa pagpapa-chemotherapy si Molina nitong Setyembre dahil hindi na kinakaya ng kanyang katawan ang pagpapagamot.
Buhat ng lumalala ring pagkalat ng mga kaso ng COVID-19, pinagpanagawan din ng iba’t ibang sektor ang pagpapalaya kay Molina dahil lubusan itong bulnerable sa virus. Liban pa rito, si Molina ay nakararanas din ng panghaharas sa loob ng selda sa kabila ng malubhang sakit.
Pagdidiin ng grupong Karapatan-Timog Katagalugan (TK) na hindi pinagbigyan ng Puerto Princesa RTC Branch 51 ang kahit anumang apela para palayain si Molina upang maipagamot ang kanyang sakit.
“His advanced age and worsening medical condition warranted instant freedom, and was supported by church groups and human rights groups. But Judge [Ambrosio] de Luna handed Antonio Molina no morsel of empathy, and therefore Molina’s death sentence,” giit ng grupo.
Inaresto si Molina noong Oktubre 2019 sa patong-patong na gawa-gawang kaso ng murder, ilegal na pagmamay-ari ng pampasabog at armas, kasama ang anim pang mga aktibista sa Palawan, matapos silang pagbintangang mga kasapi ng NPA.
Kasama niyang inaresto noon sina Glendhyl Malabanan, Joemelito Tanilon, Ronces Paraguso, Jenny Ann Bautista, Awing Lumapat, at Bener Pimbuwan sa isang checkpoint sa Puerto Princesa.
Giit ng Tanggol Magsasaka-Timog Katagalugan na “sadyang bulok ang hudikatura sa bansa,” at isinaad ang pagiging malaya pa rin ni Imelda Marcos sa kabila ng pitong kaso nito ng graft. Dagdag pa nila ang mga kaso ng korapsyon nina Bong Revilla, Jinggoy Estrada, at Juan Ponce Enrile.
“Hangga’t hindi nagtatagumpay ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino ay marami pang Tatay Antonio Molina na mamamatay sa bilangguan at marami pang Marcos, Revilla, Estrada, at Enrile ang kakatigan ng bulok na hudikatura na dapat wakasan at singilin ng taumbayan ang mga bayaran at bulok na mga hukom,” ani Ka Orly Marcellana, panrehiyong tagapag-ugnay ng Tanggol Magsasaka.
Kilala si Molina sa pagiging masikhay nito sa pagkilos ng mga mga pesante sa Timog Katagalugan bilang kasapi ng grupong Katipunan ng mga Samahang Magsasaka sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK).
“Lagi naming gugunitain at ibabantayog sa aming puso ang kanyang pag-aalay ng panahon at buhay para sa kapakanan ng mamamayang Palaweño,” ayon sa Tanggol Magsasaka.
Si Molina ang ika-apat na bilanggong pulitikal mula sa rehiyon na namatay sa ilalim ng rehimeng Duterte at ang ika-anim naman na namatay ngayong pandemya.
Panawagan ng iba’t ibang grupo ang hustisya para kamatayan ni Molina.
Featured image courtesy of Student Christian Movement of the Philippines (SCMP).