Binyag sa apoy


Sabi nga sa kanta, “unang araw pa lang minahal na kita.” Subalit ang pagmamahal na ito ay paulit-ulit na huhubugin sa naglalagablab na hilera ng apoy kung saan pinapanday ang husay at dangal ninyong mga tinaguriang Iskolar ng Bayan.

Binyag sa apoy ang pagpasok sa kolehiyo. Tiyak rito ang sandamakmak na paghihirap. Iiyak ka sa mga exam at papers. Mamimili ka sa pagitan ng kape at tulog. Hahagulgol ka sa iyong unang heartbreak o sa pagdududa sa sarili. Kukuwestiyunin mo ang mga dahilan kung bakit ka nananatili rito at nagpapatuloy sa araw-araw na pagsugal.

Bahagi ang lahat ng iyan ng proseso. Okay lang naman na umiyak, magduda, at magsakripisyo. Basta’t balik-balikan mo lang ang mga dahilan kung bakit ka nagsimula. Para kanino at para saan ang giyang tanong na aangkla sa iyo sa realidad, sa gitna ng pangamba at kalungkutan. Sapagkat anurin man ng ragasa’t daluyong, ang bangkang may matibay na pagkapit ay hindi maitataob kundi matutulak na maglayag.

Ganyan ang kolehiyo para sa marami sa atin, sityo ito ng pagkilala sa ating mga sarili, kapwa, at bayan at paggagap sa lugar nating tila maliliit na alikabok sa malawak na uniberso ng mga bagay, relasyon, at posisyon. Kumbaga, ikaw ang bida at kontrabida sa college life mong mistulang pelikula na pinapalabas sa Cinemalaya.

Isa pa, huwag kang matakot na sumubok. Ang una mong rally, unang bagsak, unang pag-ibig, unang monster chops, una mong org, at marami pang iba ay aambag sa identidad na iyong nililikha. Sabi nga, entablado naman ang mundo at lahat tayo ay nagpapanggap. Rumampa ka, wala namang pumipigil sa iyo maski sa Acad Oval.

Huwag kang matakot na magtanong kung saan ang TBA. Huwag kang mahiya kung hindi mo alam ang derivatives at integrals kagaya ko. Huwag kang mangamba na walang sasalo sa iyo kung lasing ka na sa Maginhawa. Huwag kang mahiyang kausapin ang crush mo sa GE. Huwag kang magduda na hindi ka papasa o sasablay. Huwag kang kabahang alamin kung bakit nagpapatuloy ang rebolusyon sa kanayunan.

Bahagi ang lahat ng iyan ng bautismo sa apoy kung saan dumaraan ang lahat ng maningning na ginto gaya ng iyong pangarap. Subalit huwag kang mangarap ng para sa sarili mo lamang. Tandaan mo ikaw ay kapwa iskolar at iskolar ng bayan na may obligasyong paglingkuran ang sambayanan sa loob at labas nitong pamantasan.

Mas matanda pa sa iyo ang mga gusali at upuan na matagal nang saksi ng mga kasaysayan – Diliman Commune, EDSA Dos, Defend UP mob. Makisangkot ka sa paglikha ng kasaysayan. Bumaba sa toreng garing na nagsasalita nang walang alam at basagin ang ideyalismo na kaya mong baguhin ang mundo nang mag-isa.

Kumbaga sa binyag, itakwil mo na ang sinaunang kasalanan — ang pagkamakasarili na itinutulak sa iyo ng kapitalistang kultura, ang pagwawalang-bahala na iniukit sa iyong pagkatao, ang pagmamagaling nang bulag naman sa realidad. Mahaba-habang proseso rin iyan na kailangan kung naniniwala kang kayang mabago ang mga lipunan.

Hindi na lugar ang kolehiyo para manahimik at magsalsal ng teorya. Mas may kwenta pa nga raw ang tae ng kalabaw kaysa sa teoryang walang ambag sa pagbabagong panlipunan. Sa panahong ang agham panlipunan ay umaatras sa sementadong bulwagan, tumungo ka sa komunidad, pagawaan, at kanayunan. Pag-aralan mo ang lipunan at baguhin ito, kasama nilang kapwa mong nananalig sa balita ng kaligtasan.

Binabalaan na kita, hindi langit ang papasukin mo. Mas mukha pang nasa impyerno ang UP kaysa daigdig. Kanino mo iaalay ang kaluluwa mo: sa mapang-api o sa mapagpalaya? Sapat na ba ang iyong katahimikan o kulang pa ang iyong pag-iingay? Mananatili ka ba sa de-aircon na classroom o kukunin ang iyong edukasyon sa mga lugar na hindi pinupuntahan?

Hindi hiwalay ang UP sa mas malawak na lipunan ngunit dito, sa loob ng unibersidad, ay napakarami ang mga pantas na magsasaka, manggagawa, maralitang lunsod at kapwa mo akademiko na mag-aaral at guro rin ng masa. Handa ka bang sumama sa kanilang habambuhay na pag-aaral at pagsubok, buhay man ang ialay?

Kaya naman, sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., binibigyan ka sa apoy sa ngalan ng P22.3-bilyong budget cut, sa kaliwa’t kanang atake sa kalayaang akademiko, at sa ninanakaw nating kinabukasan. Sa huling suri, wala tayong maasahang manunubos dahil ang ating kaligtasan ay tanging nasa ating pagkilos. Naniniwala ka ba rito?

Kung gayon, humayo ka at magpakarami—manalig kayo sa kaluluwang mapag-aklas na esensya ng pagmamahal mo sa UP at papel nito sa panlipunang pagbabago.

#ServeThePeople

Featured image courtesy of Angelo Vince Marfil

First day fight rally para sa maka-estudyanteng palisiya, ikakasa bukas sa UP

Bawiin ang kinabukasan, lumaban at manindigan!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *