Wala parin ako sa UP. Hindi pa rin ako nakakatapak sa AS steps, nakakain sa Area 2, at nakakatambay sa Sunken. Nandito pa rin ako sa kwarto, nakatitig sa Google Classroom mag-isa.
Sa katunayan, hindi pa tapos ang first sem ko – nakikipagsagupaan pa rin ako sa semestre mag-isa. Nalulunod pa rin ako sa dami ng kailangan kong tapusin. Masakit na ang mata ko sa panonood ng walong linggo ng lektyur na sinisiksik ko sa dalawang araw. Nangangalay na ang kamay ko sa ilang papel na hanggang ngayon, hindi ko pa nga nakakalahati.
Kayo rin ba? Hindi ko alam kung matutuwa ako dahil may karamay ako, o malulungkot dahil pare-pareho tayong nalulugmok nang ganito.
Nakakatawang tuwing bago mag-umpisa ang panibagong pang-akademikong taon, excited akong mag-aral ulit. Wala akong new year’s resolution pero palaging may “new sem resolution.” Nangangako akong magbabasa na agad ako ng readings – o kahit man lang hindi ko na hahayaang matambakan ako. Nangangako akong makikinig na talaga sa kalse, o kahit man lang hindi magiging pala-absent. Iisa lang naman ang porma ng lahat ng pangakong ito: “pangako, gagawin ko na lahat ng sana ginawa ko na last sem.”
Punong-puno na rin ang Instagram reels ko ng masisipag mag-aral. Kung anu-anong “study hacks” na ang nasubukan ko galing sa paborito kong mga influencer. Kaya naman bago mag-umpisa ang first sem, may iced coffee na akong katabi lagi sa study table, aesthetic colors ang gamit para pleasing sa mata, may Notion pang-organize at para mai-track nang maayos ang mga deadlines at things to do.
Pero hindi pa nagsisimula ang sem, pagod na ako.
Anong bungad ng semestre sa atin? Ang kalbaryo ng CRS. Kung sino-sinong diyos-diyosan at anito na ang tinatawag ko tuwing enlistment. Sa kakaunting klase at mala-lotto na mito ng swerte sa CRS, mapapadasal ka na lang talaga. Hindi pa rin naaayos ang mga gusot sa sistema at ang kakulangan sa klase – palpak mula noon, palpak pa rin hanggang ngayon. Ang resulta nito — overworked na mga guro at underloaded na mga estudyante.
Pero syempre, sulong lamang tayo.
Sa mga unang buwan ng first sem, matagumpay ko pang nailalapat ang mga natutuhan ko sa social media. Natutupad ang mga “new sem resolution” ko: hindi ako tinatamad, laging umaattend sa synchronous classes, at masipag pang magsulat ng notes habang nagkaklase. Akala mo talaga hindi nagkandahilo-hilo sa nangyaring enlistment.
Pero gaya lagi, gaya ng nangyayari bawat sem, sa bawat pagsulong, laging may humahatak paurong.
Hindi matagal bago makaranas ng burnout. Mahirap na kalaban ang sarili,lalo na kung gusto talagang umunlad. Dahil hindi pa rin tuluyang bumabalik sa face-to-face classes at palpak ang sistemang hybrid, ang hirap makisabay. Lahat ay nahihirapang mag-adjust sa transisyong ito, mapa-guro man o estudyante. Sabi nga ng Moonstar88 sa Migraine,, “nahihilo, nalilito.” Palaki nang palaki ang backlogs, parami nang parami ang listahan ng dapat gawin. Hindi rin nababawasan ang pagod at stress sa paulit-ulit na pag-aadjust.
Kahit paano, nairaos ang unang bahagi ng first sem. Naigapang ang mga kailangang gawin na requirements. Pero dahil na-lift ang academic ease policies, mas naging mahirap at mabigat ang mga dapat gawin. Pagdating ng huling dalawang buwan ng semestre, damang-dama na ang kakaibang bigat at pinatinding problema ng sistemang hindi pa ganap na face-to-face.
Kayo rin ba?
Umabot din ba kayo sa puntong Noche Buena na, pero walang iniisip kundi paano makakapasa sa isang klase? Tumutunganga na lang ba kayo minsan, hindi alam ang gagawin, dahil hindi alam kung saan magsisimula sa mahabang listahan ng ipapasa? Napatanong na rin ba kayo: “matatapos ko ba ang sem, o tatapusin na ako nito?”
Kung oo, sigurado akong nakokonsensiya rin kayo sa pagpapahinga. Na tila ba bawat minutong lumilipas na hindi ka gumagawa ng requirements para magpahinga ay isang aksaya. Na mas maigi siguro kung nilaan mo ‘yung sobrang 30 minuto ng tulog mo para magpasa ng gawain. Kahit ang simple at maikling oras ng pagpikit, parang ilegal kung gawin.
Para saan pa ang New Year – paano iihip ng torotot at manonood ng paputok – kung bitbit mo pa rin ang bigat at pagod ng nagdaang taon dahil sa dami ng backlogs mo?
At bago mo pa matapos ang sem na ‘to, binabangga ka na ng second sem enlistment. Para bang ginigitgit ka ng mga gawain mo ngayon at ng sandamakmak pang gawaing paparating. Mapapatanong ka na lang talaga kung kailan ba matatapos ang lahat ng paghihirap na ito.
Pero narito ako, sumusulat, upang ipaalam sa’yo na hindi ka nag-iisa. HIndi masama para sa ating magpahinga. Hindi masama o mali na pumikit saglit at huwag isipin ang mga dapat gawin. Okay lang kung hindi ka kasing-bilis gumawa ng iba. Kung nagpapasa ka lang ilang minuto lang bago mag-11:59. Okay lang kung hindi ka palaging “at your best.”
Hindi ka nag-iisa sa kalbaryong ito. Hindi ko alam kung nakakagaan ba ‘yun ng pakiramdam pero gusto kong iparating na karamay mo ako. Karamay mo ang maraming estudyanteng iginagapang na lang na matapos ang sem na ito.
At alam kong hindi rin ako nag-iisa sa pangarap kong hindi na maging mag-isa.
Makakapasok din tayo sa UP. Makakatapak din tayo sa AS steps, makakakain sa Area 2, at makakatambay sa sunken. Matatapos din itong pagkakakulong sa likod ng mga laptop, at sama-sama tayong makikibaka para sa paglaya natin sa bulok at pahirap na tipo ng edukasyon.
Hindi ako mag-isang nangangarap at humihiling ng isang ligtas na balik eskwela, dahil alam kong ito ang tatapos sa nararamdaman kong pag-iisa.
Kaya patuloy ang paglaban natin para dito. Patuloy ang pagkalampag para sa pagbabalik sa mga silid-aralan at pagtiyak na walang estudyanteng maiiwan.
Kaya ikaw na nagbabasa nito ngayon, hindi ka mag-isa sa hirap ng pinagdadaanan mo. Hindi ka mag-isang nahihirapan kumuha ng units, makaranas ng burnout at mental health problems, at nahihirapang mag-adjust sa kasalukuyang learning setup. Hindi ka mag-isa. Karamay at kasama mo kami.
Kaya naman, maging sa tagumpay, sama-sama tayo – hindi lamang sa semestreng ito, kundi pati sa pagtapos sa kolektibong pag-iisa. Hindi man mawawala nang basta-basta ang problema, kapit-bisig na natin itong haharapin at pagtatagumpayan – sa klasrum man o sa lansangan.
#LigtasNaBalikEskwela
Featured image courtesy of Johannes Hong