Iginiit ng Save Our Schools (SOS) Network na minasaker, taliwas sa sinasabing engkwentro, ng 10th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang #NewBataan5 matapos ilabas ang preliminary autopsy findings sa labi ni Chad Booc na isinagawa noong Marso 7.
TINGNAN: http://bitly.ws/pc5Q
Batay sa preliminary findings ni Dr. Raquel Fortun, isang forensic pathologist, natamo ni Booc ang maraming sugat mula sa putol ng bala sa kanyang katawan na nagdulot ng agarang kamatayan.
“There were internal hemorrhages with lacerations of the lungs, diaphragm, liver, spleen, stomach, intestines, right kidney, and right adrenal gland. There were fractures of some ribs (right 8th, 9th, and 11th) and thoracic vertebrae (5th, 6th, 7th, and 8th). The spinal cord was transected,” paliwanag ni Dr. Fortun
Mayroon ding sugat dulot ng bala sa kanang siko na mayroong bali sa distal humerus, proximal radius, at ulna.
Pagsasaad ni Dr. Fortun, homicide ang nangyari kay Booc. Aniya, may intensyong patayin ang nangyari kay Booc.
Dahil preliminary autopsy pa lamang, patuloy pa ring pag-aaralan ang labi ni Booc sa tulong na rin ng mas marami pang impormasyon at ebidensya.
Sa isang press statement ng SOS ukol sa inilabas na preliminary autopsy findings na inilathala ni Prof. Tony La Viña, mas tumindi ang paniniwala ng SOS na walang habas ngang pinatay ng mga sundalo si Booc pati na rin sina Gelejurain “Jurain” Ngujo II, Elegyn Balonga, Robert Aragon at Tirso Añar.
Maalalang pinaslang ang lima ng mga tropa ng 10th Infantry Division Philippine Army noong Pebrero 24 nang gabi habang pauwi mula sa isang research work sa New Bataan, Davao de Oro.
Bagaman wala pang opisyal na autopsy, mapapansin nagtamo rin ng kahalintulad na mga sugat at tama ng bala sina Jurain at Elegyn batay sa inisyal na obserbasyon ng kanilang mga pamilya.
Nagtamo ng maraming sugat at pasa sulot ng mga putok ng baril si Ngujo. Tuklap rin ang ilang bahagi ng kanyang balat sa tiyan at kanang hita.
Putol mula ilang pulgada mula sa tuhod ang kaliwang binti ni Balonga, at putol rin ang kanyang kanang paa mula sa bukong-bukong. Binaril din siya sa kanang tuhod at sa ibaba ng kanang siko. Lapnos ang kanyang panga, at puro pasa ang kanyang nose bridge. Namuo rin ang dugo sa kanyang daliri.
Pagdidiin ng SOS, kapansin-pansing overkill ang ginawa sa mga biktima. Maliban dito, kapansin-pansing walang kalaban-laban ang lima. Kaya anila, kaduda-duda ang naratibo ng AFP na “encounter” umano sa pagitan ng mga sundalo at NPA ang naganap.
Maaalalang nauna nang iniulat ng mga residente ng Brgy. Andap, New Bataan, Davao de Oro na walang naganap na encounter sa pagitan ng AFP at NPA sa kanilang lugar. Pinabulaan din ito ng yunit ng NPA na nakakasaklaw sa lugar
BASAHIN: http://bitly.ws/oSeG
Kinokondena rin ng SOS ang pagpaparada ng mga sundalo sa limang labi na “waring mga tropeo,” at pag-antala sa mga labi para makuha ng mga pamilya.
“With this new development, the Save Our Schools Network, friends, families, and fellow advocates urgently call for the Commission on Human Rights and other independent bodies locally, nationally, and internationally to conduct a swift, impartial and thorough investigation of the New Bataan 5 massacre. We also call on all supporters and allies to amplify our search for justice,” panawagan ng SOS.
Maaaring makiisa sa panawagan dito: http://bitly.ws/p5KS
Tumatanggap rin ng pinansyal na tulong ang mga pamilya ng mga biktima: http://bitly.ws/p5KW
#JusticeForNewBataan5
#AFPYouCanTrash
Featured image courtesy of Rappler.