Maraming grupo ng kabataan at iba’t ibang sektor ang nagbibigay-suporta kina senatorial aspirant Neri Colmenares at Elmer “Ka Bong” Labog na mapasama sa mga kandidatong ieendorso ng koalisyong 1Sambayan sa kanilang senatorial slate ngayong Biyernes, Enero 28.
Kahapon, umingay sa social media ang mga hashtag na #IsamaSiNeriAtKaBong para kumbinsihin ang koalisyong maisama ang dalawang hindi pasok sa listahan ni presidentiable Leni Robredo.
Giit ng mga tagasuporta nila, kailangang ng representasyon sa Senado na magsusulong ng mga progresibo at makamamamayang pagbabago sa banta ng tambalang Duterte-Marcos.
Neri Colmenares: Ang Fighter ng Bayan
Isang batikang human rights lawyer at kritiko ng administrasyong Duterte si Neri Colmenares. Naging biktima rin ng pag-aresto at tortyur si Colmenares noong Batas Militar sa pagtuligsa niya sa mapanupil na administrasyong Marcos.
Nagtapos si Colmenares ng Abogasya sa UP College of Law at Ekonomiks sa San Beda College. Naging PhD in Law candidate din siya sa University of Melbourne sa Australia.
Nagsilbi si Colmenares bilang kongresista ng Bayan Muna Party-list mula 2009 hanggang 2016. Bunga ng kaniyang karanasan at nasaksihang paglabag sa mga karapatang pantao noong Batas Militar, itinaguyod niya ang mga batas gaya ng Anti-Torture Law, Anti-Enforced Disappearance Law, at Human Rights Reparation Act.
Isa rin siya sa may-akda ng Free Mobile Disasters Alert Law na nagmamandato sa telecommunication service providers na magpadala ng libreng mobile alerts sa panahon ng kalamidad. Ipinanukala rin niya ang Anti-Political Dynasty Act of 2013 at tinutulan ang mga anti-mamamayang batas tulad ng Rice Tariffication Law, TRAIN Law, at Anti-Terrorism Law.
Ilan sa mga plataporma ni Colmenares ang pagwawakas sa kontraktwalisasyon o endo, pagsusulong ng pambansang minimum wage na P750, pagtatanggol sa pambansang soberanya kontra sa panghihimasok ng Tsina at US sa West Philippine Sea, pagtataguyod ng libre, de-kalidad at aksesibleng public health sa lahat, at pagpapanagot kay Pangulong Duterte sa madugo nitong giyera kontra droga at iba pang krimen.
Sa kasalukuyan, si Colmenares ang tagapangulo ng National Union of People’s Lawyer (NUPL) na nagbibigay ng libreng serbisyong legal sa mga inaapi at sinusupil. Siya rin ang tagapangulo ng Koalisyong Makabayan na nagnomina sa lider-manggagawang si Ka Bong Labog na tumakbo sa pagka-senador.
Ka Bong Labog: Sa Manggagawa, may magagawa
Tagapangulo naman si Elmer “Ka Bong” Labog ng Kilusang Mayo Uno (KMU), isang labor center na nagsusulong ng interes at karapatan ng mga manggagawa.
Nag-aral ng kursong Forestry si Labog sa Unibersidad ng Pilipinas – Los Baños (UPLB) at UP Diliman. Noong Batas Militar, naging bilanggong politikal at naging kasapi siya noon ng Samahang Demokratikong Kabataan (SDK) at Student Catholic Association (SCA).
Kasabay nito, naging working student si Labog bilang supervisor sa Hotel Hilton para matustusan ang pag-aaral. Dito siya namulat sa hindi makatarungang relasyon sa pagitan ng amo’t empleyado, at kalauna’y naging unyonista’t organisador ng mga manggagawa sa KMU.
Nagsilbi siya sa maraming posisyon sa KMU bago naging tagapangulo nito. Natulungan din niya na iorganisa ang mga manggagawa ng Bataan Export Processing Zone, Paper Industries Corporation of the Philippines, at mga mangingisda ng Pangasinan.
Bilang senador, itataguyod ni Labog ang mga batas hinggil sa paid pandemic leave, taas-pasahod sa mga manggagawa, pagwawakas ng endo, pagkakaroon ng pambansang minimum wage na P750, pagbibigay-prayoridad sa occupational health and safety, pagkakaroon ng worker’s pension fund mula sa pamahalaan nang walang pagkaltas sa kanilang sahod, at tunay na repormang agraryo.
Pagbabagong Makabayan
Bitbit ng mga kandidato ng Makabayan bloc ang pitong-puntong platapormang Pagbabagong Makabayan.
- Komprehensibo at makataong tugon sa pandemya
- Tunay na pag-unlad ng mamamayan
- Karapatang pantao, hustisya, at demokrasya
- Peace talks at makatarungang kapayapaan
- Laban sa korapsyon at para sa mabuting pamamahala
- Repormang elektoral
- Pambansang interes at soberanya
Suporta sa Tambalang LabCo
Dahil na rin sa track record at plataporma nila, bumuhos ang suporta para kina Colmenares at Labog upang mapabilang sa senatorial slate na ieendorso ng 1Sambayan.
Isa sa nagpahayag ng suporta ang Kabataan Partylist. Anila, taglay nina Colmenares at Labog ang matagal na karanasan sa pagsusulong ng mga panawagan ng masa, kaya naman karapat-dapat silang suportahan sa darating na eleksyon.
“Kailangan natin ng mga senador mula sa hanay ng karaniwang tao at matagal nang kasama ng masa!” giit ng Kabataan Partylist.
“Sama-sama nating biguin ang pagkapit sa pwesto ng mga magnanakaw, sinungaling, mamamatay-tao at pahirap sa Halalan 2022,” dagdag nila.
Natatanging kinatawan ng mga kabataan sa Kongreso ang Kabataan Partylist. Muli silang sasabak sa darating na halalan upang maipagpatuloy ang pagsusulong ng ligtas na balik-eskwela at iba pang interes ng mga kabataan.
Nagdeklara rin ng suporta ang National Union of Students of the Philippines (NUSP) sa pagtakbo nina Colmenares at Labog.
“Sinusuportahan ng mga progresibong estudyante ang senatorial bid ni Ka Bong Labog at Atty. Neri Colmenares. Ipagwagi ang mga progresibong kandidato sa Senado!” pahayag ng NUSP sa isang Facebook post.
Para naman kay Pao Rico, tagapagsalita ng League of Filipino Students – CSSP, tunay na representasyon ng masang Pilipino sa Senado ang bibitbitin nina Colmenares at Labog sa pagkapanalo nila sa Senado.
“Kay Ka Bong at Neri, tinig ng sambayanang Pilipino ang mangingibabaw. Ipaglalaban nila ang karapatan ng bawat mamamayan, wawakasan ang Endo, isusulong ang public health para sa lahat, at bibigyang hustisya ang mga biktima ng karahasan,” saad ni Rico.
“Ngayong nananalaytay ang pandarahas at pandarambong sa masang Pilipino ng alyansang Marcos-Duterte-Arroyo, mahalaga na magkaroon tayo ng lingkod na gaya nina Neri Colmenares at Elmer Bong Labog sa Senado ngayong 2022,” dagdag pa niya.
Mamayang 7pm, pormal na iaanunsyo ng 1Sambayan ang mga ieendorsong kandidato nito sa pagkasenador. Maaaring antabayanan ang magiging anunsyo sa kanilang opisyal na Facebook page at YouTube channel.
#WeWantNeri
#WeWantKaBong
#LabCoSaSenado
Featured image by Trendsmap