Kahit ilang semestre pa ang lumipas, magpapatuloy lamang ang paghihirap ng mga guro sa kanilang trabaho sa kasalukuyang sistema ng edukasyon ngayong pandemya. Bunsod ng remote learning, sari-saring pagkukulang ang palaging dulot nito sa bawat birtwal na klasrum, tulad ng kakulangan sa interaksyon ng guro at estudyante at matinong koneksyon sa internet.
Ngunit, pilit itong pinapatugon kaagad sa mga guro sapagkat hindi pinapayagan ng isang neoliberal na sistema ng edukasyon ang pagtigil ng mga klase kahit na may pandemya. Sa halip na isaalang-alang ang kapakanan ng mga pinamumunuan nito, nananatiling prayoridad ng mga Unibersidad ang pagkakaroon ng mga gradweyt at mga nailimbag na pananaliksik upang matumbasan ang pangangailangang itinatakda rito ng komersyalisadong edukasyon.
Sa kaso ni Propesor Francisco Jayme Guiang, hindi naiiba ang kanyang karanasan mula sa ibang gurong nakikipagsapalaran sa hamon ng pagtuturo sa kalagitnaan ng pandemya. Bagaman isang taon na ang lumipas, hindi pa rin magawang maging komportable ni Prop. Guiang sa kasalukuyang sistema ng edukasyon, lalo na’t tinatanggal nito ang makataong aspeto ng pagtuturo.
“Remote learning is more difficult because you remove the human connection between students and teacher. Residential instruction allows us to see and feel if students find it difficult to cope with the lectures. Remote learning does not provide that unless you directly ask the students how they feel or how they cope,” paliwanag ni Prop. Guiang.
Bagaman sinusubukan niyang mas maging malapit, hindi pa rin ito madali kay Prop. Guiang dahil hindi niya pwedeng pilitin ang kanyang mga estudyante na magbukas ng kamera at mikropono tuwing klase. Liban dito, pinoproblema niya rin ang pag-abot mismo sa kanyang mga estudyanteng hindi talaga makadalo sa klase, buhat ng kawalan ng sapat na kagamitan o maayos na internet na kinakailangan sa remote learning.
“I observe that students are getting tired of the current set-up; a term that comes to mind is “Zoom-fatigued.” This is very stressful for teachers because, at least for me, I feel that they are left behind in this type of set-up,” hinaing ni Prop. Guiang.
Hindi na bago ang usapin ng mga estudyanteng napag-iiwanan ngayong pandemya, ngunit matatag ang mga institusyong pang-edukasyon sa hindi pagtanggap ng mga panawagan ukol dito. Sa halip, pilit nilang ipinapasa sa mga kaguruan ang responsibilidad na siguruhin ang kapakanan at kakayahan ng mga mag-aaral sa kalagitnaan ng mga krisis ng lipunan.
Walang pagkukulang ang karamihan ng mga guro sa kanilang trabaho, lalo na’t hindi rin madali para sa kanila ang ganitong sistema ng edukasyon. Para sa klase ni Prop. Guiang, hindi kailangan ang pagdalo sa bawat klase habang nakatakda sa dulo ng semestre ang pasahan ng kanyang kaunting gawain para sa mga estudyante.
“I always remind my students to attend to immediate concerns first like their safety during the pandemic and assuring their mental well-being,” ayon kay Prop. Guiang. Dahil sa kagustuhan ng pamantasan, hinihiling sa mga guro ang responsibilidad na kumustahin at intindihin ang kalagayan ng bawat mag-aaral.
Sa loob ng UP, inaatasan ang mga guro na maging maunawain sa mga estudyante—“to be compassionate towards students”—tuwing nagbababa ng memorandum ang administrasyon ng pamantasan. Isang kabalintunaan ang instruksyong ito para sa administrasyon ng UP na ayaw makinig sa kalagayan ng mga pinamumunuan nito, at sa halip ay kumakapit lamang sa mga mababaw na solusyon tulad ng isang linggong pahinga mula sa pagkaklase.
Sa kabilang dako, binibigyan din ng administrasyon ng UP ang mga gurong tulad ni Prop. Guiang ng iba’t ibang porma ng suporta upang magampanan nila ang kanilang mga trabaho, tulad ng pagpapahiram ng kompyuter, load para sa internet, at iba’t ibang seminar tungkol sa remote learning o kalusugang pangkaisipan. Subalit, nakapagtataka ang ganitong kakayahan ng unibersidad kung ikukumpara ito sa napabalitang hindi pagbabayad nito sa mga gurong kontraktwal ng UP nitong nakaraang taon.
Buhat nito, mahihinuhang hindi madali ang pagiging isang guro ngayong pandemya, at hindi nakatutulong dito ang pinapasan nilang tungkulin ng mga institusyong pang-edukasyon at administrasyong Duterte. Dagdag pa rito, ang mga hamon ng mag-aaral sa remote learning ay hamon din sa mga guro, gaya na lamang ng pag-aatupag sa pananaliksik na hinihiling sa kanila ng unibersidad.
Bagaman unti-unti nang nasasanay, inamin ni Prop. Guiang na isang hamon ang pagsasagawa ng riserts sa kalagitnaan ng pandemya dahil sa kakulangan sa mga sanggunian. Bilang isang historyador, karamihan ng mga libro at dokumentong kinakailangan niya sa kanyang pag-aaral ay naiwan sa unibersidad o mahirap hanapin sa internet. Kaakibat ng pagtuturo, hindi itinanggi ni Prop. Guiang ang madalas na isinasantabing kahirapang dala ng nagpapatong-patong na trabaho at tungkulin sa kanilang buhay bilang guro.
“All of these add up to mental stress which is often neglected. Strains to mental well-being is often the case in the context of this pandemic,” sambit Prop. Guiang.
Hangga’t hindi natutugunan ang kasalukuyang sistema ng edukasyon, mananatiling hindi makatao ang mga nakaatang na responsibilidad sa isang guro, sa loob o labas man ng klase. Bagaman pilit na sasanayin ng isang guro ang sarili, hindi pa rin magiging sapat ang kanilang sariling pagsisikap sa pagtugon sa sistematikong problema ng edukasyon sa bansa.
“Teaching in this set-up has been very difficult in the beginning when UP began to shift to remote learning. The current semester, though has objectively improved compared to the last semesters, is nonetheless challenging,” kwento ni Prop. Guiang.
Sa puno’t dulo nito, nasa kamay ng pamahalaan ang mga rekurso upang masolusyunan ang mga problemang kinakaharap ng sektor ng edukasyon ngayon. Bagaman simpleng pakinggan, magiging malaking tulong na ang simpleng paglalaan ng mas malaking pondo para dito ng gobyerno, at ito rin ang obserbasyon ni Prop. Guiang.
“This pandemic has also exposed the flaws in the education system, especially that concerning modernization and integration of technology in learning. Moving forward, the government has to give priority to the education sector not only in providing more budget for educational institutions but also the budget to adapt to the “new normal” which is the inevitability of remote learning modes,” ani ni Prop. Guiang.
Subalit, hindi kasing dali ng pagsabi nito ang pakikipagtunggali para makamit ang panawagang ito. Sapagkat nananatiling baluktot ang prayoridad ng rehimeng Duterte para sa edukasyon, lumilitaw lamang ang kanilang pagkiling sa bulok na oryentasyon ng edukasyon sa bansa.
Bunsod nito, matatanaw rin sa mismong aksyon ng gobyerno ang kanilang pagbabalewala sa mga guro at mag-aaral ngayong pandemya. Umuugong pa rin ang panawagang bigyan ng mas malaking pondo ang edukasyon gamit ang P19-milyong pondong inilaan sa NTF-ELCAC, na walang habas sa pangre-red tag ng mga guro at estudyanteng kritikal sa administrasyon.
Liban dito, isang manipestasyon din ang pangangailangan pa ng isang petisyon mula sa Alliance of Concerned Teachers upang guro maging kabilang ang mga guro sa listahan ng mga unang makakatanggap ng bakuna para sa COVID-19. Kasabay nitong lahat, patuloy na tumataas ang utang ng bansa habang dumadami pa rin ang bilang ng mga nawawalan ng trabaho at nahahawa sa COVID-19.
Sa ganitong pagtanaw, hindi talaga nalalayo ang mga problemang kinakaharap ng mga guro sa kanilang mga mag-aaral. Biktima lamang din ang lahat sa pamahalaan at ang pinapairal nitong komersyalisado, kolonyal, at anti-demokratikong sistema ng edukasyon.
Dahil dito, hindi nararapat na pagbanggain ang mga ibinabaka ng mga guro at mga mag-aaral. Mahalaga ang pagkakaisa nitong dalawang sektor para sa pagpapanagot sa administrasyong Duterte at mga institusyong pang-edukasyon na alila nito. Upang maitagumpay ang panawagang #LigtasNaBalikEskwela, hindi pwedeng mawala ang hanay ng mga gurong tumutugon at lumalaban sa hamon ng panahon.
*Unang inilathala noong Mayo 23, 2021
Featured image courtesy of DepEd