Inanunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) na layon na nilang tapusin ngayong linggo ang kanilang pagtatalaga ng mga “red areas of concerns,” o mga lugar na nakararanas ng karahasan kaugnay sa halalan.
Ani COMELEC spokesman James Jimenez ay inaasahan ding maglalabas ng listahan ang komisyon ng mga “areas under concern.” Ang paunang listahan ay natanggap ng Komisyon mula sa Philippine National Police (PNP).
“We respect the findings of the PNP and we believe that there is basis for their findings, it’s just that we have to cross-check with our people on the ground regarding the situation, also to decide what the appropriate response of the commission will be,” pahayag ni Jimenez.
Ang mga lugar ay minamarkahan ng: luntian (green) kung payapa ito; dilaw (yellow) kung may mga nakaraang insidente kaugnay sa halalan; kahel (orange) kung may mga nakaraang insidente kaugnay sa halalan at may banta ng mga armadong grupo; at pula (red) kung may kasaysayan ng karahasan.
Ayon kay DILG Kalihim Eduardo Año ay mayroong 105 munisipalidad at 15 lungsod na itinuturing na red areas of concerns. Ang mga lugar na ito ay maaaring ipasailalim sa pamamahala ng COMELEC.
Ani Jimenez ay magiging “magaan” sila sa pangangasiwa upang maiwasan ang pang-aabala sa mga lokalidad.
Samantala, ika ng hepe ng PNP, Police Gen. Dionardo Carlos, ay naglunsad na sila ng mga karagdagang Regional Special Operations Task Group (RSOTG) sa ilang election areas under concern, kabilang ang Samar at Masbate — sa “pagpapanatili ng kaayusan at pag-iwas sa mga tunggaliang pampulitika.”
Kalakip nito, lalo namang naging talamak ang mga pag-atake sa mga lider at kasapi ng ilang pang-masang grupo at panghihimasok ng mga pwersa ng militar sa ilang komunidad. Saad ng ilang mga grupong pangkarapatang pantao’t mga kritiko, may kaugnayan sa eleksyon ang mga nakaraang pag-atake’t karahasan.
Marso 12 nang tangkaing barilin si Amalia “Ate Bebang” Alcantara, lider-masa ng Nagkakaisang Residente ng Pook Malinis (NAREPOMA) at Kariton ng Maralita Network, ng dalawang ‘di kilalang lalaki sa Diliman. Bago pa man ang insidente, ay tinitiktik at nireredtag na ng PNP-CIDG ang mga miyembro ng Pook Malinis.
TINGNAN: https://www.facebook.com/csspsinag/posts/3252618671624386
Nitong Abril 1, inaresto sa kaniyang tahanan ang magsasakang si Nemfa Delima sa Canlaon City, Negros Oriental, ayon sa ulat ng Paghimutad. Kasabay nito, pinanghimasukan ng mga pwersa ng estado ang tahanan ni Noel Montefalco, ngunit kinuha ang kaniyang kapatid na may kapansanan dahil wala siya noong mga oras na iyon.
Marso 29 naman, sa Talk to the People ni Pangulong Duterte, ay tahasang niredtag nito ang Makabayan bloc (binubuo ng mga party-list ng Makabayan na Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, ACT Teachers, at Gabriela) at tinawag na “legal fronts” umano ng CPP-NPA. Napatunayang walang matibay na ebidensya ang akusasyon.
Malakas itong kinundena ng Makabayan at pinagdiinang hindi ito ang dapat na pinagkakaabalahan ng administrasyong Duterte sa gitna ng krisis sa bayan, hudyat ng nagtataasang presyo ng langis at bilihin.
Anila, mas mainam na bigyang-pansin at tugunan ang kahingian ng mga mamamayan para sa nakabubuhay na sahod, pagsuspinde sa excise tax, at pamamahagi ng ayuda kesa sa malawakan nitong panreredtag sa mga kritiko ng administrasyon.
TINGNAN: https://sinag.press/news/2022/03/30/hindi-legal-front-ng-cpp-npa-ang-makabayan-bloc/
Noong Setyembre 2021, pinetisyon ng NTF-ELCAC na kanselahin ang rehistrasyon ng Kabataan Party-list at Gabriela sa paglahok nito sa halalan. Ito naman ay nilabanan ng mga partido at sumulong pa rin sa pagtakbo ngayong eleksyon.
Nanawagan naman ang Anakpawis Party-list sa administrasyong Duterte matapos dahasin noong Marso ang mga lider at kasapi nito sa Timog Katagalugan. Kanilang ikinalampag ang pagkilala sa “karapatan sa malayang halalan at pangangampanya, at iba pang demokratikong kalayaan.”
Ito ay matapos idawit si Vice Chairperson Joel “Ka Bong” Salabania ng Cavite Chapter ng partido sa drug operations ng PDEA, kung saan siya ay “sinaktan at pinutukan ng baril” sa loob ng kanilang bahay.
Giit ng Anakpawis ay kilala si Salabania sa kanilang lugar bilang lider ng grupo, at hindi ito sangkot sa iligal na droga.
Itinala rin ng grupo ang mga kamakailang pang-aabuso sa mga lider nito sa iba’t ibang panig ng bansa; mula sa paniniktik o surveillance, sa walang habas na panreredtag, maging sa pag-aresto ng “walang warrant.”
Ayon kay Ariel Casilao, National President ng Anakpawis, ang pangingialam ng mga pulis at militar at ng rehimeng Duterte ay isang “pananabotahe” sa malayang halalan. Aniya, “sistematiko” ang pag-atake sa grupo.
“Malinaw na takot na takot ang mga pasistang magtagumpay ang Anakpawis at makaupo muli sa kongreso dahil alam nilang tunay ang pagtataguyod nito ng interes ng mga maralita na lupa, sahod, trabaho, paninirahan, at karapatan,” giit ni Casilao.
Ani Carlos na mahigpit itong nakikipag-ugnayan sa PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine Coast Guard (PCG).
Sa kabila ng umano’y layuning panatilihin ang kapayapaan at kaayusan habang papalapit ang eleksyon, patuloy na lumalala ang karahasan sa mga mamamayan, kabilang na ang mga naunang nabanggit na mga pag-atake, ilegal na mga pag-aresto, paniniktik, at pandarahas.
Featured image courtesy of SOPA Images