Full on-site reporting, hindi epektibo


Alinsunod sa Department of Education (DepEd) Memo No. 29, series of 2022, o ang “Work Arrangements in the Department of Education During the Imposition of Alert Level 1 System for COVID 19 Response,” ang mga pampublikong guro at iba pang mga empleyado ng mga paaralan ay kinakailangang magsagawa ng on-site reporting simula kahapon, Abril 18.

Umani ito ng iba’t ibang reaksyon at pagkukundena buhat ng hindi nito pagiging epektibong pagtugon sa kasalukuyang sitwasyon ng mga guro, habang kasalukuyan pa ring nasa online set-up ang mga mag-aaral.

Sa isang post ng ACT Teachers Party-list para kamustahin ang unang araw ng polisiya, madami ang nagpahayag ng pagkadismaya at pangamba.

Marami ang nag-komento na impraktikal at ilohikal ang patakarang ito ng DepEd. Bagaman masaya ang mga guro sa umanong pagbabalik-eskwela, hindi maikailang mahirap at hindi-ligtas ang kanilang karanasan sa unang araw nito. 

Maliban sa hirap sa pag-byahe, dagdag gastos, at banta sa kalusugan, nagkaroon din ng problema sa koneksyon sa internet pati sa mga kagamitan sa paaralan. 

Ayon sa ilang guro, mas naging produktibo pa ang kanilang pagtuturo at pagtatrabaho sa work-from-home (WFH) na set up. 

Sa panayam sa isang guro sa isang senior high school sa Quezon City, sinabi niyang hindi maganda ang biglaang implementasyong ito. “Hindi maganda ang implementasyon. Maski ang eskwelahan ginamit na eksperimento ang guro,” aniya. 

Binanggit niya ang mga problemang kinaharap sa kanyang unang araw ng on-site reporting. Kabilang dito ang pagbagal ng internet na gamit sa paaralan dahil marami silang gumagamit nito.

Kalakip nito ang kawalan ng maayos na pwesto o kwarto para maayos na makapagturo buhat na rin ng kakulangan sa pasilidad at kagamitan para sa onsite reporting kasabay ng online learning.

Dagdag pa niya na walang magandang dulot ang pag-ulat ng mga guro sa paaralan kung asynchronous naman ang klase buong araw. 

Idineklara rin ng DepEd na walang pasok ang mga estudyante sa Mayo 2-13 para sa mga “election-related activities” ngunit kailangan pa ring magreport ng mga guro sa paaralan, bagay na ikinadismaya ng ACT dahil anila, ang tungkulin ng guro ay “magturo sa mga estudyante” at hindi sila makakapagturo kung wala namang pasok.

Iginiit ng guro na ikonsidera ng DepEd ang top-down approach pagdating sa general guidelines at bottom-up approach kung idadagdag ang eskwelahan para maging mas maayos at inklusibo ang on-site reporting.

Kaisa rin ang sektor ng kabataan sa panawagang magkaroon ng ligtas na balik eskwela mula pa nang mag-umpisa ang paglipat sa online na set-up ng edukasyon. 

Sa Kamara, inihain ng Kabataan Party-list ang Safe Schools Reopening Bill upang makapagligtas na balik-eskwela ang mga guro, kawani, at estudyante matapos ang dalawang taong pagsasara ng mga paaralan bagaman may gradual re-opening na sa gitna ng pandemya.

BASAHIN: https://sinag.press/news/2021/12/02/hindi-literal-na-balik-eskwela-kundi-ligtas-na-balik-eskwela/

Kaakibat ng paghimok ng mga guro sa mas maayos na patakaran ng DepEd sa onsite reporting, patuloy ang pagkalampag ng sektor ng edukasyon lalo na sa papalit na administrasyon para sa pagtaas ng sahod, pagbabawas ng workload, pagpapabuti ng mga pasilidad ng mga paaralan, at pamamahagi ng overtime pay. 

*Hiningi ng gurong itago ang kaniyang identidad at pangalan.

Featured image courtesy of John Orven Verdote

2 militar na pumaslang sa aktibista ng Bayan Muna, guilty

Hindi masa ang kalaban, sina Marcos at Duterte

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *