Sa mahabang panahon, naging masalimuot ang danas ng kababaihan sa isang patriyarkal na lipunang gaya ng Pilipinas na nagsakdal sa kanila sa pagsasamantalang makauri at makaari.
Ibang-iba ito sa danas ng mga sinaunang kababaihan sa panahong pre-kolonyal, kung saan pantay-pantay ang pagtingin sa lalaki at babae, at may aktibong gampanin ang kababaihan sa gawaing ekonomikal (agrikultural), pampolitika, at panlipunan.
Sa pagdating ng kolonyalismong Espanyol, hinubaran ng kapangyarihan ang kababaihan at nilimitahan ang kanilang papel sa lipunan bilang tagapangasiwa ng tahanan at sunud-sunuran lamang sa kalalakihan.
Pinalala pa ito ng pagsisimula ng imperyalismong US, na ginawang produkto ang kababaihan sa malawak na pamilihan at materyal lamang ng pagnanasa ng sekswalisasyon.
Matindi rin ang naging paghihirap ng kababaihang Pilipino sa pananakop ng Hapon at Batas Militar ni Marcos, kung saan libo-libong kababaihan ang inabuso, ginahasa, at pinaslang.
Sa sistematikong pagbaluktot sa papel at pagkitil sa karapatan ng kababaihan, isang grupo ang nangahas na baguhin ito sa pagsusulong ng interes ng kababaihang Pilipina — babae, LGBTQ+, bata, comfort women, at mga biktima ng abuso na tangan ang kalahati ng langit.
Ang PagSILANG ng GABRIELA
Taong 1984, nabuo ang GABRIELA National Alliance of Filipino Women bilang tugon sa brutal na diktadurang Marcos, kung saan ipinagbawal ang pag-oorganisa ng demonstrasyon — laban sa tiraniya.
Inspirasyon sa pagkakatatag ng grupo si Gabriela Silang, isang rebolusyonaryo noong ika-17 siglo, na nakilala sa paghihimagsik laban sa kolonyalismong Espanyol at pagbalikwas sa tradisyonal na gampanin ng kababaihan.
Sa kasalukuyan, mayroon na itong mahigit sa 200 chapter sa buong bansa. Isa na rito ang Gabriela Women’s Party (GABRIELA), isang progresibong partylist group na naglalayong isulong ang interes at karapatan ng mga Pilipina, at bigyan ito ng tunay na representasyon sa Kongreso.
Marami na ring mga programang naisulong at batas na naipasa ang GABRIELA upang mabigyan ng boses at proteksyon ang kababaihan.
Isa sa mahahalagang kampanya na kanilang sinulong ay ang Purple Rose Campaign na isang kampanya laban sa sex trafficking ng mga kababaihan at kabataan sa ating bansa.
Nagbigay daan ito sa pagpasa ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, kung saan ang dating GABRIELA representative Liza Maza ang naging pangunahing may-akda nito.
Isang tagumpay rin ng GABRIELA ang pagsasabatas ng Republic Act 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act kung saan pinoproteksyunan ang pamilya partikular na ang mga kababaihan at kabataan laban sa kahit anumang uri ng karahasan at banta sa kanilang kaligtasan.
BASAHIN: https://tinyurl.com/GABRIELAlaws
Isa rin ito sa nagsulat ng batas para pataasin ang age of statutory rape mula 12 hanggang 16 upang protektahan ang mga kabataan sa panggagahasa.
Ngunit, katulad noong panahon ni Marcos, patuloy na sinusupil ng administrasyong Duterte ang boses ng masang Pilipino at isa na rito ang GABRIELA.
Noong nakaraang taon, isa sila sa mga nired-tagng rehimeng Duterte at tinulak na kanselahin ang kanilang pagpaparehistro sa Commission on Elections (COMELEC) bilang isang party-list sapagkat “front org” lamang daw ito ng CPP-NPA-NDF.
GABRIELA SA HALALAN 2022
Sa kabila ng mga walang-basehang paratang na ito, hindi nagpatinag ang GABRIELA. Ayon kay Rep. Arlene Brosas, patuloy lamang nilang ipagtatanggol ang mga karapatan ng mga marhinalisadong kababaihan at itutulak ang pagkakaroon ng isang health-based na tugon sa pandemya.
Sa paparating na halalan, ang plataporma ng GABRIELA ay nakatuon sa pagbibigay ng sapat na ayuda, kabuhayan, serbisyong kalusugan at paglaban sa iba’t ibang uri ng abuso.
PLATAPORMA NG KABABAIHAN, BATA, AT BAYAN
Lipunang kumakalinga sa mamamayan sa gitna ng pandemya at iba pang natural na kalamidad
- 10k na ayuda sa bawat pamilyang Pilipino
- Dagdag na pondo sa mga pampublikong ospital
- Singilin ang mga kinurakot sa kaban ng bayan
- Dagdag-benepisyo sa mga medical frontliners
Agrikultura at industriyang maunlad na magluluwal ng matiwasay na kabuhayan para sa mga magsasaka at manggagawang Pilipino
- Tunay na reporma sa lupa
- Pambansang industriyalisasyon
- Tunay na security of tenure
- P750 national minimum wage
- Ibasura ang Rice Liberalization Law at ipaglaban ang lupang ninuno
Bayan na nagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng kababaihan at lahat ng marginalized na sektor
- Palakasin ang Anti-Rape Law at Anti-VAWC Law
- Serbisyo sa mga biktima ng abuso
- Dagdag-benepisyo sa Solo Parents at Daycare Workers
- Pagsulong ng Divorce Bill
Abot-kayang presyo ng pagkain at iba pang batayang pangangailangan ng mamamayan at tunay na serbisyong panlipunan
- Ibasura ang Oil Deregulation Law
- Tanggalin ang VAT at excise tax sa langis
- Itigil ang demolisyon
- Isulong ang Ligtas na Balik-Paaralan
Nagkakaisang sambayanan para sa kasarinlan, kalayaan at katarungan. Wakasan ang marahas at mapanupil na pamamahala sa bayan!
- Ibasura ang Visiting Forces Agreement at iba pang di-pantay na kasunduan
- Buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC)
- Bigyan ng hustisya ang mga biktima ng Tokhang at extrajudicial killings
- Ibasura ang gawa-gawang kaso laban sa GABRIELA Partylist
Sa isang maka-lalaking sistema ng lipunan, patuloy na umaabante ang GABRIELA tungo sa pagpapabuti ng kalagayan ng kababaihan at bayan.
Tangan-tangan ang mga makababae at makataong tindig sa isyu at plataporma, makakaasa ang bawat Pilipina nang tunay na representasyon sa Kongreso sa pagpanalo ng laban ng GABRIELA.
Ngayong kaarawan ng dakilang peministang si Lorena Barros, alalahanin natin ang kanyang salita: “Ang bagong babae, ang bagong Pilipina, ay unang-una, militante” na handang matuto sa batayang masa ng mga ipinagkakait ng burgis na pamantasan at lumilikha ng kasaysayan.
Mga Gabriela, lumaban at makibaka. Padaluyin ang lakas ng kababaihan, ipagtagumpay ang laban ng GABRIELA!
#AbanteBabae
#LabanGabriela
Featured image courtesy of ABS-CBN News