Hindi madudukot ang bukas: Nagkakaisang awit ng Pambansang Minorya sa REV Music Festival


Kasabay ng pag-indak at pag-awit ng iba’t ibang artista’t grupo, itinambol din ang awit ng UP Fair Rev Music Festival ang awitin ng pag-asa ng mga pambansang minorya – pag-asa para sa pagwakas sa lantarang pasismo ng estado, pagtiyak ng kanilang batayang karapatan, at pagkamit sa ganap na tagumpay.   

Sa pangunguna ng nighthandlers na Agham Youth, Sigma Delta Pi Sorority, at Sigma Kappa Pi Fraternity, kasama rin ang advocacy partners na Katribu Youth at Siklab Philippine Indigenous Youth Network, bingyang-plataporma ng gabi ang mga kwento ng iba’t ibang katutubong grupo na matagal nang isinasantabi noong February 17, sa UP Diliman Sunken Garden. .

Bitbit din nila ang  pananawagan sa pagpapalitaw kina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus, mga tanggol-kalikasan at indigenous peoples’ rights defenders mula Cordillera.

Ayon sa datos ng Katribu, pinakaapektado ang 230 na lupaing ninuno mula sa 440 aprubadong aplikasyon sa pagmimina ngayong 2024 pa lamang. Sakop nito ang 538, 984 na lupain at dagdag pa nila’y 72% ng mga aplikasyong ito ay aprubado. Kung kaya’t isinusulong nila at ng pambansang minorya ang tuluyang pagbasura sa Mining Act of 1995 at pagsasabatas sa People’s Mining Bill.

Isa pa sa lubos na pinuproblema ng mga katutubo ay ang pambubomba sa kanayunan ng mga puwersa ng estado. Isang halimbawa nalang ay ang pambubomba sa mga katutubong Tumandok sa Lambunao, Iloilo noong September 15, 2023. Sa nasabing ulat mula sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), nasa 11 bala ng Howitzer na kanyon ang pinakawalan ng mga puwersa ng estado. Dalawa sa mga ito ay bumagsak humigit kumulang 100 metro mula sa bahay ng isang katutubo. 

Katutubo rin ang pinabulnerable sa di makataong epekto ng Anti-Terror Act of 2020. Matatandaang si Jasper Gurung at Junior Ramos, parehong Aeta, ang mga unang biktima ng represibong instrumento ng estado na ito. Anila, sila’y tinortyur at pilit na pinapatahimik.

Ang lahat ng ito ay hindi dapat isinasantabi. Ang mga ito ay hindi lamang pawang mga kuwento—ang mga ito’y dapat nagsisilbi ring paanyaya upang kumilos at mas paalabin pa ang tinig ng pambansang minorya. 

Mapagpalayang himig ng madla 

Nakiisa rin sa panawagan ng mga pambansang minorya ang mga pumunta sa REV Music Festival.

Saad ni Kyla Cobarrubias, 19, papaalabin niya ang tinig ng mga katutubo sa pamamagitan ng pamamahagi ng ideya at kamalayan sa mga estudyanteng walang ideya tungkol sa danas ng mga katutubo.

Kwento ni Diana Lazaro, 21 mayroon din siyang mga kabigang indigenous peoples. Aniya, alam nilang nasa UP Fair Rev si Diana at kung anumang mapupulot niyang aral at kaalaman mula sa pangyayari’t protesta ay ibabahagi niya rin sakanila. 

Balak naman ni Jespher Brillante, 25, na magpakalat ng makatutulong na impormasyon tungkol sa mga katutubo sa pamamagitan ng mga nakuhang larawan at video sa UP Fair. Nais niyang mabigyang pokus ang mga panawagan sa mga plakards at ipatambol ang boses ng mga tagapagsalita.


“Dapat silang magkaroon ng batas,” saad naman ngdin kilalang personalidad na si Queen Mathilda, kung saan sinabi niya na ang pag-protekta sa lupang ninuno ay isang act of self-preservationkung kaya’t dapat kalampagin ang gobyerno na bigyan sila ng sapat na atensyon dahil sila’y historically marginalized.

Nang kausapin si Joed Quervy Ilustrisimo, 20, tungkol sa dapat maging hakbangin ng kilusan matapos ang pagdukot kina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus, sinaad niya na “Hindi lang naman sila yung taong may nasimulan na. May mga tao naman aside from them na hindi naaaresto. Sila ang magpapatuloy.” Ani Joed, ang pagpapatuloy na ito ay mangyayari kung magkakaroon ng aksesible, de-kalidad at libreng edukasyon.

Dagdag naman ni Prince Obispo, 20, magandang pagsama-samahin ang puwersa ng mga lumalaban para sa karapatan ng pambansang minorya. Bukod sa pagpapalakas sa grassroots organizations at pagkakaroon ng aksesibleng edukasyon, mainam din na maisapubliko’t gawing aksesible rin ang mga pangunahing karapatan at serbisyo ng gobyerno. 

Bukod sa pakikiisa ng mga manonood ay hindi rin nagpahuli ang mga artistang nagtanghal. Bitbit ang mga plakard na nagsasaad ng mga panawagan ng pambansang minorya, ipinatambol nila ang mga panawagan ng pambansang minorya sa entablado. Ilan sa mga ito’y ang ALAMAT, BINI, Lola Amour, at Cup of Joe. 

Giit ng mga Tanggol-Katutubo: Huwag Hayaang Dukutin ang Pangarap na Bukas!

Mula sa Siklab, nagbahagi si Kim Falyao ng mensahe na naglalayong mabigyan ng sapat na atensyon ang nangyaring pagdukot kina Dexter at Bazoo. Aniya, “Dinudukot ang pangarap at maaliwalas na bukas gaya ng pagdukot kina Dexter at Bazoo. Imbes na tugunan ang hinaing, mas inuuna ang pagratsada ng charter change!”

Simple lang naman ang punto ni Falyao: walang ginagawa ang rehimeng Marcos-Duterte sa lumalalang sitwasyon ng mga tanggol-karapatan at tanggol-kalikasan tulad nila Dexter at Bazoo. Ipinasara ni Sara Duterte kamakailan lamang ang 11 Lumad schools habang si Marcos Jr. ay inuuna ang mga miting sa ibang bansa kaysa sa tunay na kalagayan ng Pilipinas. At ngayon, nagtuturuan pa sila kung sinong adik, kahit parehas lang naman silang adik sa kapangyarihan.

“Hindi terorismo ang pakikibaka . Hindi terorismo ang pakikiisa sa laban ng pagbansang minorya. Hindi terorismo ang paglaban para sa [tunay na] pagkakaisa.,” ani Falyao.

Marahil malayo pa nga ang pagkamit ng mga pambansang minorya sa kanilang mga karapatan. Ngunit malinaw rin na sa kabila ng lantarang pasismo at pagpapabaya, hindi pa rin nadudukot ng rehimeng Marcos-Duterte ang pag-asa ng malayang bukas para sa kanila.

Wala Nang Sasayaw sa Lumang Tugtugin ng Cha-Cha!

UPB, UPD: Jijil, tumindig kasama ng UP community!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *