Kasabay ng inagurasyon ni Bongbong Marcos sa Museong Pambansa kaninang umaga, nanumpa ang daan-daang mamamayan na patuloy na titindig laban sa pambabaluktot ng mga Marcos sa kasaysayan at panunumbalik nila sa kapangyarihan.
Ipinapanawagan ng mga nagprotesta sa Plaza Miranda kanina na itakwil ng taumbayan ang “ilehitimong rehimen” ni Marcos na paparating at patuloy na tumindig para sa mga batayang karapatan.
Sa pangunguna ni Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Secretary-General Renato Reyes, nanumpa silang patuloy na panagutin ang mga Marcos sa kanilang mga krimen at utang sa bayan at ipapaalala ang mga aral at lagim ng diktadurang Marcos Sr.
“Ang inagurasyong ito ay kulminasyon ng halos tatlong dekada ng sistematikong disimpormasyon. Tumakbo ang mga Marcos para linisin ang kanilang pangalan. Ngunit kahit maluklok sina Marcos, di nito mabubura ang kasaysayan ng kahirapan ni Marcos Sr,” giit ni Reyes.
Namanata din silang ipaglaban ang mga batayang karapatan ng mga mamamayan sa kabila ng tumitinding krisis ng ekonomya. Kasabay nito, ipaglalaban din nila ang soberanya ng bansa at karapatang pantao.
Kasabay ng pagkondena sa paparating na administrasyon, malakasang pinagdiinan ng mga nakilahok sa kilos-protesta na ilehitimo ang bagong rehimeng Marcos dahil sa malawakang pandaraya noong nakaraang eleksyon.
“Si Marcos Jr. ay kinatawan ng bulok na pulitika sa bansa. Kwestyonable ang huling halalan dahil sa kawalan ng transparency na naglatag ng pagdududa sa mamamayang Pilipino,” sabi ni Kontra Daya Convenor Malou Turalde.
Batay sa ulat ng Kontra Daya at isang International Observing Mission, talamak ang mga anomalya noong nakaraang halalan at hindi katiwa-tiwala ang naging resulta nito at masasabing hindi naging demokratiko ang pagkahalal kina Marcos Jr. at Sara Duterte, anak ng sinundang diktador ni Marcos na si Rodrigo.
“Talamak ang vote-buying harassment at intimidasyon. Talamak din ang paggamit at pag-abuso sa rekurso ng gobyerno. Gayundin ang sirkumbensyon at pambabalahura sa batas.
BASAHIN: https://bit.ly/3ufnhTz
Tinuligsa din ng Kontra Daya ang kaduda-dudang awtomadong eleksyon, kasama ang kwestiyonableng kasunduan sa Smartmatic at F2 Logistics at kawalan ng transparency sa transmission at bilangan ng mga boto.
“Nakikita natin ang pamamayagpag ng mga may kapangyarihan at mayayaman sa ating bansa. Papayag ba tayong magpatuloy ang ganitong kalagayan?” ayon sa grupo.
Giit ni Turalde, hindi na maaaring hayaan ng taumbayan ang mga panloloko ng mga Marcos at Duterte dahil nasa kolektibong pagkilos ng mamamayan ang kapangyarihan upang wakasan ang panlilinlang at makamit ang tunay na demokrasya at pag-unlad ng bayan.
Patuloy pa rin ang panawagan ng mga progresibong grupo at mamamayan na itakwil ang tambalang Marcos-Duterte, kontrahin ang mga panlilinlang at lumaban sa mga pang-aabuso, at manindigan para sa karapatan ng bawat Pilipino
“Hindi matatapos ang laban hanggang may Pilipinong titindig para sa kalayaan ay demokrasya ng bayan,” sabi ni Reyes.
Featured image courtesy of Noy Morcoso