Ang kasalanan ng ama ay hindi raw kasalanan ng anak. Pero paano kung ang anak mismo ay kasabwat sa kasalanan ng ama at may sarili ring kasalanan?
Ang kasinungalingan, kahit isanlibo’t isang beses pang pagtakpan, ay kasinungalingan pa rin. At ang pagsisinungaling na ito ay nakaangkla sa interes ng kanilang pamilya—ang burahin ang kanilang krimen sa kasaysayan, gawing katotohanan ang kasinungalingan, at buwagin ang salalayan ng moralidad sa kanilang panunumbalik sa Palasyo na minsan silang pinalayas ng taumbayan.
Kabanata ng mga kasinungalingan
Ang Lumang Lipunan: Sa isang interview kay Jessica Soho, halos mautal-utal na si Bongbong na itanggi ang mga abuso at korapsyon ng Martial Law ng kanyang ama. Ang kasikatan at identidad ni Bongbong, na kasabwat din, ay laging nakakabit sa kanyang ama.
Pero sa deka-dekada bilang gobernador at congressman sa Ilocos, biláng sa daliri ang kanyang mga nakamit. Mana nga sa ama, puro propaganda ng mga kasinungalingan—wala pa rin ang “Bagong Lipunang” ipinangako dahil ang kasalukuyang lipunan ay ang luma pa rin na nagluwal sa kanilang pagbangon.
Bayan Bangungot Muli: Serye ng mga pagsisinungaling ang bumabalot sa makinarya ng kampanya ni Bongbong Marcos Jr. Mula sa pekeng patunay na nagbayad daw siya ng tinakbuhang buwis, dinoktor na medical certificate na nagka-COVID daw kahit na nakapag-radio guesting sa hapon at nabuking na nga nagshoot pa ng campaign ad kinabukasan, hanggang sa credit-grabbing ng Bangui windmills na sa totoo lang ay pinondohan naman ng ayuda mula sa Denmark at hindi ng pekeng Tallano Gold.
Certificate of Cunning: Ang sinungaling ay kapatid raw ng magnanakaw. Kung si Imee ay magnanakaw, edi si Bongbong ay sinungaling? Sa kanyang certificate of candidacy, itinanggi niya na siya ay nahatulang guilty sa isang kasong may kinalaman sa kabulukan ng moralidad.
Gayunman, ipinapakita ng mga tala ng Korte na siya ay nahatulang guilty sa kasong hindi pagbabayad ng buwis noong 1982-1985 kahit siya ay pinagmulta na lang at hindi na ipinakulong—gaya ng kanyang inang convicted sa pitong bilang ng korpasyon na hindi raw maaaring ikulong dahil sa katandaan kahit may humigit-kumulang 100 na matanda’t maysakit na bilanggong politikal sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Diploma de Recto?: Tiyak nag-aalamano, este puro pagtatago sa mga kasal at binyag, ang pananggalang ng spoiled brat na anak ng diktador na matatandaang nagsinungaling ding nagtapos daw ng BA degree sa Oxford. Ika nga, kailangan ng isang kasinungalingan para pagtakpan ang isa pa. Lumilinaw ang mga ebidensya ng pagiging pathological liar ni Marcos Jr.
Never-ending na kwento ng kasinungalingan:Marami pa tayong pwedeng mailista rito pero ang malinaw, nasa dugo na ng mga Marcos ang kasinungalingan. Ngayong eleksyon, ang mga kasinungalingang ito ang kanilang primaryang armas upang makapaghasik muli ng kalagima’t kasinungalingan sa Palasyo.
Pero sa mundo ng mga gutom at api, ang kasinungalingan rin nila ang patuloy na nagbibigay-armas sa masang magrebolusyon.
Leksyon para sa eleksyon
Ngayong araw, tinakdaan ni COMELEC Comm. Rowena Guanzon ang ponentena si Comm. Aimee Ferolino, isang Duterte appointee, taga-Davao, at puring-puri ni Sen. Bato dela Rosa sa confirmation hearing. Magreretiro na kasi si Guanzon sa Pebrero 2 at mapapalitan ng isa pang itatalaga ni Duterte kaya napilitan siyang ilantad sa publiko ang mga pambabraso.
Maaanghang ang mga katotohanang ipinukol ni Guanzon kay Marcos Jr. Aniya, ang pagsisinungaling ng huli na nagbayad siya ng buwis ay patunay sa gahiblang pagpapahalaga nito sa moralidad kaya hindi siya karapat-dapat iboto. Dagdag pa niya, karapatan ng taumbayan malaman ang katotohanan laban sa mga kumikitil sa ating demokrasya, gaya ni Marcos.
Ngayong araw rin, inilabas na ni Guanzon ang kanyang separate opinion habang hindi pa rin naglabas ng desisyon si Ferolino matapos ang tatlong linggo. Ani Guanzon, sang-ayon siyang madisqualify si Marcos, Jr. sa pagiging kandidato sa batayang umamin siya na hindi siya nagbayad ng buwis mula 1982 hanggang 1985 na isang “crime involving moral turpitude” na maaaring makapag-disqualify.
Sapul ni Guanzon ang katangian ni Marcos: hindi na lang nakalimutan kundi kinalimutan — paulit-ulit, nagpupumilit, at walang mintis na paglimot — at isang mulat na disenyo para linlangin ang publiko, talikuran ang obligasyon bilang pampublikong opisyal noon, at kapasyahang umiwas na magbayad ng buwis na taliwas sa pampublikong interes.
Kapwa taliwas sa pampublikong interes ang kandidatura ni Marcos, dagdag pa ang pakikipagsanib niya kay Duterte.
Sa tabing ng Uniteam, ang alyansang ito ang salamin ng mga pinakabulok at pinakaanti-mamamayang tambalan na dapat biguin at gapiin. Gaya ng kanilang mga ama na diktador, mamamatay-tao, magnanakaw, at taksil, lalo lamang nilang ilulubog ang bansa sa buhay na bangungot ng kahirapan, kasinungalingan, at kamatayan.
Sa hindi paglalabas ni Ferolino ng ponencia ngayong araw, lalong lumilinaw na handa ang mga Marcos at Duterte na balahurain ang mga umiiral na demokratikong institusyon at proseso, kung meron pa man ni katiting.
Patunay ito sa kanilang malakas na makinarya — hawak o impluwensiya sa COMELEC, Korte Suprema na Presidential Electoral Tribunal rin, ang tagahatid ng mga balota at makinang pambilang na 2Go na pag-aari ng Dutertegarch na si Dennis Uy, ang commander-in-chief ng AFP at PNP na si Duterte, at ang Kongresong pugad ng mga alyado ng mga Marcos at Duterte. Ito ang mukha ng demokrasya sa ilalim ng diktadura—mula marami tungong iilan.
Wala sa kamay ng mayayaman ang demokrasya; ito ay nasa kamay ng nagkakaisang hanay ng mamamayan. Malaki ang kalaban ngunit kasaysayan ang nagpatunay na maaaring magpatalsik ng mga diktador, kurakot, at sinungaling. Isang karapatan at katotohanan na dapat at kayang pabagsakin ang mga diktadura.
Sa darating na eleksyon at lalong sa rebolusyon, doon tiyak na ang “bayan, babangon muli” laban sa mga Marcos at Duterte. Ito ang katotohanang hindi maikukubli ng kanilang mga kasinungalingan.
#DisqualifyMarcos
#DefeatDuterteMarcos
Featured image courtesy of Philippine News